OOPS, APPS

At lumipas na naman ang Agosto. Isang buwan na naman ng pagkilala sa ating sariling wika. Oo, hindi kasinsaya ng mga nagdadaang taon dahil totoo namang kakaiba ang taon na ito. Taon na binulabog ng salot at trahedya. Nagbago rin ang pagbubukas ng pasukan sa mga pampublikong paaralan kaya bahagya nang nakapaghanda ang ibang institusyon sa mga pagdiriwang na kaakibat ng okasyon.

The post OOPS, APPS first appeared on Abante.

oops apps - OOPS, APPS
tala salitaan 3 - OOPS, APPS

At lumipas na naman ang Agosto. Isang buwan na naman ng pagkilala sa ating sariling wika. Oo, hindi kasinsaya ng mga nagdadaang taon dahil totoo namang kakaiba ang taon na ito. Taon na binulabog ng salot at trahedya. Nagbago rin ang pagbubukas ng pasukan sa mga pampublikong paaralan kaya bahagya nang nakapaghanda ang ibang institusyon sa mga pagdiriwang na kaakibat ng okasyon.

Noong nagdaang taon, ilang programang pang-Buwan ng Wika ang aking dinaluhan bilang tagapagsalita o hurado sa mga timpalak. Ngayon, iilan na lang. At lahat ay ginanap sa pamamagitan ng online platform.

Hinamon din ang aking pagiging technologically-challenged na pagkatao dahil kailangang umakma ako sa bagong moda ng pagtuturo. Iyong online. Iyong nasa harap lamang ng monitor ang mga mag-aaral. Wala ang interaksyong karaniwang nangyayari kung face-to-face ang klase. Walang spontaneity o iyong wala sa planong pagkatuto sanhi ng isang hindi sadyang pagbubukas ng magandang paksang kaugnay ng leksyon.

Wala rin ang biglaang tawanan at pagninilay na makukuha sa nagbabago-bagong sitwasyon ng classroom. Ngayon, hindi ko alam kung ang mag-aaral ko ay natutulog o may ginagawa nang iba. Nagtatawag ako ng mag-aaral, sumasagot naman sila, palatandaan itong nakaantabay talaga sila sa biglaan kong recitation.

Sa loob ng dalawang linggong pagtuturo sa kolehiyo at graduate school, nakakasanayan ko na rin ang humarap at makipag-usap sa monitor. Iyon nga lang, mas pagod ako dahil kailangang mataas lagi ang enerhiya, hindi katulad kung nasa tradisyonal na silid-aralan, alam ko kung kailan hihina at lalakas ang boses, kung kailan dapat mag-modulate nang husto. Maganda na ring tipid ako sa pamasahe, pagkain, at pananamit kahit papaano.

Naranasan ko na ring subukin ang mga hindi ko dati ginagawa dahil sa paniniwalang magpapabagal sa aking laptop, iyon ay ang mag-download ng mga ‘app’ o application sa gadget para mapadali ang iba’t ibang trabaho at proseso sa computer.

Kung gustong mapaganda ang larawan? May libreng app na mada-download para diyan. Kailangan mo ng mapa upang hindi maligaw? Meron din. Gustong mag-compose ng kanta? Mag-download na ng app para sa musika. Mainipin? Mag-download ng app para sa iba’t ibang uri ng larong malakas umubos ng oras.

Gustong bumuo ng sariling avatar? May magagandang app para diyan na magagamit ng mga gurong gustong gumawa ng nakatutuwang presentation. Maraming libreng apps pero tigmak ng patalastas. Marami din ang may bayad, natural lalo kung ang app na ito ang makakatulong sa iyong hanapbuhay.

Ngayon, kay dali nang tugunan ang pangangailangang pangkarunungan. Kung may hindi alam kung paano gagawin ang isang bagay, panoorin ang video sa na-download na app platform. Tiyak na maraming tutorial. Pupwede rin namang sumali sa mga online groups at doon magtanong-tanong.

Sa bilis ng kakayahan nating magtamo ng karunungan upang magawa ang mga bagay-bagay, dapat ganito rin sigurong kabilis ang pagpapalaganap natin ng kabutihan sa kapwa. Oo, may app para ka maging magaling, may app na makakatulong sa akin para mas maging epektibong guro. Ngunit habang lumalalim ang ating kaalaman, ganoon din sana ang nagiging lalim natin sa kabutihan.

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundanninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes

The post OOPS, APPS first appeared on Abante.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *