Seryoso ang Pangulo laban sa katiwalian

Bilang na ang araw ng mga kurakot at tiwaling mga opisyal at kawani ng gobyerno.

The post Seryoso ang Pangulo laban sa katiwalian first appeared on Abante.

seryoso ang pangulo laban sa katiwalian - Seryoso ang Pangulo laban sa katiwalian
EDITORIAL LOGO MEDIAMAN Martin Andanar 1 - Seryoso ang Pangulo laban sa katiwalian

Bilang na ang araw ng mga kurakot at tiwaling mga opisyal at kawani ng gobyerno.

Ito ay dahil mas lalo pang pinaigting ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kampanya laban sa katiwalian matapos maglabas ng direktiba sa Department of Justice (DOJ) na imbestigahan ang lahat ng mga ahensiya ng gobyerno na mayroong bahid ng kurapsyon.

Isa pong inter-agency task force ang binuo para mag-imbestiga sa lahat ng mga ahensiya ng gobyerno, magsampa ng kaso, mag-lifestyle check, mag-audit ng pondo, magrekomenda ng suspension at magpakulong sa mga mapapatunayang guilty sa pangungurakot sa pera ng gobyerno.

Hindi po maitago ng ating Mahal na Pangulo ang pagkadismaya dahil sa kabila ng kampanya laban sa kurapsyon ay marami pa ring mga opisyal at manggagawa ng gobyerno ang nasasangkot sa katiwalian. Kaya naman nangako ang Pangulo na gagamitin ang natitirang panahon sa kanyang termino para walisin ang lahat ng mga ito at tuldukan ang matagal nang problema sa burukrasya.

Bagamat nasuspinde at nakasuhan na ang mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) na natukoy na nagkamal ng salapi mula sa pondo ng ahensiya, hindi diyan natatapos ang aksiyon ng gobyerno laban sa katiwalian.

Katunayan, sa regular na mensahe sa bayan ng Pangulo ay inanunsyo na nito ang pangalan ng mga corrupt government officials para magsilbing babala sa iba pa na gumagawa ng kalokohan.

Ang sabi nga po ni Senador Bong Go, ito na ang “new normal” kay Pangulong Duterte at aasahang ilalabas niya sa mga susunod na buwan ang pangalan ng mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa katiwalian at anomalya, alinsunod sa imbestigasyon at aksiyon ng Office of the Ombudsman.

Lahat aniya ng makakasuhan at masususpinde ng Ombudsman ay inaanunsiyo at papangalanan ng Pangulo para malaman ng publiko kung sino-sino ang mga kurakot sa gobyerno at kung sino ang mayroon ng kaso.

Kasalukuyang iniimbestigahan na ng Task Force na pinangunahan ng DOJ ang mga opisyal at tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na isa sa mga tinukoy ni Pangulong Duterte na talamak ang katiwalian, at susunod na rin ang iba pang ahensiya ng pamahalaan.

Nagbabala po si Senador Go sa lahat ng mga opisyal ng gobyerno na umayos sa kanilang trabaho kung ayaw nilang mapabilang sa mga pinapangalanan ng Presidente na corrupt sa gobyerno.

Tuloy-tuloy aniya ang kampanya ni Pangulong Duterte laban sa korapsiyon kaya huwag itong subukan dahil tiyak na may katapat ang ginagawang kalokohan ng mga ito.

Sinabi po ng Senador na naghihirap ang mga Pilipino kaya huwag silang pagsamantalahan dahil tutuluyan nila ni Pangulong Duterte ang mga ito .

Hindi aniya kabawasan sa gobyerno ang mga tiwaling opisyal at kawani dahil mas maraming matitino at tapat na mga Pilipinong gustong magtrabaho at maglingkod para sa bayan.

Binigyang-diin po ni Senador Go na walang sisinuhin, walang sasantuhin at walang pipiliing kasuhan sa mga mapapatunayang sangkot sa kurapsyon dahil isa sa hangarin ni Pangulong Duterte ay maalis ang korapsiyon sa gobyerno.

Mga kababayan, hindi po makakabangon ang bansa kung talamak ang kurapsyon at patuloy na ninanakaw ang pera ng gobyerno na dapat ay mapunta para sa taongbayan.

Malinaw po ang hangarin ni Pangulong Duterte, nais niyang mag-iwan ng pagbabago sa bansa kaya seryoso ito sa paglaban sa kurapsyon at iparamdam sa taongbayan na may nagawa ito para sa mga Pilipino.

Nais po ng ating Presidente na maalala siya ng mga Pilipino bilang isang lider na nilabanan ang lahat ng uri ng korapsiyon sa gobyerno at ito ang gagawin niya hanggang sa huling araw ng kanyang termino sa July 2022.

Kabilang po sa mga ahensiyang iniimbestigahan ng inter-agency task force ay ang DPWH, Bureau of Customs (BOC), Bureau of Immigration (BI), Department of Agriculture (DA), DSWD at DENR.

The post Seryoso ang Pangulo laban sa katiwalian first appeared on Abante.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *