Para sa mga single nanay at tatay

Marami siguro ang hindi nakakaalam na ako po ay isang biyuda.

para sa mga single nanay at tatay - Para sa mga single nanay at tatay
Risa Hontiveros Usapang Kalusugan at Kababaihan 20 - Para sa mga single nanay at tatay

Marami siguro ang hindi nakakaalam na ako po ay isang biyuda.

Taong 2005 nang pumanaw ang aking asawa na si Frank, isang police officer, dahil sa komplikasyon sa hika. Napakasakit na mawalan ng kaagapay sa buhay pero parang walang puwang noon ang magluksa dahil kailangan kong magpakatatag para sa aming apat na anak. Ang aking bunso ay tatlong taong gulang pa lamang noon. Ang tumatakbo sa isip ko, paano ako babangon? Saan ako magsisimula?

Ang kapwa ko solo parent na si Jasmine, December lang nang mapasabak sa buhay solo mom. Hindi rin alam kung paano babangon at saan magsisimula. Walang natanggap na emosyonal at pinansiyal na suporta si Jasmine mula sa tatay ng kanyang anak. Mag-isa siya sa pagbubuntis: Mag-isa sa checkups, mag-isa sa paglilihi at paghahanap rin ng kanyang cravings, pag-alam sa sex ni baby hanggang sa panganganak.

Dalawang linggo bago ang kanyang due date nang magdesisyon ang doktor na ilabas na ang kanyang anak dahil maliit ito sa edad. Umiyak na lang siya dahil pakiramdam niya wala na siyang makapitan.

Namatayan ng asawa, hindi pinanindigan, inabandona ng partner o tumayong magulang sa isang bata… Iba’t ibang mukha pero iisang kuwento: Solong pagtataguyod sa mga anak sa lipunang ang imahe ng pamilya ay dapat may tatay at may nanay.

Ito ang hugot natin sa pagbalangkas ng panukalang batas na tinawag nating Expanded Solo Parents’ Welfare Act o Senate Bill No. 164. Isa-isang inihain sa pagdinig natin sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality ang mga repormang isinusulong para sa mga pagbabago sa mga benepisyo at suporta na tutugon sa patuloy na nag-iibang pangangailangan ng solo parents sa paglipas ng panahon.

Ang asawa ng ating mga low at semi-skilled OFW na isang taon at mahigit na tuloy-tuloy na nagtatrabaho sa ibang bansa ay dapat ibilang sa mga ‘solo pa­rent’ na makakakuha rin ng parehong benepis­yo at suporta mula sa gobyerno. Malaki ang kontribusyon ng OFWs sa ating ekonomiya at puwede natin itong suklian ng kapanatagan. Umalis man sila ay may makakaagapay naman ang kanilang partner sa pagtataguyod ng kanilang pamilya.

Hindi sapat ang pitong araw na solo parental leave kaya dapat maglaan ng karagdagan pang pitong araw ng pagliban. Sigurado akong marami sa atin ang nakakaltasan ang sahod kapag uma-absent sa trabaho dahil sa biglaang pagkakasakit ni baby. Mas maraming leave, mas matutugunan natin ang ating parental obligations.

At sa usapin ng income, makakatulong kung mabibigyan ng 20% discount ang ating solo parents sa mga goods and services pati na rin sa tuition fees. Naalala ko pa noong sabay-sabay na nag-aaral ang mga anak ko, hindi kakayanin ang magbayad ng taunan. Kaya binuno ko ang buwan-buwan nilang tuition fee.

Marami siguro ang…

Nakilala na nga ako ng cashier sa high school ng panganay kong anak at halos naiyak din siya sa tuwa nang iabot ko ang kahuli-hulihang tuition fee bago ang graduation. Sabi niya, ‘Ma’am, sa wakas, nakapagpagraduate na kayo!’.

Napakabigat na tangin­g nanay o tanging tatay lang ang papasan sa lahat ng buwanang gastos, bayarin, at matrikula ng mga bata. Ang matitipid natin sa matrikula ay pwedeng ilaan sa ibang bagay gaya ng pang-araw-araw nilang baon at school supplies.

Napapanahon na upang dagdagan ang mga polisiyang poprotekta at mangangalaga sa kapakanan ng solo parents. Dalawampung taon na ang nakakaraan nang maipasa ang Solo Parent Act of 2000 or Republic Act No. 8972. Ang isinusulong nating mga benepisyo ay mga konkretong solusyon para kay Jasmine at sa tatlong milyon pang mga solo parent.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *