Mga ‘anghel’ ni Duterte

Sino ang nasa likod ng pagpaslang sa mga aktibista at mamamayan sa isla ng Negros?

mga anghel ni duterte - Mga ‘anghel’ ni Duterte
antonio tinio2 1 - Mga ‘anghel’ ni Duterte

Sino ang nasa likod ng pagpaslang sa mga aktibista at mamamayan sa isla ng Negros?

Sa kanyang talumpati sa Camp Rajah Sikatuna sa Bohol noong Nobyembre 27, 2018, ilang araw matapos niyang ilabas ang kanyang Memorandum Order No. 32 na nagdeploy ng dagdag na tropa sa Negros, Bicol, at Eastern Visayas para paigtingin ang mga ope­rasyon kontra sa New People’s Army, inanunsyo niya ang kanyang balak na magbuo ng death squad laban sa mga rebelde: “One of these days I’ll be forced to create my own Sparrow. I will match their talent in assassinating people. ‘Yun ang balak ko. ‘Yung kulang talaga is ‘yung sparrow ko rin, diyan naman sila makalamang. So magcreate ako ng sparrow, Duterte Death Squad against the sparrow.”

Sa mga sumunod na linggo at buwan, naganap ang sunod-sunod na pagpaslang sa mga aktibista, abogado, taong simbahan, guro, magsasaka, Lumad, at iba pang mamamayan na tinuturing ng gobyerno na mga simpatisador at tagasuporta ng New People’s Army sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Karaniwang modus operandi ang pamamaril ng mga nakamaskarang kala­lakihang naka-riding-in-tandem o pagpasok sa bahay ng biktima sa kalagitnaan ng gabi.

Muling binanggit ni Duterte ang kanyang sariling mga death squad laban sa NPA at mga itinuturing niyang tagasuporta nito sa isang talumpati sa Bureau of Fire Protection noong Agosto 1, kung saan iniatas niyang isyuhan ng armas ang mga bumbero: “You must help and you must help kill, kill the enemy, kasi ‘yung ene­my n’yo papatayin talaga kayo. So I’m warning everybody, including the sparrows, na the angels – ang tawag ko sa sparrows ko – will also be looking for you. Ang mga anghel ng gobyerno.”

Kinabukasan, sa isang talumpati sa Davao City, kanya namang inilinaw ang target, at kung ano ang kanilang kasalanan: “Karapatan is a front…Kayong mga Karapatan, mga samahan ng mga demonyo ng Pilipinas, you know what you did in Negros is not just fighting. The danger there is you are now implementing the commune system of the dispirited communist party strategy.”

Malinaw ang salaysay na binuo ni Duterte sa kanyang isipan: mga ‘demonyo’ ang maka-kaliwang human rights group na Karapatan, na hindi niya pinag-iiba sa armado at iligal na NPA; kasalanan nila ang suportahan ang kampanyang ‘bungkalan’ ng mga magsasakang walang sariling lupa, ang pagtanim sa mga nakatiwangwang na lupain sa mga hasyenda ng Negros upang may makain; at nariyan ang kanyang mga ‘anghel’ upang maggawad ng parusa.

Batay mismo sa sarili niyang mga salita, pinakawalan ni Duterte sa isla ng Negros at sa buong kapuluan ang kanyang mga ‘anghel ng kamatayan’ laban sa mamamayan upang ipagtanggol ang interes ng mga hasyendero at panginoong may lupa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *