Pagpapanday sa Kulturang Pilipino

​Ayon kay Zeus Salazar, sa kaayusang panlipunan at pang-ekonomiko sa panahon ng Sinaunang Bayan may tatlong mahahalagang papel—Ang datu, ang babaylan at ang panday.

The post Pagpapanday sa Kulturang Pilipino first appeared on Abante.

pagpapanday sa kulturang pilipino - Pagpapanday sa Kulturang Pilipino
Xiao Chua Xiao Time 26 8 - Pagpapanday sa Kulturang Pilipino

​Ayon kay Zeus Salazar, sa kaayusang panlipunan at pang-ekonomiko sa panahon ng Sinaunang Bayan may tatlong mahahalagang papel—Ang datu, ang babaylan at ang panday.

​Para sa marami sa atin, ang Panday ay tila isang superhero dahil sa karakter na pinasikat ng karakter ni Fernando Poe, Jr. sa pelikula. Ngunit kung ang datu ang nangalaga sa ekonomiya at pulitikal na kaayusan ng lipunan, at ang babaylan ang nangalaga sa espirituwal at pangkalususang kaginhawahan ng bayan, ang panday ay ang bihasa sa mga agham at lumilikha ng mga kinakailangan para sa kaginhawahan. May iba’t ibang uri nito: panday-ginto, panday-bakal o panday-anluwagi (karpintero).

​Ngayon, sa kasalukuyang gamit, ang panday ay mas itinutumbas na lamang sa gumagawa ng mga kasangkapang bakal o blacksmith. Sa itinatayong bagong Museo ng Sorsogon, itatanghal ang buhay na buhay pa rin na industriya ng pandayan lalo na sa Barrio Gatbo sa Bacon, Lungsod ng Sorsogon, at sa bayan ng Irosin.

​Ayon sa historyador na si Dr. Lars Raymund Ubaldo, nagsalin-salin ang kaalaman sa pagpapanday sa mga salinlahi ng magkakamag-anak kaya ayon sa mga taga-Gatbo, namana nila ang kanilang industriya sa kanilang mga ninuno mula noong Siglo 1800. Sa barriong iyon, kada ilang bahay may makikita kang tahanan ng panday. Makikita sa mga ito ang mga matatandang bulusan (forge): “dalawang binilog na yerong galbanisado na binobomba ang loob ng parapad para sa tuloy-tuloy na paglabas ng hangin sa tayhop para manatiling maningas ang uling na pinagsasalangan ng bakal na papandayin.”

​Ginagamit din sa pagpapanday ng bakal ang iba’t ibang pansipit: salakab, pang-arang at panalida. Upang matantsa ang kinakailangang kapal ng bakal na pinapanday, gumagamit ng martilyo at maso. Tutop-an ang tawag sa palihan o anvil, habang sinsil naman ang ginagamit sa pagpapanday ng gilid ng patalim. Isa pang gamit ng panday ay ang kahit. Damuan naman ang lalagyan ng tubig na ginagamit sa pagsusubo ng bakal, habang balhag naman ang ginagamit para sa pakikikil at pagpapakinisng bakal.

​Mahalaga para sa kaginhawahan ng bayan ang mga produkto ng panday: Ang mga kutsilyo at sundang ay nagagamit sa mga gawaing bahay, at maging yaong ginagamit sa mga paratilad ng pili. Pati mga kagamitan sa bukid gaya ng panlinis sa mga taniman at pag-aani, pagtatalop ng balat at paglulukad ng laman ng niyog at mga iba pang gamit sa pagsasaka gaya ng dumpol, purang, at kanggot. At siyempre huwag kalimutan ang mga itak, gunting at kahit na katana!

​Mahaba man o maikli, o kung may nais na disenyo, puwedeng magpasadya. Ayon kay G. Ronnel Escalante ng Bacon, sa panahon ngayon, kumukuha ang Gatbo ng mga molye sa mga junk shop upang muling magamit.

​Hamon ang mga madaling mabiling kutsilyong na Made in China na nagkalat sa merkado pero sa kabila nito, patuloy na nananatiling mahalagang industriya ng Sorsogon ang pandayan.

The post Pagpapanday sa Kulturang Pilipino first appeared on Abante.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *