Trabaho at edukasyon pagtugmain

Lubhang napakalaki po ng pagpapahalaga nating mga Pilipino sa edukasyon kaya iginagapang po talaga ng bawat magulang ang pagpapaaral sa kanilang mga anak.

trabaho at edukasyon pagtugmain - Trabaho at edukasyon pagtugmain
Abante Sen Joel Villanueva Mr Trabaho - Trabaho at edukasyon pagtugmain

MR. TRABAHO

Lubhang napakalaki po ng pagpapahalaga nating mga Pilipino sa edukasyon kaya iginagapang po talaga ng bawat magulang ang pagpapaaral sa kanilang mga anak.

Kaya nga, simbolo na po ng pangarap, tagumpay, at dangal ang mga nakasabit na medalya, mga diploma, at graduation pictures sa dingding maging ng pinakapayak na mga tahanan.

Para sa malaking bilang ng mamamayang Pilipino, edukasyon ang tanging sandata at paraan upang labanan ang kahirapan at maiangat ang buhay ng pamilya. Hindi po natin mapapayagang mabigo ang matibay na pag-asang ito ng ating mga kababayan.

Ang pag-asang ito po ang patuloy nating ipinaglalaban sa mga reporma at karapatan sa edukasyon, kasabay ng kasinghalaga ring mga reporma at karapatan sa trabaho at empleyo na walang humpay po nating isinusulong.

Mula pa po sa simula ng ating panunungkulan bilang kinatawan ng CIBAC Party-list, bilang inyong Tesdaman at hanggang sa ngayon bilang inyong empleyado sa Senado, ito na po ang ating patuloy na ipinag­lalaban: pagtugmain ang edukasyon at ang mga pangangailangan sa trabaho at empleyo.

Ang mga natututu­nan po sa paaralan, tech-voc o kolehiyo man, ay dapat itugma sa mga nalilikhang trabaho at negosyo sa iba’t ibang industriya lalo na po sa turismo, manufacturing, agri-fisheries, construction at BPO hindi lamang po dito sa Pilipinas, kundi maging sa ating mga kapitbahay na bansa sa ASEAN at sa iba’t ibang panig ng mundo.

Pag-iibayuhin po natin ang pagsisikap sa larangang ito ngayong 18th Congress kung saan ang inyo pong lingkod ay naitalaga bilang chairman ng Senate Committee on Labor at kasabay nito ay bilang chairman din ng Senate Committee on Higher and Technical Education.

Layunin po nating pagtugmain ang edukasyon at trabaho, makapagsulong ng mga karagdagang reporma at pagbabago upang pagyamanin ang kakayahan ng ating mga trainor at guro at higit pang maitaas ang kalidad at maitugma ang curriculum sa luma­lawak at tumitinding kompetisyon sa global labor market.

Noong 17th Congress, tinutukan po natin ang tech-voc bilang instrumento sa pagpapalakas ng mga trabahong kailangan iudyok ng 4th Industrial Revolution sa pamamagitan ng Republic Act 11230 o ‘Tulong-Trabaho Act’.

Ngayong 18th Congress, patuloy po na­ting tututukan ang pagpapatupad ng Phi­lippine Qualifications Framework o PQF Law at isusulong din ang Enterprise-Based Education and Training Bill upang ganap na magkaroon ng competitive edge ang ating mga kababayan sa mga trabaho sa pandaigdigang larangan.

Paiigtingin po natin ang distance education at mga web-based training program, titiyaking may sapat na imprastruktura ang ating mga SUCs at TESDA-run schools, at bibigyang-diin po natin ang research at innovation sa ating mga eskuwelahan sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga Centers of Excellence.

Bukod dito, palalawakin po natin ang access ng mga Pinoy sa mga international prog­rams sa pamamagitan ng mga partnership sa mga eskuwelahan abroad at patuloy na bibigyang pansin ang hinaing ng ating mga kababayan sa CPD at sa napakababang passing rate sa ilang mga board examination, lalo na po sa Licensure Examination for Teachers (LET).

Sa ganito pong paraan, totoong ang edukasyon ay magiging mabisang sandata po laban sa kahirapan at epek­tibong kasangkapan sa pag-angat ng ating bansa na magbibigay-daan sa pag-asenso ng sambayanang Pilipino.

Job Fair Schedule:
1st Kadagatan Job Fair—Municipal Ground, Mercedes, Camarines Norte—Agosto 5

LGU PESO Tubod Job Fair—Municipal Gym, Tubod, Lanao del Norte—Agosto 7
50th San Jose City Anniversary Job Fair—West Central School, San Jose City, Nueva Ecija—Agosto 10
(senatorjoelvilla­nueva@yahoo.com)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *