Manananggal (ng tubig) sa Metro Manila

Gambalain mo ang delivery ng payak na pangangaila­ngan ng mamamayan at siguradong gulo ang hinahanap mo.

The post Manananggal (ng tubig) sa Metro Manila appeared first on Abante News Online.

manananggal ng tubig sa metro manila - Manananggal (ng tubig) sa Metro Manila
Abante Sen Ralph Recto Usapang Barako - Manananggal (ng tubig) sa Metro Manila

Gambalain mo ang delivery ng payak na pangangaila­ngan ng mamamayan at siguradong gulo ang hinahanap mo.

Napatunayan na naman ‘yan nitong mga nakaraang araw noong tanggalan ng daloy ng tubig sa kanilang mga gripo ang mga residente ng ilang bahagi ng Metro Manila, partikular ang naninirahan sa Quezon City, Pasig at Mandaluyong.

Bahagi sila ng problemadong east zone na sineserbisyuhan ng tubig ng Manila Water. Ang west zone naman ay sakop ng Maynilad.

Hindi lang paghina ng pressure ng tubig sa kanilang linya ang naranasan, kundi tuluyang pagkawala ng tulo sa gripo. Para magkaroon sila ng tubig, kinakailangang mag-abang ng parating na tangke ng tubig o trak ng bumbero at pumila kasama ang kanilang mga timba at container.

Nanatiling ganyan ang sitwasyon ng halos isang linggo hanggang dumating sa punto na hindi na pumasok sa opisina o eskuwelahan ang mga residenteng apektado dahil walang sapat na tubig na pampaligo at panlaba ng uniporme. Dagdag pa dito na kailangan nilang personal na pumila at umigib ng tubig.

Sa pagdinig na ginawa sa Kongreso at Senado ukol dito, sinabi ng Manila Water na ang krisis ay dulot ng kakulangan sa tubig. Mariin din nilang itinanggi ang kumakalat na chismis na gawa-gawa lamang ang umano’y kakula­ngan ng supply upang maisulong ang agenda nila na taas singil sa tubig at upang ipamalas na ang proyektong isinusulong ng admi­nistrasyong pagtatayo ng mga dam gamit ang pondong uutangin sa China ay napapanahong madaliin. Ito’y sa kabila ng sapat na tubig mula sa Angat Dam na parehong pinagkukunan ng tubig ng Manila Water at Maynilad.

Kapag hindi transparent sa publiko, espekulasyon at chismis ang talagang iiral. ‘Di rin nakakatulong payapain ang inis na damdamin ng mga tao ang walang linaw na sagot ng MWSS, ang ahensyang nagre-regulate ng Manila Water at Maynilad, kung may pinaplano ba silang penalty laban sa Manila Water. Sa pagdikdik ng mga senador sa hearing kahapon, napiga sa MWSS na baka sa June or July ay may maibaba silang desisyon kung may liability ba o wala ang Manila Water sa nangyaring krisis.

Malinaw pa sa malabong tubig ng Manila Water noong bumalik ang supply ng tubig, ang pangangailangang dagdagan ang proteksyon ng mga consumers sa ganitong pagkakataon. Kapag may abala sa basic service na malaking parte ng mamamayan ang naapektuhan, may proteksyon bang maaasahan ang mga apektadong consu­mers sa pamamagitan ng rebate o ibang paraan?

Anuman ang kalabasan ng imbestigasyon sa isyung ito, malinaw na kailangang tuloy-tuloy nating paghandaan ang kinabukasan ng Pilipinas sa supply ng tubig. Kaakibat kasi ng patuloy na paglago ng populasyon ang mas mataas na konsumo ng tubig sa araw-araw.

4,785 na bagong sanggol ang ipinapa­nganak araw-araw sa Pilipinas o 1,746,525 na sanggol bawat taon. Kinakailangan nating magdagdag ng 115 bil­yong litro ng tubig kada taon upang matustusan ang pangangailangan ng mga bagong dagdag sa ating populasyon.

Buti na lamang at ang Pilipinas ay pinagpala at nabibiyayaan ng maraming panahon ng tag-ulan na madalas ay sobra-sobra pa at nagreresulta sa pagbaha. Dito naman natin mapapakinaba­ngan ang pagtatayo ng maraming dams at water reservoir sa iba’t ibang parte ng bansa na sasalo sa mga tubig ulan at magiging supply natin sa panahon ng tagtuyot.

May gumagalang manananggal (ng tubig) sa Metro Manila. Sa mga kuwento at pelikulang nababasa natin tungkol dito, matitigil lamang sa pananalasa ang mana­nanggal sa pamamagitan ng asin, bala, sibat o holy water. Subalit sa modernong panahon natin ngayon, ‘di na kailangang humantong sa ganito ang sitwasyon. Ayusin lang ang serbis­yo at ibalik ang tubig sa mga nagbabayad na kliyente, titigil na silang huntingin ang mana­nanggal sa Kamaynilaan.
Tubig na masisipsip ang gusto ng tao, taliwas sa dugong gustong sipsipin ng manananggal sa mga consumers.

The post Manananggal (ng tubig) sa Metro Manila appeared first on Abante News Online.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *