Sino ang historyador

Ang tingin ng marami sa “kasaysayan” ay trivia. Yung binibigyan ka ng datos tulad ng mga pinagawa ng mga presidente. Raratratin ka. Pasisiklabin ka. Ngunit gawain ba ng historyador iyon?

The post Sino ang historyador first appeared on Abante.

sino ang historyador - Sino ang historyador
Xiao Chua Xiao Time 26 6 - Sino ang historyador

Ang tingin ng marami sa “kasaysayan” ay trivia. Yung binibigyan ka ng datos tulad ng mga pinagawa ng mga presidente. Raratratin ka. Pasisiklabin ka. Ngunit gawain ba ng historyador iyon?

Naaalala ko na may isang Ninoy Aquino Day na ang nais daw tanungin sa akin sa isang morning show ay tungkol sa asong akita ni Ninoy. E kahit may isinulat ako sa buhay ni Ninoy, ito ay tungkol sa kanyang papel sa kasaysayan. Kung tutuusin insulto na ipasagot iyon sa historyador, sana kapamilya na lang ang tinanong.

Nais kong linawin na hindi lahat ng nagkukuwento ukol sa nakaraan ay historyador. Una sa lahat, ang “kasaysayan” ay isang disiplina ng agham panlipunan. At dahil agham ito, isinasagawa ng isang historyador ang metodolohiya ng pagkilatis sa mga sources para malaman kung ano ang tunay sa peke at ang totoo sa kasinungalingan. Pero sabi nga ni Van Ybiernas, lahat naman ng disiplina ay mayroon metodolohiya so kumbaga basic requirement lang ito. Pangalawa, mahalaga rin na nailathala ang iyong gawa at kinikilala ito ng mga kapwa histopoyador.

Pero pangatlo at pinakamahalagang katangian ng isang histroyador na wala sa ibang disiplina: Hindi lamang siya naglilitanya ng pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari o ng walang kapararakang datos ngunit dapat malinaw niyang naipapakita ang kaugnayan ng kanyang kinukuwento sa mas malaking daloy ng kasaysayan ng ating bansa (metanaratibo).

Kaya kahit minsan nagti-trivia kami upang kumuha ng atensyon ng mga tao, kung historyador kami, dadalhin pa rin namin ito sa saysay nito sa ating kasaysayan. Yung bang sinasagot natin ang tanong na e ano ngayon? Ano ba ang natutunan natin sa paksa tungkol sa ating pagka-Pilipino? Ano bang aral ang makukuha natin dito para magkaroon tayo ng mga makatuwirang mga pasya sa hinaharap.

Kaya naman hindi talaga sa dami ng datos na alam nito nasusukat ang historyador kundi sa kakayahan niyang mag-analisa at magkonekta ng mga datos na ito.

Kaya hindi nagmamalaki ang historyador. Humbled kami na hindi namin alam ang lahat dahil mas maraming nalalaman, mas maraming katanungan. Kung lapitan at tanungin, sasagot lang kami nang maayos. Tumatanggap ng pagtutuwid ngunit naninindigan para sa tama batay sa katibayang nakita. Hindi namin gawain na pilitin ang tao na makinig sa amin o magmayabang na kami lang ang tama. Madalas, nagtuturo lang kami at nagtatrabaho ng tahimik.

Hindi namin trabaho ang magpataas ng ihi. Bagama’t minsan kailangang maging mataginting para sa mga estudyante, hindi kami mga payaso at mga vlogger.

Ikinabubuhay man namin ang aming kasanayan, ang histroyador ay naglilingkod para sa kasaysayan, hindi para sa salapi.

Kaya sa mga nais maging tagapagkuwento ng kasaysayan, hindi naman kailangang maging historyador ang lahat pero sana igalang ang disiplina at ang metodolohiya. Dahil kung binaluktot na kasaysayan ang gabay natin sa kinabukasan, paano pa uusad ang mga susunod sa atin?

Ito ay tungkol sa ating kinabukasan.

The post Sino ang historyador first appeared on Abante.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *