Siargao: Isang paraiso

Ang karaniwang impression ng mga nakakakita sa akin ay malamang na player ako ng basketbol noong araw dahil sa aking height. Tama naman. Pero ang totoo, ang number one sports para sa akin na nasa puso ko pa hanggang ngayon at aktibong nilalaro ay ang surfing. Lumaki kasi ako sa Siargao at doon ako namulat sa sports na ito. Kapag nasa ibang lugar ako at alam kong may surf breaks, umaarkila ako ng surf board upang makipag-ulayaw sa mga alon.

siargao isang paraiso - Siargao: Isang paraiso
Mediaman martin andanar 4 - Siargao: Isang paraiso

Ang karaniwang impression ng mga nakakakita sa akin ay malamang na player ako ng basketbol noong araw dahil sa aking height. Tama naman. Pero ang totoo, ang number one sports para sa akin na nasa puso ko pa hanggang ngayon at aktibong nilalaro ay ang surfing. Lumaki kasi ako sa Siargao at doon ako namulat sa sports na ito. Kapag nasa ibang lugar ako at alam kong may surf breaks, umaarkila ako ng surf board upang makipag-ulayaw sa mga alon.

Sa kasalukuyan ay pinakasikat na surfing destination sa ating bansa ang Siargao na may 27 kilometro ng coastline na maalon. Marami ritong magagandang surf breaks, partikular ang Cloud 9 sa may General Luna na kinikilala na kabilang sa ‘Top 10 Waves in the World’. Dinarayo ito ng surfing enthusiasts mula sa iba’t ibang bansa.

Si General Luna Ma­yor Jaime Rusillon ang itinuturing na ‘Father of Philippine Surfing’. Dahil sa kanyang pagsisikap na mapasigla ang turismo at surfing sa isla mula pa noong dekada ‘70 ay nakilala sa buong mundo ang Siargao.

Nagsimulang ma­ging main attraction ang sur­fing sa Siargao noong dekada ‘80 nang ang dalawang dayuhan na nagngangalang Tony Arruza at Steve Jones ay dumating sa isla para maghanap ng ‘perfect wave’. Ito na nga ang tinatawag ngayon na Cloud 9.

Dahil sa surfing ay naging masigla ang tou­rism industry ng isla. Kapag magbibiyahe kayo patungo rito, siguradong ang karamihan ng makakasabay ninyo sa eroplano ay mga dayuhan lalo na ang mga European. Marami na ring establishment sa General Luna at masigla ang night life. Disiplinado ang mga negosyante rito at may bigayan sila ng oras ng pagbubukas ng mga bar and restaurant para lahat ay may kita. Ang local government at local tourism office ay mahigpit ang mga patakaran lalo na sa pagtatapon ng mga basura. Bawal ang plastic at nire-require ang mga turista na magdala ng kanilang lalagyan ng inumin. Wala ring establisimyento na malapit sa mismong beach para manatiling malinis ang dalampasigan. Visi­ble ang mga pulis sa paligid kaya walang nagaganap na krimen.

Nag-kick off ang 25th Siargao International Surfing Cup nitong October 5 sa Cloud 9 na nilahukan ng professional surfers mula sa 13 bansa. Ang kumpetisyon ay idinaraos dito taun-taon. Ang pagbubukas ay pinangunahan nina Philippine Sports Commission chair William Ramirez, Surigao del Norte Governor Francisco Matugas, Surigao del Norte 1st District Rep. Bingo Matugas at Director Joseph Francisco Ortega ng Department of Tourism. Nagtapos ang labanan noong October 9.

Magandang pagkakataon ito para sa mga Pinoy surfers para mas mahasa ang kanilang skills sa pagharap nila sa mga dayuhan bilang paghahanda na rin sa iba pang international surfing competitions gaya ng 2020 Tokyo Olympics.

Milestone din ito para sa Siargao at sa buong surfing industry dahil ipinagdiwang na ang silver anniversary ng nasabing kumpetisyon.

Bahagi ng world circuit qualifying event ang kumpetisyon ngayong taon, at magsisilbing pinakahuling Qualifying Series 1,500 (QS1,500) event sa Asya.

Napuno ng pagmamalaki ang damdamin ng mga taga-General Luna dahil ang kanilang surfing idol na si John Mark Tokong ang tinanghal na kampeon matapos daigin ang Hawaiian standout na si Noah Beschen. Malaking tagumpay ito para sa Pinoy surfer na nag-second place lang noong isang taon kay Skip McCullough ng United States. Bukod sa “Mayor Jaime Rusillon trophy” ay nag-uwi rin siya ng $5,000 bilang premyo. Pangungunahan niya ang team na lalahok sa paparating na Southeast Asian Games.

Unang nagkampeon si Tokong sa World Surf League-sanctioned event noong 2015.

Nakalulungkot lang na hindi na nasaksihan ni Mayor Rusillon ang silver edition ng kumpetisyon dahil pumanaw na siya noong April 2019.

Naging guest-of-honor ako sa awarding na ginanap noong October 9. Doon ay sinabi ko na gaya ng ating panibagong masiglang pakikipag-ugnayan sa buong mundo at malayang patakarang panlabas sa pamamagitan ng pagtimon ni Pangulong Rodrigo Duterte, umaasa ako na ang Siargao International Surfing Cup ay mas lalago pa at magiging daan para sa pagsasama-sama ng mga kultura natin at ng mga dayuhang bisita.

Bukod kay Tokong ay napakarami pang surfing talent sa Siargao. Naoobserbahan ko iyon kapag naglalaro ako. May mga bata roon na nakakakuwentuhan ko na tinatawag kong “mga pare ko”. Sila ang kasa-kasama ko kapag ako’y nagsu-surf.

Isa sa mga adhikain ko sa aking indibidwal na kapasidad ay matulungan ang mga batang ito na mas mahasa pa sa surfing. Hindi man sila magkampeon, puwede silang magkaroon ng ekstrang hanapbuhay gaya ng pagtuturo nito sa mga turista. Kapag nasa Maynila ay naghahanap ako ng mga secondhand na surf board na iniuuwi ko sa Siargao at ipinaaayos ko sa isang shop doon para maibalik sa magandang kondisyon. Ipinapahiram ko ang mga iyon sa mga pare ko para mas gumaling pa sila.

Hindi man kayo surfer, iniimbitahan ko kayong bumisita sa Siargao at damhin ang napakalinis na simoy ng hangin sa dalampasigan nito at mamangha sa mga yamang dagat. May mga lugar na walang kuryente at internet signal kaya pansamantala ay lalaya kayo sa stress na dulot ng social media at ng magulong mundo. Sa mga makikita ninyong birhen na kabundukan at matataas na berdeng puno na nililiparan ng sari-saring ibon, masasabi ninyo sa inyong sarili na ang islang ito pala ay isang paraiso.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *