Sino ang dapat sisihin?

Wala siguro ang hindi nakakaalam ng kwento nuong isang araw ng isang pulis na binaril ang mag-ina sa Tarlac na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.

The post Sino ang dapat sisihin? first appeared on Abante.

sino ang dapat sisihin - Sino ang dapat sisihin?
EDITORIAL LOGO Edwin Santiago talaga ba - Sino ang dapat sisihin?

Wala siguro ang hindi nakakaalam ng kwento nuong isang araw ng isang pulis na binaril ang mag-ina sa Tarlac na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.

Siguro, kung ang suspek ay naging ordinaryong mamamayan, marahil madaling hihinahon ang galit ng mga tao, bagama’t ito ay itinuturing na kahindik-hindik.

Nguni’t ang nasangkot ay isang pulis—isang alagad ng batas—na tinitingnan bilang tagapagtanggol natin.

Kung kaya, may halong pakiramdam ng pagtataksil ang nangyari sapagka’t sa taong-bayan nanggagaling ang kanyang kapangyarihan at pati ang kanyang kabuhayan.

Pero, bukod pa riyan, tila may nabubuong matinding sama ng loob—baka nga, galit—hindi lamang laban sa suspek kung hindi sa iba pang mga tao o kalupunan ng mga tao.

Base sa mga ulat, ang suspek ay may mahabang talaan ng mga kasong pagpatay ng tao at paglabag sa mga patakaran.

Para sa sinumang makakabatid nito, ang natural na magiging katanungan ay kung bakit nasa serbisyo pa ang isang pulis na may mga ganito sa kanyang rekord.

Totoo na mayroong proseso at hindi nangangahulugan na kapag ang isang tao ay akusado ay may kasalanan na agad. Nguni’t, bakit tila handang-handa ang taong-bayan na maniwala na may mga naging kalokohan sa proseso? Nangangahulugan lamang ito na mababa ang kredibilidad ng organisasyon o ng prosesong ginagamit.

At para bumaba ang tiwala ng mga mamamayan, nagpapahiwatig din ito na malimit na mangyari ito na lumagpas na sa antas ng kapani-paniwala.

Sa ganang akin, hindi rin nakakatulong na ang hepe ng kapulisan ay si Debold Sinas.

Una, may bahid siya ng pagkakaroon ng dalawang pamantayan—isa para sa pulis at isa para sa taong-bayan na maituturing na boss niya.

Maalala natin ang daming hinuli at minultahan na mga ordinaryong tao sa paglabag sa social distancing.

At nung siya naman ang nahuli sa video na lumalabag din, tinawag niya itong mañanita at iba daw yun.

Pangalawa, sinasabi ni Sinas na “hindi magandang ideya ang pagkuha ng mga litrato at video sa mga kaganapan ng krimen.” Ang video ng insidente ay isang ebidensya na hindi madaling pasinungalingan.

Kung bakit ayaw niya ito, kayo na ang mag-isip at humusga. Mapapansin din na lagin pinagdidiinan ni Sinas na sising-sisi ang suspek, isang bagay na pampababa ng magiging hatol.

Hindi rin makakawala ang pagbunton ng sisi sa tinatawag na kultura ng karahasan na sinasabing naging malala dulot ng mga pahayag ng pamahalaan ukol sa mga nararapat na gawin sa ngalan ng drug war.

At ang sinasabing pinaka-malala ay ang tila pakiramdam ng kapulisan nang kanilang kawalan ng pananagutan sa batas, base sa paulit-ulit na mga pahayag ni Duterte na sila ay poproteksyunan.

Ang suspek ang kumalabit ng gatilyo na pumatay. Dapat din nating hanapin ang mga responsable sa pagpapalakas ng loob niyang gawin iyon, kung bakit nga ba siya naging pulis at bakit patuloy siya sa pagiging pulis.

The post Sino ang dapat sisihin? first appeared on Abante.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *