Reporma sa LET Law

Isa po sa mga rekomendasyon ng EDCOM o Congressional Commission on Education na binuo ng Kongreso noong taong 1990 ang Teachers Professionalization Law o Republic Act No. 7836.

The post Reporma sa LET Law first appeared on Abante.

reporma sa let law - Reporma sa LET Law
EDITORIAL LOGO MR TRABAHO Joel Villanueva - Reporma sa LET Law

Isa po sa mga rekomendasyon ng EDCOM o Congressional Commission on Education na binuo ng Kongreso noong taong 1990 ang Teachers Professionalization Law o Republic Act No. 7836.

Ipinag-utos ng batas na lahat ng Pilipinong nais maging guro ay kailangang kumuha ng pagsusulit na pangangasiwaan ng Professional Regulation Commission o PRC. Layunin nitong ipantay sa ibang mga propesyon tulad ng mga inhinyero at doktor ang pagiging guro.

Isinagawa po ang kauna-unahang Licensure Examination for Teachers o LET noong taong 1996, dalawang taon matapos magkabisa ang RA 7836.

Mula noon, dalawang beses kada taong nagbibigay ng pagsusulit ang PRC para sa mga guro at kapansin-pansin na pataas nang pataas ang bilang ng mga aplikante sa LET.

Halimbawa, mula sa 134,212 mga examinee noong 2009, umakyat na ito sa 386,840 mga examinee noong 2019.

Subalit kung titingnan po ang average passing rate mula 2009 hanggang 2019, nasa 30% lamang ang pumapasa at hindi ito kailanman lumampas sa 50% mark.

Sa pinakahuling LET bago ang pandemya noong September 29, 2019, nasa 445 mga Teacher Education Institution (TEI) ang nakakuha ng 0% passing rate o wala ni isa mang examinee na pumasa. Samantala, may 178 na mga TEI naman ang nakakuha ng 10% at pababa na passing rate.

Nakakadurog po ng pusong marinig ang kwento ng maraming mga guro na nagbuhos ng panahon sa pag-aaral sa loob ng apat na taon subalit hindi makapasa-pasa sa LET.

Hangga’t hindi po pumapasa sa LET ang isang education graduate, hindi rin po siya makakapasok sa DepEd o kung makapasok man sa private school ay hindi naman siya magiging regular.

Ang iba ay napipilitang tumanggap ng trabahong mas mababa sa kanilang kwalipikasyon o pinag-aralan kaya’t maituturing silang “underemployed”.

Nag-uugat po ang problemang ito sa dalawang bagay. Una, ang kalidad ng pagtuturo sa ating mga TEI at pangalawa, ang “alignment” o ang kaangkupan ng mga tanong ng PRC sa kurikulum o pinag-aralan ng mga teacher trainee.

Sa dami po ng mga TEI na nakakakuha ng 0% o mas mababa pa sa national passing rate, tila kailangan po ng mas mahigpit na patakaran mula sa CHED para matiyak na hindi naman mga “diploma mill” lamang ang ilang mga TEI.

Kailangan pong matiyak na may magagaling na mga faculty at may mga pasilidad ang mga TEI para mabigyan ng de-kalidad na training ang ating mga estudyante.

Nakikiusap po tayo sa PRC na maglabas ng kopya ng mga nakaraang LET para maisumite ito sa mga eksperto o “third party” para matasa kung akma nga ba ang pagsusulit sa mga itinuturo sa mga TEI.

Sa pamamagitan nito, matutuldukan po ang isyu na ang dahilan ng napakababang passing rate sa LET ay ang “mismatch” ng teacher education curriculum at ng paper-and-pencil test na binibigay ng PRC.

Sa ating pananaliksik at pagtatanong-tanong sa mga nakakuha na ng LET, pinatotohanan nila na karamihan sa mga questions ng PRC ay makikita sa mga sample exam na mabibili sa labas ng PRC at maging sa ilang mga bookstore.

Sa atin pong palagay, kung lumalabas ang mga tanong “unofficially”, dapat din naman po sigurong gawin nang opisyal ng PRC ang pagbibigay ng kopya sa CHED, DepEd, PNU, UP, at iba pang organisasyon para mapag-aralan ng mga eksperto ang kaangkupan ng mga tanong sa LET.

Sa ngayon, pinag-aaralan na po natin ang pagreporma sa RA 7836 para tugunan ang matagal nang panawagan ng iba’t ibang mga grupo tulad ng Philippine Business for Education (PBED) na amyendahan na ang LET Law.

Layunin po nating tulungan ang ating mga minamahal na guro na mabigyan sila ng sapat na training sa mga TEI at akmang pagsusulit sa PRC para sa katuparan ng kanilang pangarap na trabaho at misyon sa buhay: ang pagtuturo.

The post Reporma sa LET Law first appeared on Abante.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *