Tunay na aral mula sa kantang Bahay Kubo

Ano bang aral ang makukuha mula sa popular ng folk song na “Bahay Kubo” kundi pangalan ng mga gulay?

The post Tunay na aral mula sa kantang Bahay Kubo first appeared on Abante.

tunay na aral mula sa kantang bahay kubo - Tunay na aral mula sa kantang Bahay Kubo
EDITORIAL LOGO XIAO CHUA Xiao Time 1 - Tunay na aral mula sa kantang Bahay Kubo

Ano bang aral ang makukuha mula sa popular ng folk song na “Bahay Kubo” kundi pangalan ng mga gulay?

Sinuri ito ni Brod Pete, pinuno ng samahang Ang Dating Doon, at kanyang sinabi na ayon sa nasusulat, mali ang pamagat dahil hindi naman ito tungkol sa bahay kubo. Sana ang pamagat na lamang aniya ay “Ang aking hardin” o “Ang niluto kong bulanglang” o dili kaya’y “Ang kinain kong pakbet.” Dagdag ko, puwede ring “Makulang ang buhay sa sinabawang gulay.”

Puwera biro, ayon historyador at etnologo na si Zeus Salazar, tila nagamit sa kolonyal na edukasyon ang kanta sa pagpapalaganap ng “culture of smallness” ng mga Pinoy, kasi “Bahay kubo, kahit munti.” E akala natin ang lahat sa kultura natin e munti. Ayon kay Salazar, ang mga sinaunang bahay na Austronesyano ay hindi munti, ang bansa natin mismo ay hindi rin maliit. “We are a medium-sized economy” ika nga ni economic historian Van Ybiernas.

Kamakailan, isang aklat ang inilathala ng Savage Mind sa Naga City na pinamagatang “Bahay Kubo: A Filipino Children’s Song” na may mga sanaysay ng Antropologong si Stephen Acabado at ng manunulat na si Kristian Sendon Cordero. Ang ang mga titik naman ng awitin ay nilagyan ng interpretasyon sa sining ni Aldrin A. Camacho. Ngunit ang aklat na ito, “kahit munti” ay huwag ismolin sapagkat may malalim ito na gustong ipahiwatig tungkol sa ating pagkakakilanlan kaya kung ako sa inyo, mag-order kayo nito sa Facebook ng Savage Mind puwede niyo pa ipapirma kay Kristian.

Una kong napansin, kapag tiningnan mo ang dibuho ng aklat sa mga salitang “Bahay kubo, kahit munti,” hindi bahay kubo ang nakalarawan, kundi isang mundo sa ilalim ng araw (puting ilaw) at dilaw na buwan (tenentenenten—chos). Sa maikling sanaysay ni Acabado, ang bahay kubo ay naglalarawan hindi lamang ng kapalagiran ng Pilipinas, kundi kung papaanong ang ating kasaysayan at kapaligiran ay nahubog ng kasaysayan natin ng pakikipag-ugnayan sa mundo.

Tinatawag na “homogenocence” ang pagkalat sa daigdig ng mga halaman na endemic sa Latin Amerika tulad ng singkamas, mani, sitaw, patani, kalabasa, kamatis, bawang dahil sa pagkasakop sa kanila ng mga Espanyol. At dahil sa Galleon Trade nadala dito sa Pilipinas, kasama na rin ng ilang kataga—palengke halimbawa. Ang mga iba pang halaman ay nanggaling sa Asya, Africa o India at ang upo, labanos at luya lamang ang galing dito sa Timog Silangang Asya, o yung tinatawag na endemic dito.

Kaya imbes na “culture of smallness of the Filipino” o makitid na mga pananaw sa diskurso ng “nasyunalismo” at ang mga katarantaduhang nosyon ng “purong Pilipino” (Xiao Chua, Intsik ka, bumalik ka na sa Tsina), ang awiting Bahay Kubo ay paalala na kung anuman ang Pilipino ngayon ay produkto ng kasaysayan ng pagiging kaisa ng Pilipino sa daigdig noon pa man.

The post Tunay na aral mula sa kantang Bahay Kubo first appeared on Abante.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *