‘Whole of nation approach’

Noong Agosto 7, 2019 ay bumisita ako sa Surigao Airport kasama sina Department of Transportation Assistant Secretary for Procurement and Project Implementation Giovanni Lopez at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Director General Jim Sydiongco. Hindi pa po fully ope­rational ang nasabing paliparan na napinsala ng 6.7 na lindol noong Pebrero 2017.

whole of nation approach - ‘Whole of nation approach’
Mediaman martin andanar - ‘Whole of nation approach’

Noong Agosto 7, 2019 ay bumisita ako sa Surigao Airport kasama sina Department of Transportation Assistant Secretary for Procurement and Project Implementation Giovanni Lopez at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Director General Jim Sydiongco. Hindi pa po fully ope­rational ang nasabing paliparan na napinsala ng 6.7 na lindol noong Pebrero 2017.

Isinasaayos naman ito pero maraming problemang sumulpot dahil sa isyu sa dating contractor nito.

Isa po akong Surigao­non, at dahil ako ay nasa pamahalaan, lumapit sa akin ang aking mga kalalawigan na baka posibleng makatulong ako na mapabilis ang rehabilitasyon nito.

Noong Hunyo 3, 2019 ay inihain ng Provincial Capitol ng Surigao Del Norte ang Resolution No. 103 Series of 2019 na humihi­ling sa inyong lingkod na mag-intervene sa proyekto. Maging ang Surigao City Chamber of Commerce & Industry Inc. ay naghain din ng ganitong resolusyon noong Hunyo 15, 2019.

Agad akong lumapit sa napakasipag na si Transportation Secretary Art Tugade, at na­ging madalas ang aming pag-uusap kung paano sosolusyunan ang problema.

Sa katunayan ay isasagawa na sana ang widening project ng runway ng paliparan noong Oktubre 2015. Sa kasamaang palad ay naudlot ito dahil ang dating contractor, ang Herbana Builders, ay nagdeklara ng pagkabangkarote at iniwan sa ere ang proyekto. Kamalas-malasan pa ay inabutan nga ng lindol noong 2017.

Sa inspection na ginawa namin ay nakita ko ang pinsala na dulot ng lindol. Sus ko po, gumalaw ang kalsada sa runway at makikita ninyo na ang mga linya ng runway ay hindi na naka-align. Malalaki rin ang mga bitak na pag naghulog kayo ng barya ay hindi na ninyo makikita. Napakadelikado po talaga.

Sa ngayon, nasa 1,000 metro na lang mula sa orihinal na 1,700 metro ang nagagamit. Dahil dito ay kanselado ang mga biyaheng Manila to Surigao. At maiisip ninyo siguro ang hassle na dulot nito sa mga biyahero na sa Surigao Airport bumababa at sumasakay.

Bagaman at may bagong contractor na ang DOTr, ang Pacific Concrete at ang VT Lao Construction, at nakakuha ng panibagong pondo na P123.5 milyon mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund, hindi rin agad nasimulan ang rehabilitasyon.

Ayon kay DOTr Asec. Lopez, tinamaan naman ng bagyo ang lalawigan at limang tulay ang nasira kaya pahirapan ang pagbibiyahe ng mga materyales na gagamitin sa pagkukumpuni sa Surigao Airport.
At para magawan ito ng paraan, nagkasundo ang DOTr at ang contractor na mag- set-up ng batching plant na malapit sa airport para maiwasan na ang pagkaantala ng proyekto.

Ayon kay Asec Lopez, “Totoong naantala. Pero kahit ang original contract duration, which is February 2020, that is non-negotiable. ‘Yan po ang ginagawa natin. Ginagawan po ng paraan ngayon. ‘Yan po ang mangyayari.”

Tiniyak naman ni DOTr Sec. Tugade na mahigpit niyang imo-monitor ang implementasyon ng rehabilitasyon at pagpapalawak ng runway. Aniya, “It is our earnest commitment to the people of Surigao to restore the airport’s viability. We will make sure to work on this expediently so we may bring back connectivity in the province at the soonest possible time.”

At ang pangako po niya sa akin at sa aking mga kalalawigan, by hook or by crook ay matatapos ang proyekto.

Iba rin talagang magtrabaho ang DOTr. Sa harap ko, ng media, iba’t ibang organisasyon at pribadong indibidwal ay pinapangako nila ang mga contractor na bilisan ang trabaho. Nakakatuwa naman na nagbitaw ng kanilang salita ang mga kontratista na hangga’t makakaya ay pipilitin nila na matapos ang proyekto nang mas maaga sa deadline.

Kinabukasan, ibinahagi ko sa Cagayan De Oro press ang development sa Surigao Airport. Sinabi ko sa kanila na isa itong perpektong halimbawa ng whole of nation approach para maresolba ang mga problema sa ating bansa at maipagkaloob sa ating mga mamamayan ang ginhawa lalo na sa paglalakbay. Sama-sama ang mga mamamayan, private sector, LGU, national government at media para kumilos at magbayanihan nang walang sinisisi dahil may nagpabayang ibang tao o grupo bago pumasok ang Duterte administration. Nariyan na ang problema, ang dapat gawin ay sama-samang aksyunan at solusyunan.

Ang partial operation ng runway hanggang 1,400 metro ay posibleng matapos na ngayong Nobyembre para maibalik na ang Manila-Surigao flights. Tamang-tamang ito dahil mataas ang demand sa biyahe sa panahon ng Kapaskuhan. Ang sarap pa namang magkita-kita kapag Christmas.

Maraming-maraming salamat po sa DOTr at CAAP. Mabuhay ka, Sec. Art Tugade!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *