Pagbangon mula sa delubyo

Nakalulunos ang sinapit ng ating mga kababayan sa Bicol Region matapos hagupitin ng dalawang magkasunod na bagyo.

The post Pagbangon mula sa delubyo first appeared on Abante.

pagbangon mula sa delubyo - Pagbangon mula sa delubyo
Zaldy Co Bicolano Ako 3 750x430 1 2 - Pagbangon mula sa delubyo

Nakalulunos ang sinapit ng ating mga kababayan sa Bicol Region matapos hagupitin ng dalawang magkasunod na bagyo.

Bukod sa mga nasirang pananim at ari-arian, may ilang kababayan tayong nasawi dahil sa putik at batong rumagasa galing sa Bulkang Mayon.

Naiwasan sana ang ganitong trahedya kung nakinig ang ilan nating kababayan sa matagal na nating panawagan na iwasan ang walang habas na quarrying o pagmimina ng graba at buhangin sa gilid ng bulkan.

Hindi masama ang paglinang ng likas-yaman ngunit dapat nating isaisip na may kapalit ang anumang pang-aabuso sa kalikasan.

Sa paghagupit ng super typhoon Rolly nitong Linggo, nabaon sa lahar, putik at malalaking bato ang tinatayang 300 kabahayan sa apat na barangay sa bayan ng Guinobatan, Albay. Ang masaklap, limang residente ang nasawi, habang dalawa ang ‘di pa natatagpuan.

Paulit-ulit na tayong nagbabala sa magiging epekto ng over extraction. Kung ginawa lang sana ang pagmimina sa tamang lugar, hindi magdurusa ang maraming residente ng Guinobatan.

Magsilbi sana itong aral sa lahat. Hindi kailanman mapapalitan o maibabalik ng kahit anong halaga ang buhay na nawala

Maraming buhay ang ating maililigtas kung lilimitahan o tuluyan nang ipagbawal ang pagmimina ng buhangin, graba at bato mula sa Bulkang Mayon. Nagpapasalamat ako at mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nag-utos sa mga kinauukulan na aksiyunan ang mga reklamo ng over extraction sa gilid ng bulkan.

Mapalad ang Albay dahil pinagkalooban ito ng isang bulkang kinikilala ang kagandahan sa buong mundo. Kung ating pasisiglahin ang turismo, ito’y magbibigay ng maraming trabaho at hindi na siguro kailangan pang bungkalin ang mga bato’t graba na sumisira sa kalikasan at nagdudulot ng pighati at pagdurusa sa taumbayan..

Nakikiramay ako, sampu ng aking mga kasama sa Ako Bicol party list, sa mga pamilyang naulila dahil sa bagyong Rolly, ang pinakamalakas na bagyong naitala sa buong mundo ngayong taon. Sa inisyal na ulat ng Office of Civil Defense sa Bicol, 17 katao ang nasawi sa lalawigan ng Albay at Catanduanes lamang.

Dahil maraming puno, bato at putik ang humaharang sa mga daan, inuna ng inyong lingkod ang mabilisang road clearing operations upang magbalik normal ang daloy ng trapiko at komersyo. Inutos ko po ang 24/7 operations ng ating bulldozers at iba pang heavy equipment upang mabilis ding madala ang relief goods sa mga nasalanta.

Naging abala rin ang AKB sa pamamahagi ng food packs sa daan-daang residente ng Barangay Travesia at San Francisco sa Guinobatan. Katuwang ng party list sa pamamahagi ng pagkain ang Rotary Club of Legazpi Central, JCI Legazpi at Daraga at ang SM Foundation.

Kapos na sa pondo ang rehiyon dahil sa ilang buwang pakikipaglaban sa COVID-19. Pinalala pa ito sa paghambalos ng magkasunod na bagyong Quinta at Rolly. Kaya naman po nananawagan ako ng tulong sa pribadong sektor at ibang ahensiya ng pamahalaan upang mabigyan ng pagkain, construction materials at tulong pinansiyal sa mga Bicolano para sa kanilang pagbangon.

Asahan po ninyo na gagawa ako ng paraan, sa tulong ng ibang ahensiya ng pamahalaan, upang magkaroon ng pansamantalang masisilungan ang mga Bicolanong nawalan ng bahay dahil sa bagyo. Bukod sa pagkain at malinis na damit, disenteng tirahan ang aking prayoridad para sa mga biktima ng trahedya.

The post Pagbangon mula sa delubyo first appeared on Abante.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *