Trending sa 2022 (Part 2)

Maganda ang na­ging response, lalo na ng mga online suki ng Abante, sa naging topic ko kamakailan na ‘Trending sa 2022’. Habang ina­analisa ko ang posibleng senaryo sa taon na iyon, may mga sumulpot pang presidentiables na magpapainit sa karera sa pagkapangulo na susunod sa legasiya ni Pangulong Rodrigo Duterte.

trending sa 2022 part 2 - Trending sa 2022 (Part 2)
Mediaman martin andanar - Trending sa 2022 (Part 2)

Maganda ang na­ging response, lalo na ng mga online suki ng Abante, sa naging topic ko kamakailan na ‘Trending sa 2022’. Habang ina­analisa ko ang posibleng senaryo sa taon na iyon, may mga sumulpot pang presidentiables na magpapainit sa karera sa pagkapangulo na susunod sa legasiya ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sino-sino pa nga ba sila bukod sa mga nauna ko nang nabanggit?

Isama po natin sa listahan si dating senador Bongbong Marcos. Maganda ang na­ging laban nila ni Vice President Leni Robredo noong 2016 at nauwi pa nga sa paghahain niya ng protesta.

Hindi na siya tumakbo sa pagkasenador ngayong taon, at sa tingin ko ay naghahanda na siya para sa 2022. Tatlong taon na lang at labanan na naman sa pagkapangulo. Tiyak na natutunan na niya at ng kanyang team ang dapat gawin at naging aral sa kanila ang nangyari noong 2016. Mas mabigat ang labanan sa pagkapangulo at kailangan ni Bongbong ng pokus at matinding paghahanda—mentally and physically—kaya tama lang na magpahinga muna siya at tahimik na magtrabaho para mas mapalawak ang kanyang network. Puwede siyang bumisita sa mga LGU, palakasin pa ang kanyang social media presence at gumawa ng mga proyektong makatutulong sa mga mahihirap kahit isa na siyang pribadong indibidwal ngayon.

Nakabalik na rin sa political limelight ang mga Marcos. Ang kapatid ni Bongbong na si Sen. Imee Marcos ay nasa Senado na nga­yon—at dagdag iyon na political mileage para sa kanya. Aminin na rin natin na hanggang ngayon, may loyal supporters pa rin talaga ang pamilya, na sa kahit anong halalan, basta kandidato sila ay tiyak na pipiliin ang kanilang pangalan sa balota.

Babanggitin ko na rin ang aking kasamahan sa gabinete na si Transportation Secretary Arthur Tugade. Naku, napakasipag na mama! Lahat ng problema sa transportasyon natin ay kanyang sinusolusyunan. Talagang action man. Sa Duterte admi­nistration na siguro ang may pinakamaraming maaayos na mga pantalan at paliparan lalo na sa mga rehiyon. Ang problema sa trapiko partikular sa Metro Manila ay lagi niyang hinahanapan ng solusyon.

Kapag naitayo at naging operational ang subway na proyekto ng DOTr, lalong babango ang pangalan ni Sec. Art. Isipin natin, kung hindi malakas ang loob niya na gumawa ng ganitong ambisyosong proyekto, baka ni sa hinagap ay hindi tayo magkaroon ng subway system. Pero ito na nga, dahil sa kanya ay nakikita na natin ang katuparan. Napakalaki ng maitutulong nito sa mga commuters, at lalong gagaan ang trapiko sa Kamaynilaan.

Napakalawak na rin ng karanasan ni Sec. Tugade sa pribado at sa pagtatrabaho sa gobyerno. Gaya ni Pangulong Duterte ay masang-masa rin ang kanyang dating, at napakagaling niyang mag-Tagalog kaya nauunawaan kahit ng mga karaniwang mamamayan ang kanyang mga sinasabi.

Isa pang miyembro ng Gabinete na sa palagay ko ay presidentiable ay si Finance Secretary Sonny Dominguez. Si Pangulong Duterte na mismo ang nagsabing magaling humawak ng pera ang ating kalihim na ito. Matagal at malawak na rin ang kanyang karanasan sa pamamahala sa pamahalaan, kaya nang magkaroon tayo ng problema sa inflation ay agad niyang nasolusyunan.

Pag tuluyan pang napababa ni Sec. Dominguez ang antas ng kahirapan sa ating bansa bago matapos ang termino ng Pangulo ay lalong babango ang kanyang pangalan. Bukod sa husay sa pamamahala sa kaban ng bayan, siya rin ang tipo ng presidentiable na attractive para sa mga negosyante at investors dahil alam ng mga ito na kung ang magiging pangulo ay malawak ang kaalamang pinansyal, maging ang kanilang negosyo ay nasa mabuting kamay. At kung maraming negosyo at mamumuhunan sa ating bayan, positibo ang epekto niyon sa ekonomiya at buhay ng ating mga kababayan dahil mas dadami ang trabaho at sisigla ang kalakalan.

Sa dami ng mga isyung dapat ayusin sa ating bansa ay kailangan ang isang pangulo na gaya ni PRRD na mabilis kumilos. Diyan naman sumasakto ang isa pa nating Cabinet secretary, si Defense Chief Delfin Lorenzana. “Action Man” si Sec. Del sa bawat kalamidad, at nasolusyunan agad ang problema sa ISIS sa Marawi at ilan pang mga terror activities na gawa ng nasabing grupo at ng Abu Sayyaf sa Mindanao. Para siyang si dating pangulong Fidel Ramos na malaki ang tiwala ng buong AFP at ng Amerika. Matibay ang kanyang liderato at suporta sa mga sundalo, at may puso at malasakit sa mga rebelde na nagbabalik-loob.

Binago ni Pangulong Duterte ang ‘ika nga ay model ng isang presidente.

Dahil masipag siya, hindi natatakot sa kritisismo, may political will, at ang laging iniisip ay ang kapakanan ng mga tao, nawala na sa consciousness natin na dapat ay popular lang ang kumandidato dahil may name recall agad. Ngayon, hahanapin na ng mga botante ang mga katangian niya sa sinumang posibleng pumalit sa kanya sa 2022.

At masasabi kong nagkakaroon na rin ng maturity ang ating mga botante.

Makikita ito sa kalidad ng mga iniluklok nilang mayor. Pinag-iisipan na talaga nila ang pangalan na pipiliin sa balota. Karamihan sa mga local executive ay action man na. Later on, sa mga national position naman magiging kritikal ang voting public. Resulta rin ito ng Duterte effect—ang pagiging matalinong botante.

Hanggang sa susunod, mga kaabante. Maulan po ngayon, mag-ingat at laging alamin ang weather updates para manatili tayong ligtas.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *