Unahin hinaing ng mga nurse

ANG isa sa itinuturing nating bayani sa panahon ng pandemya dahil isa sila sa frontliner at marami na ang nasawi sa kanilang hanay ay ang ating nurses na ngayon ay nagsusumamo na kung maaari ay dagdagan naman ang kanilang sahod.

The post Unahin hinaing ng mga nurse first appeared on Abante.

unahin hinaing ng mga nurse - Unahin hinaing ng mga nurse
Jolo Revilla - Unahin hinaing ng mga nurse

ANG isa sa itinuturing nating bayani sa panahon ng pandemya dahil isa sila sa frontliner at marami na ang nasawi sa kanilang hanay ay ang ating nurses na ngayon ay nagsusumamo na kung maaari ay dagdagan naman ang kanilang sahod.

Habang palakas nang palakas ang kanilang panawagan ay tila nakakuha rin sila ng simpatya mula sa Palasyo na nagbigay na ng pahayag na marapat at napapanahon talagang taasan na ang kanilang suweldo para hindi na sila maingganyong mangibang bansa.

Ngayong kalahating taon na tayong nasa pandemya ay nagpahayag ang Department of Health (DOH) na nasa 1,800 umano ang kakulangan ng ating mga nurses sa kasalukuyan at dahil sa pandemya ay tila nahihirapan na silang punuan.

Maging ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay nanawagan kamakailan sa mga ospital na dagdagan umano ang suweldo ng mga nurse ngunit hanggang ngayon ay tila wala pa ring tumutugon sa naturang panawagan.

Marami kasing five-star hospitals ang naglalakihan ang mga building, ang gaganda ng disenyo na halatang nagkakamal ng maraming kita ngunit ang kanilang mga nurse ay nananatiling overworked and underpaid.

Hindi lang nurses kung hindi lahat ng medical workers dapat ay dagdagan ang suweldo dahil sa napakalaki ng utang na loob ng bansa sa kanila dahil sa buhay ang puhunan nila para iligtas ang sambayanan laban sa COVID-19.

Alam ba ninyo na maraming mga nurse ang kasalukuyang nagtatrabaho sa mga naglalakihang ospital ngunit karamihan sa kanila ay wala pa sa P18,000 ang suweldo kada-buwan at santambak pa ang kinakaltas kaya halos wala nang natitira sa kanila.

Ang pagkuha ng kursong nursing ay isa sa pinakamahal na kurso sa bansa at bago makapagtapos ng kolehiyo ay hirap na hirap na ang maraming magulang at pagkatapos ay magre-review pa para sa board exam para maging registered nurse.

Ang masaklap na dinaranas pa ng mga bagong nurse sa bansa ay kinakailangan pa ng ilan sa kanila na magbayad sa ospital para lamang magkaroon ng pagkakataon na makapagtarabaho ng aktuwal para makaipon ng karanasan.

Kaya sobrang dismayado na ang ating nurses dahil sa kasalukuyan ay ang Pilipinas ang may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa buong Southeast Asia pero tayo ang may pinakamababang pasuweldo sa ating mga frontline workers.

Kaya itong panawagan ng Filipino Nurses United (FNU) at Royal College of Nursing (RCN) sa pamahalaan na panahon na umano para bayaran ng patas ang mga nurse ay talagang makatuwiran at dapat na bigyang prayoridad.

Sa Singapore ang isang nurse ay tumatanggap ng buwanang suweldo na humigit-kumulang sa kalahating milyong piso na sobrang napakalayo sa suweldong ibinibigay natin, na sa tingin ko ay labis na nakakadagdag sa pagbagsak ng moral ng ating nurses.

Posibleng ang magandang sahod ng nurses at medical workers sa Singapore ang isa sa dahilan kaya maaga nilang nasugpo ang pagkalat ng COVID-19 kahit wala pa ang hinahantay nating bakuna.

Sa ibang bansa ay respetado ang mga nurse at nagsisiyaman, ngunit sa ating bansa ay napakababa na ng sahod, napakababa pa ng trato kahit subsob sa trabaho.

Bilang bise-gobernador ng Lalawigan ng Cavite ay wala kong direktang maitutulong para maitaas ang suweldo ng mga nurse ngunit nais kong ipaalam sa kanila na tutulong ako para kalampagin ang kinauukulan para maitaas ang kanilang suweldo.

Damang-dama ko ang pinagdaraanang hirap ng ating nurses at kaya kasama ninyo ako hanggang sa maibigay na ng kinauukulan ang disenteng suweldo na nararapat nang ibigay sa panahong ito.

Naniniwala ako na isa sa mga araw na ito ay itataas na ang suweldo ng ating nurses at sana ay isama na rin ang iba pang health workers.

The post Unahin hinaing ng mga nurse first appeared on Abante.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *