Tuloy ang laban sa endo!

Lubhang nakakalungkot po ang pag-veto ng ating Pangulo sa isinulong nating ‘Security of Te­nure Bill’ para tuldukan na ang endo.

tuloy ang laban sa endo - Tuloy ang laban sa endo!
Abante Sen Joel Villanueva Mr Trabaho - Tuloy ang laban sa endo!

MR. TRABAHO
Joel Villanueva

Lubhang nakakalungkot po ang pag-veto ng ating Pangulo sa isinulong nating ‘Security of Te­nure Bill’ para tuldukan na ang endo.

Ang veto ay kapangyarihan o karapatan po ng Pangulo na ipawalangbisa ang panukalang batas na pinagtibay ng Kongreso.

Kaya’t ginagalang pa rin po natin ang naging pasya ng Malacañang bagama’t hindi po talaga kanais-nais ito sa ating mga manggagawa — lalo na po sa halos dalawang milyong kontraktwal na palaging may pangamba kung may babalikan pa ba silang trabaho o kung saan sila kukuha ng ipapakain sa kanilang mag-anak oras na ma-end of contract sila.

Hindi rin po natin maiwasang kuwestyunin ang naging basehan ng desisyon ng Pangulo lalo pa’t ito po ang isa sa pinakamarubdob niyang pangako noong 2016 Presidential campaign at higit sa lahat, sinertipikahan din po n’ya ito bilang ‘urgent measure’.

Sa loob po ng tatlong taon, agresibo po na­ting sinulong sa Senado ang Senate Bill 1826 habang kaliwa’t kanan ang ginawa nating mga konsultasyon kasama ang mga unyon, employers group at ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Maging ang ilang mga economic manager po ng Pangulo kasama ang DOLE at DTI ay ilang beses nagpahayag ng pagsuporta sa ating panukala. Tiniyak din po nating makuha ang panig nila para makaukit tayo ng balanse at katanggap-tanggap na batas laban sa endo kung saan parehong panalo ang manggagawa at mamumuhunan.
Dahil dito, puspusan po ang naging pagsuporta ng buong Senado at Kongreso sa ‘Security of Tenure Bill’. Sa Senado, 15-0 po ang boto samantalang 199-7 naman sa Kongreso pabor sa ating panukalang batas.

Subalit noong ika-26 ng Hulyo, ang panukalang tutuldok po sana sa endo ay tinukdukan din ng veto ng Pangulo.

Sabi nga po, “An­yare?” Bakit bigla pong nagbago ang ihip ng hangin at tila mas nanaig ang panig ng mga negosyante at kapita­lista?

Ilang araw po bago ang pag-veto sa endo, sunod-sunod ang mga pahayag mula sa ilang mga negosyante na klarong pagpapakalat lamang ng mga maling impormasyon tungkol sa ating panukala. Tila hindi nila binasa ang ‘Security of Tenure Bill’ at sa halip ay nagpakalat pa ng maling interpretas­yon tungkol dito.

Dalawampung taon na pong naninikluhod ang mga inaabusong manggagawa para tuldukan ang endo pero bigo na naman po sila dahil sa pag-veto rito.

Isusulong po nating muli ang ‘Security of Tenure Bill’ at hindi po tayo titigil hanggat hindi nanunumbalik ang dignidad sa paggawa at nasusupil ang pang-aabuso sa kontraktwalisasyon tulad ng endo.

“Kagalakan sa matuwid ang gumawa ng kahatulan; nguni’t kapahamakan sa mga manggagawa ng kasamaan.” (Mga Kawikaan 21:15)

Job Fair Schedule:
San Pascual Job Fair—Municipal Gym—San Pascual, Batangas—Hulyo 29
71st Araw ng Compostela Job Fair—Municipal Gym, Compostela—Compostela Valley—Hulyo 31

Araw ng Butuan Job Fair—Golden Ribbon, Butuan City—Agosto 1
(senatorjoelvilla­nueva@yahoo.com)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *