One Town: One Doctor-scholarship sa mga nais maging doktor

Anim sa 10 Pilipino ang namamatay na hindi man lang natitingnan ng doctor.

The post One Town: One Doctor-scholarship sa mga nais maging doktor appeared first on Abante News Online.

one town one doctor scholarship sa mga nais maging doktor - One Town: One Doctor-scholarship sa mga nais maging doktor
Abante Sen Ralph Recto Usapang Barako - One Town: One Doctor-scholarship sa mga nais maging doktor

USAPANG BARAKO
Ralph Recto

Anim sa 10 Pilipino ang namamatay na hindi man lang natitingnan ng doctor.

‘Yan ang masaklap na katotohanan. Sa kabila iyan ng palaki nang palaking koleksyon ng gobyerno sa Sin taxes o buwis na galing sa alak at sigarilyo upang ipangtustos sa mala­king agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap pagdating sa kalusugan.

Noong 2018, umabot ang kinolektang buwis sa alak at sigarilyo ng P200 bilyon – daang bil­yong piso na gagamitin upang mapabuti ang kalagayang pangkalusugan ng mahihirap na Pilipino.

Sa tala ng Philippine Medical Association, may 130,000 lisensyadong doktor sa Pilipinas, subalit halos kalahati lang nito o 70,000 ang nagpapraktis ng propesyon. Mas malala ang sitwasyon sa kanayunan kung saan 3 doktor lamang ang nagsisilbi sa 100,000 naninirahan doon. Sa madaling kwenta, 1 doktor ang nakatoka sa 33,000 Pinoy.

Nakakabahala ang ganitong ratio dahil ang nirerekomendang pamantayan na sinusundan sa buong mundo ay 1 doktor para sa 1,000 katao lamang.

Paano nangyari ito at lumaki ang kakulangan ng doktor sa Pilipinas?
Unang dahilan ang napakamahal na gastos sa pagpapaaral ng medical student. Sa panahon ngayon, pag sinabi mong may anak kang nagme-medicine, ang ibig sabihin non ay mayaman o nakaka-angat kayo sa buhay.

Bakit kamo? Sa 30 medical schools sa Pilipinas, 5 lamang ang pampubliko at government-funded. Ibig sabihin, kung may pinapaaral kang estud­yante na kumukuha ng medicine, pamilya niya ang babalikat sa halaga ng kurso na naglalaro sa P500,000–P2 mil­yon. Hindi pa kasali diyan ang laboratory fees, miscellaneous at iba pang gastusin ng itatakda ng eskuwelahan. Tunay na paiyakan ang magpaaral ng doktor.

Isa pang sanhi ng kakulangan—mara­ming mga doktor ang mas pinipiling magpraktis ng propesyon sa siyudad o sentro kaysa sa probinsya at kanayunan, sa dahilang naroon ang mala­laking ospital at klinik na handang magbayad ng mas malaki sa kanilang serbisyo. Mas malaki ang bayad, mas mabilis nilang mababawi ang milyong ginastos para sa kanilang pag-aaral.

Dahil dito, minabuti nating isulong ang Se­nate Bill 41 na magbibigay ng “medical scho­larship” sa mahihirap subalit matatalinong estudyante na nais ma­ging doktor. “One Town: One Doctor Act”ang tawag natin dito.

Sakaling maging batas, bukas ang programang ito sa mga graduating student ng kolehiyo na kabilang sa top 30% ng gradua­ting class, na nagnanais magpatuloy ng kursong medicine subalit kulang sa pera. Kailangang lehitimong residente ng isang munisipalidad ang aplikanteng iskolar na nakatakdang magtapos o nakapagtapos na ng undergraduate course.

Layunin ng medical scholarship na bigyan ng oportunidad ang maraming estudyante na makapagtapos ng medicine course, at kapag nakapasa na sa medical board exam, ay hayaan silang magsilbi ng 4 na taon sa public hospital o rural health units ng kanyang munisipalidad, na may karampatang ranggo at sahod. Sa madaling salita, ang hinihinging kabayaran ng pamahalaan sa ibinigay na medical scholarship ay ang pagbabalik nila ng serbisyo sa komunidad bilang mga bagong doktor.

Malaki rin ang maitutulong ng SB 41 sa bagong batas na Universal Health Care Act na magbibigay ng libre at de kalidad na serbisyong medikal sa bawat Pilipino.

The post One Town: One Doctor-scholarship sa mga nais maging doktor appeared first on Abante News Online.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *