Tulung-tulong para sa Frontliners

Balik sa Modified Enhanced Community Quarantine ang National Capital Region (kasama na ang iba pang lugar) bilang tugon sa panagawan ng ating mga doktor at health workers na magkaroon muna ng ‘break’. Hindi po biro ang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 at ang umaapaw nang mga ospital sa dami ng pasyenteng kailangan nilang tugunan.

tulung tulong para sa frontliners - Tulung-tulong para sa Frontliners
Risa Hontiveros Wala Kayo Sa Mama Ko 750x430 1 1 - Tulung-tulong para sa Frontliners

Balik sa Modified Enhanced Community Quarantine ang National Capital Region (kasama na ang iba pang lugar) bilang tugon sa panagawan ng ating mga doktor at health workers na magkaroon muna ng ‘break’. Hindi po biro ang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 at ang umaapaw nang mga ospital sa dami ng pasyenteng kailangan nilang tugunan.

Kahit sa Senado ay nagdeklara na rin ng lockdown para malimitahan ang mga empleyadong lalabas ng bahay at papasok sa opisina. Unti-unti tayong nasasanay sa online hearings at sessions kahit pa minsan ay challenging dahil sa mabagal na internet connection.

Sa totoo lang, magkadugsong dapat ang tugon sa health at economy. Hindi dapat tayo namimili kung alin ang uunahin. Sabi nga, aanhin mo pa ang sweldo o kita mo, kung wala na ang mga taong gagamit at makikinabang dito? Hangga’t hindi agarang maaaksyunan ang problemang pangkalusugan, hindi rin masosolusyunan ang pagbulusok ng ating ekonomiya.

Kaya naman ilang paalaala sa ating lahat para suportahan, hindi lang ang health workers kundi ang bawat isa sa paglaban sa virus na ito.

1. Iwasan ang lumabas kung hindi naman kailangan. Ang mga simpleng ‘cravings’ ay makapaghihintay. Ang mga lakad kasama ang kaibigan ay pwedeng ipagpaliban. Lumabas lang para sa inyong essential needs: pagkain at iba pang mahahalagang suplay sa bahay.

2. Wag kalimutan ang makabagong ‘golden rules’: Handwashing, pagsusuot ng face mask at physical distancing. Sabi nila ‘it takes 7 days to form a habit’ pero ayon sa mga eksperto sa Psychology, 66 days o higit dalawang buwan daw on the average, bago makasanayan ang bagong gawi. Nasa limang buwan na tayo ng quarantine kaya dapat sa mga oras na ito ay unti-unti nang nagiging parte na ang tatlong ito ng ating sistema.

3. Kung kakayanin ay magwork from home na muli. Maging bukas sa pakikipag-usap sa inyong mga employer para sa work-from-home arrangements para maiwasan ang paglabas at pagkakalantad sa banta ng virus. Para naman sa mga trabahong imposible ang ganitong set-up, wag kalimutang dalhin ang mga panangga: face mask, alcohol o hand sanitizers.

4. Stay informed. Kapag nakaramdam ng sintomas ay huwag agad magpanic at pumunta sa mga ospital. Magpakonsulta sa espesyalista gamit ang telemedicine o di kaya ay makipag-ugnayan sa inyong barangay health worker (mahalagang alamin ang contact number o paraan para sila ay makausap), at hayaan silang i-assess ang inyong kondisyon. Mayroon ding COVID hotline ang Department of Health — (02) 894-COVID (26843) o 1555 para sa lahat ng subscribers.

5. Sanayin ang mindset na ito: “Lahat ng makakasalamuha ko, kahit ako, ay posibleng may bitbit na virus na pwedeng maipasa sa iba”. Malayo ang mararating ng malasakit kung bawat isa ay may bitbit nito.

Naniniwala ako na hindi pasaway ang Pilipino. Sumusunod tayo lalo na kung malinaw ang direksyon kung saan tayo tutungo. Sa ngayon, magkaisa tayong tunguhin ang direksyon para tulungan ang medical experts at frontliners sa kanilang ‘break’ upang makagawa ng dagdag na istratehiya laban sa COVID-19. Para hindi na kailangang pumili pa sa pagitan ng buhay at kabuhayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *