Sino siga sa Bilibid?

Kung mayroon mang dapat ipagpasalamat sa pagkakasama kay dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez sa listahan ng mga heinous crime convict na dapat sana ay palalayain dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law, ito ay ang parang utot na pagsambulat na may kasamang tatse ng mga kalokohan sa New Bilibid Prison (NBP).

sino siga sa bilibid - Sino siga sa Bilibid?
Rey Marfil SpyOnTheJob 1 - Sino siga sa Bilibid?

Kung mayroon mang dapat ipagpasalamat sa pagkakasama kay dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez sa listahan ng mga heinous crime convict na dapat sana ay palalayain dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law, ito ay ang parang utot na pagsambulat na may kasamang tatse ng mga kalokohan sa New Bilibid Prison (NBP).

Kung tutuusin, hindi naman na bago ang alegasyon ng mga kalokohan sa Bilibid. Dati na ring umalingasaw na parang kabag ang isyu ng VIP treatment sa mga mayayamang preso. Hindi ba’t naging laman ng balita ang mga kubol na malalaki, swimming pool at recording studio sa kulungan na pinaggigiba noong panahon ni da­ting Pangulong Noynoy Aquino?

Pero dahil sa pagkakasama ng pangalan ni Sanchez sa mapapalaya sana dahil sa kontrobersyal na GCTA Law, parang pinurga ng combantrin ang kabag ng anomalya sa Bilibid at naglabasan ang mga bulate ng kalokohan sa kulungan.

Bukod nga sa mga VIP accomodation, naungkat din ang alegasyon ng lagayan para mapasama sa GCTA Law at maagang makalaya. Pati na ang alegasyon na may mga doktor ng Bilibid na nasusuhulan para makakuha ng pass, pala­labasing may sakit, at dadalhin sa ospital. Ang kaso, ito raw ang ginagawang paraan ng mga kolokoy na sangkot sa sindikato para makapag-operate pa rin sila.

Natatandaan niyo ba ang isang preso na dinala sa ospital pero maya-maya lang eh may duma­ting na mga starlet? May mga dati na ring ulat na may presong nakalabas para magpadentista kahit walang permiso. Samantala, parang sirang plaka naman na paulit-ulit na nababanggit ng mga awtoridad na nagagawa pa rin ng convicted drug lords ang kanilang negos­yo sa loob ng kulungan. At ang lahat ng ito ay posible raw dahil sa lagayan at pananakot ng big time convicts na kayang mag-utos sa kanilang tauhan sa labas na ipapatay ang hindi susunod sa gusto nila.

Sabi ng isa nating kurimaw na mahilig sa pelikula, nangyayari rin daw ba kaya sa tunay na buhay ang istorya ng isang pelikula na pinapayagang lumabas ng piitan ang isang preso para utusang pumatay? Parang hindi pa yata ito naungkat sa Senado.

Ang ipinagtataka lang ng ating kurimaw ay kung bakit halos lahat yata ng preso sa Bilibid — kung hindi nila alam eh may nababalitaan silang laga­yan at takutan sa loob — at ang walang alam eh iyong mga opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor). Kaya hindi natin masisisi si Senador Ping Lacson kung paghinalaan niya na ang mga high profile at bigtime convicts ang nagko-control sa bilangguan.

Ngayong may bagong talagang pinuno ang BuCor, ang malaking tanong na aabangan ng malaking sagot: Siya na kaya ang magpapayuko sa mga high profile inmates ng Bilibid? O siya ang bagong opisyal na wala ring malalaman sa mga kalokohan sa loob? Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *