Nakamamatay ang fake news!

“Maraming namamatay sa maling akala.” ‘Yan ang parati nating naririnig sa kausap natin lalo’t kung ang sagot natin sa kanila ay walang kasiguraduhan o nagsisimula sa “Akala ko kasi…”

nakamamatay ang fake news - Nakamamatay ang fake news!
Senator Ralph Recto Usapang Barako 1 - Nakamamatay ang fake news!

“Maraming namamatay sa maling akala.” ‘Yan ang parati nating naririnig sa kausap natin lalo’t kung ang sagot natin sa kanila ay walang kasiguraduhan o nagsisimula sa “Akala ko kasi…”

Nasampulan nga tayo nito noong magkagulo makaraang ilang dosenang mga bata ang sinasabing namatay matapos maturukan ng Dengvaxia, ang tatak ng bakunang ginamit sa malawakang kampanya upang maiwasan ang dengue. Taong 2016 noong ipatupad ang mass vaccination para sa 700,000 tao sa Central Luzon, Metro Manila at kalapit na lalawigan.

Dahil sa kontrobersiya, marami ang tumalikod sa pagpapabakuna ng kanilang mga anak, sa maling akala na masama ang lahat ng bakuna.

Ang naging resulta, dahil tumigil ang pagpapabakuna at nawalan ng proteksyon laban sa dengue virus, lumobo ang bilang ng mga taong nagka-dengue.

Naging pangatlo rin ang Pilipinas sa buong mundo sa pinakamara­ming kaso ng measles o tigdas, 45,847 na kaso ng tigdas, mula June 2018 hanggang June 2019.

Dahil sa maling akala na lahat ng bakuna ay nakamamatay, mara­ming magulang ang hindi nagpabakuna laban sa polio para sa kanilang mga anak.

Ang resulta: ang dating malinis nating record na walang kaso ng polio sa loob ng nakaraang 20 taon ay biglang ginambala ng balitang may polio outbreak na kamakailan lang.

Bakit nagkaganito? Kasi naniwala sa chismis na masama ang lahat ng uri ng bakuna. Kasi nagpadala sa haka-haka na nakamamatay ang bakuna sa halip na nakapagliligtas sa sakit.

Dahil buhay ang nakasalalay, kailangang mabilis ang aksyon upang puksain ang fake news na batay sa haka-haka, chismis at ‘di kumpirmadong pangyayari. Diyan natin magagamit ang advertising upang itrumpeta nang mabilisan at malawakan ang mensahe ng pamahalaan na hindi masama ang bakuna, na nagbibigay ng proteksyon laban sa mga sakit ang bakuna.

May nakalaang pondo para sa advertising ang Department of Health (DOH), na nakakumpol sa pondo para sa kanilang pagbiyahe, pag-imprenta at paglilimbag.

Para sa taong 2020, may P629 milyon ang DOH para sa advertising at pagpapalaganap ng impormasyon sa publiko. Gamitin itong sandata para labanan ang fake news tungkol sa bakuna.

Sayang ang nakalaang P7.54 bilyong pondo sa susunod na taon para sa bakuna ng mga sanggol, bata, buntis at senior citizen kung patuloy na mamamayani ang fake news sa isip ng maraming Pilipino na nakamamatay ang bakuna.

Gumawa ng mga commercial sa TV, radio at social media, magpa-imprenta ng mga poster at leaflet para ibida ang national immunization drive ng pamahalaan, partikular upang masugpo ang dengue, polio at tigdas na tumama at nagbalik sa Pilipinas.

Sa tulong ng kampan­ya sa tamang impormas­yon, maibabalik natin sa dating 95% o mas mataas pang immunization rate sa buong Pilipinas, na dahil sa fake news at pangamba sa bakuna ay sumemplang sa 66% noong nakaraang taon.

Gawin ang mga ito nang mabilisan para ‘pag umarangkada sa 2020 ang malawakang pagbakuna ng DOH, nasugpo na ang fake news at maluwalha­ting mababakunahan ang 2.7 milyong sanggol laban sa tuberculosis, hepatitis B, diphtheria, pertussis, tetanus, polio, measles, rubella at influenza.

Milyong sanggol din ang makikinabang at mababakunahan laban sa pneumonia; tetanus, diptheria, measles at rubella vaccines sa elementary students; tetanus shots sa mga buntis; at influenza at pneumococcal vaccine para sa mga senior citizen.

Kung may bakuna lang ngang available laban sa fake news, magandang bakunahan ang lahat dahil napatunayan na nating nakamamatay ang fake news.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *