Paskong Paksiw

Hindi pa nangangamoy Pasko sa maraming Pilipino kahit dalawang tulog na lang ay Disyembre 25 na.

The post Paskong Paksiw first appeared on Abante.

paskong paksiw - Paskong Paksiw
EDITORIAL LOGO USAPANG BARAKO RALPH RECTO 1 - Paskong Paksiw

Hindi pa nangangamoy Pasko sa maraming Pilipino kahit dalawang tulog na lang ay Disyembre 25 na.

‘Pag sinabi mo kasing Pasko, katumbas iyon ng Christmas bonus at hamon na nakukuha at nakakain lang natin minsan isang taon.

Pero mukhang Paskong paksiw ang kakainin ng marami sa ating nawalan ng trabaho.

Paksiw man ay sobrang mahal na rin dahil sa nagtaasang presyo ng isda at mga gulay. Lalong hindi afford maghanda ng paksiw na baboy.

Marami ang nawalan ng trabaho, kaya’t walang Christmas bonus at hamon ngayong Pasko.

May kwentong pambata na inakda ni Dr. Seuss, “How the Grinch Stole Christmas!” Kwento ito ng isang masungit na karakter na galit sa Pasko kaya’t ninanakaw nya ang lahat ng mga bagay na may kinalaman sa pagdiriwang ng Pasko. Naniniwala sya na mapipigilan nya ang selebrasyon ng Pasko sa ganoong paraan.

Subalit kahit ninakaw nya lahat ng mga regalo, Christmas trees at handa ng mga tao, masaya pa ring nagdiwang ang mga tao noong sumapit ang Pasko. Sa bandang huli ay naisip ng Grinch na hindi lang regalo, handa o pera ang nagpapasaya sa Pasko.

Sa sitwasyon natin ngayon, COVID-19 ang naging Grinch, hindi lang ilang araw bago sumapit ang Pasko, kundi buong taon.

Kinuha ang lahat ng importante at magpapalungkot sa Pasko natin: buhay at kabuhayan. Dignidad at kumpiyansa.

Halos isang taon na tayong nangangapa sa dilim buhat ng magka-pandemya. Malungkot man ang nangyari sa mga nakaraang buwan, magpasalamat tayo na nandito pa rin tayo at patuloy na lumalaban.

Sa 1,701,145 na taong namatay sa buong mundo sa coronavirus, 8,957 ang naitala mula sa Pilipinas. Malaking pasalamat tayo na kahit libo ang namatay sa mga kababayan natin, hindi kasing dami ng sa ibang bansa.

Hangga’t hindi pa dumarating sa Pilipinas at naituturok sa braso natin ang bakuna laban sa virus, mahaba pa ang laban natin sa pandemyang ito.

Parati ko ngang sinasabi na may liwanag sa dulo ng madilim na lagusan. Ang liwanag na iyon ay ang bakuna at ang katapusan ng paghahari ng coronavirus. Mahaba-haba pa ang lalakarin nating lagusan bago marating at makita ang liwanag sa dulo.

Samantala, tuloy ang pakikipaglaban sa buhay at tuloy rin ang pakikipaglaban sa kamatayan. At lalong tuloy ang espiritu ng Pasko.

Suot ang face mask, face shield, at ang patuloy na paghuhugas ng kamay at pagdistansya sa mga tao, mapaglalabanan natin ang pandemyang ito kahit matagal pa bago dumating ang bakuna sa atin.

Huwag natin hayaang manakaw ng virus ang espiritu ng Pasko – ang pagdiriwang sa kapanganakan ni Hesus.

Marami tayong dapat ipagpasalamat sa gitna ng pandemya. Una at higit sa lahat ang buhay natin at ng ating mga mahal sa buhay.

Isang mapagpalang Pasko sa ating lahat. Nawa’y pawiin ng pagpasok ng 2021 ang lahat ng lungkot at problemang ibinigay sa atin ng 2020. END

The post Paskong Paksiw first appeared on Abante.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *