Polisiyang maka-Pilipino

Layunin po ng ating mga polisiyang pambayan na solusyunan ang mga problema at isyung kinakaharap ng ating bansa at lipunan.

polisiyang maka pilipino - Polisiyang maka-Pilipino
Joel Villanueva Mr. Trabaho 14 - Polisiyang maka-Pilipino

Layunin po ng ating mga polisiyang pambayan na solusyunan ang mga problema at isyung kinakaharap ng ating bansa at lipunan.

Gumagawa po ng mga polisiya sa anyo ng mga batas o reglamento para mapagaan ang buhay ng nakararami at hindi pahirapan ang ating mga mamamayan.

Kaya’t sadyang napaka­halaga po ng mga ginagawang pagdinig ng kongreso at senado para matiyak na akma sa panahon, tama, may basehan at naipapatupad ng wasto ang ating mga polisiya.

Nakakatulong po ang mga public hearing ­tulad ng mga pagdinig ng ­inyong Senate Committee on Labor dahil nakakakuha po tayo ng mga opisyal na datos o impormasyon na makakatulong sa paghulma natin ng mga bagong polisiya o pag-amyenda sa mga umiiral na batas.

Pagkakataon din po ito para maiparating sa ating mga ahensya ang saloobin ng ating mga kababayan sa mga polisiyang ipinapatupad nila. Ilan po rito ang mga hakbang na ginagawa ng ating gobyerno tungkol sa krisis sa COVID-19, Employment Ban sa ­Kuwait, at ang pagdagsa ng mga POGO sa Pilipinas at mga kaakibat na problemang dala ng negosyong ito.

Una, ang pagpapatupad ng travel ban sa bansang Taiwan. Naghahanap po tayo ng sapat na basehan sa polisiyang ito dahil kung bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 ang pag-uusapan, ‘di hamak po na mas marami sa Singapore (50), South Korea (33) at Thailand (28) habang may 18 kumpirmadong kaso lamang sa Taiwan.

Kailangan po talaga ngayon ang mahigpit na pagsala sa mga manlalak­bay na pumapasok at lumalabas sa ating bansa subalit dapat din pong kuwestyunin ang basehan ng polisiya ng pag-ban ng biyahe sa Taiwan. Hindi naman po tama na ang basehan lang ng travel ban ay ang umiiral na One-China Policy.

Ano po ba talaga ang patakaran ng DOH hinggil sa pagpapatupad ng mga travel ban at kaugnay nito, may sapat ba tayong mga kagamitan at pasilidad para magpatupad ng malawakang quarantine?

Pangalawa, ang pagsuko ng pamahalaan sa shelter ng mga distressed OFW sa Kuwait. Sang-ayon po tayo na dapat magpatupad ng temporary employment ban hanggat hindi napapahinto ang mapaniil na patakaran doon tulad ng “Kafala” at ang “modern-day slavery” na ugat ng pang-aabuso at pagpatay sa ating mga kababa­yang household service worker.

Ang tanong, bakit kailangang isuko ng ating pamahalaan ang lugar na takbuhan sana ng ating mga kababayang dumadaan sa krisis sa Kuwait? Ano po ba talaga ang polisiya ng DOLE hinggil sa mga bansang patuloy ang paglabag sa mga karapatan ng mga OFW?

At pangatlo, ang patuloy na pagkandili ng pamahalaan sa mga Philippine Offshore Gaming Operators o POGO. Natuklasan po natin na umaabot sa P50-bilyong pisong buwis ang hindi nasisingil sa mga POGO kada taon.

Mas masaklap ang katotohanan na sa kada sampung empleyado ng POGO, wala pang dalawang Pinoy ang nagkakatrabaho. May mga POGO rin na walang empleyadong Pilipino habang mayroong 6,678 na mga iligal na dayuhang manggagawa sa mga legal na POGO. Paano pa po kaya sa mga iligal na POGO?

Napakaliit din po ng kontribusyon ng POGO sa ating ekonomiya na umaabot lang sa .04% ng ating Gross ­Domestic Product. Bukod pa rito, sandamakmak na pro­blema ang dala ng POGO tulad ng prostitusyon at kidnap-for-ransom. Kung mayroon man pong benepisyo sa POGO, ni­lamon na po ito ng mga negatibong dulot ng POGO sa ating bansa.

Napakalinaw naman po sa ating Saligang ­Batas ang patakarang “Pilipino Muna” ­subalit dahil sa patuloy na pagkandili sa mga ­negosyong ito, tila nalambungan na ito ng polisiyang “POGO Muna”.

Kailangan po ­natin ng mga polisiyang maka-Pilipino. Hindi po tayo papayag na ­ma-kompromiso ang kapakanan o ­karapatan ni Juan at Juana dela Cruz sa ating mga ­polisiyang ­pambayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *