Magandang simula at pagpapatuloy para sa manggagawang Pilipino

Magandang balitang pambungad po ngayong 2021 lalo na para sa mga OFW ang pagkakamit ng hustisya ng pamilya Villavende para sa kanilang mahal sa buhay na pumanaw noong Disyembre 2019 dahil sa pagmamalupit ng kanyang amo sa Kuwait.

The post Magandang simula at pagpapatuloy para sa manggagawang Pilipino first appeared on Abante.

magandang simula at pagpapatuloy para sa manggagawang pilipino - Magandang simula at pagpapatuloy para sa manggagawang Pilipino
EDITORIAL LOGO MR TRABAHO Joel Villanueva 1 - Magandang simula at pagpapatuloy para sa manggagawang Pilipino

Magandang balitang pambungad po ngayong 2021 lalo na para sa mga OFW ang pagkakamit ng hustisya ng pamilya Villavende para sa kanilang mahal sa buhay na pumanaw noong Disyembre 2019 dahil sa pagmamalupit ng kanyang amo sa Kuwait.

Sa wakas ay naglabas na po ng kapasyahan ang Criminal Court ng Kuwait tungkol sa pagpaslang sa ating kababayang OFW na si Jeanelyn Villavende ng kanyang Kuwaiti employer. Nagpapasalamat po tayo sa patas at makatwirang desisyon ng Korte alinsunod sa Sharia Islamic Law.

Tubong South Cotabato po si Jeanelyn, 26 na taong gulang, at nagtungo sa Kuwait noong Hulyo 2019 para magtrabaho bilang kasambahay. Namatay raw po si Jeanelyn dahil sa atake sa puso. Subalit sa hiwalay na awtopsiya ng ating NBI, napag-alamang nawawala ang ibang bahagi ng katawan ni Jeanelyn bukod pa sa ginahasa at marahas siyang binugbog na humantong sa kanyang kamatayan. Karumaldumal po ang pagkapaslang sa ating kababayan.

Agad po tayong nagpatawag ng pagdinig noon sa ating Komite sa Senado para maimbestigahan ang pangyayaring ito. Dahilan po ito upang pansamantalang makansela o masuspende ang permit ng 5 Star Recruitment and Manpower Corporation na nagpaalis kay Villavende. Humantong din po ito sa temporary deployment ban ng mga domestic workers sa Kuwait na atin din namang ipinanawagan noon.

Hindi po katangggap-tanggap ang anumang pag-abuso sa karapatang pantao. Ito po ang batayan kung kaya’t hindi natin magagawang ipikit ang ating mga mata sa pagmamaltrato, pang-aabuso, at paglabag sa karapatan ng ating mga kababayan, lalo na ng mga manggagawa, sa loob man o sa labas ng ating bansa. Bilang isang bansa, hinding hindi po tayo makapapayag na hanggang ngayon ay may mga OFW pa ring nagbubuwis ng buhay dahil sa hindi makataong pagtrato ng kanilang mga amo.

Naiintindihan po natin kung gaano kaimportante ang trabaho para sa ating mga OFW, at iyon nga po ang masakit, na hanggang sa ngayon ay kailangan pa rin nating isugal ang ating dangal at buhay, kahit alipinin, gahasain, patayin, at tratuhing masahol pa sa hayop ang ating mga kababayan sa ibayong dagat para lang may makain sa araw-araw ang ating mga pamilya!

Nananatili pong ganito ang kalagayan natin kahit pa nga ngayong panahon ng pandemya. Isinusugal pa rin natin abroad ang dangal, buhay, at kaligtasan para lang makakain sa araw-araw.

Pandemya man o hindi, ito po ang pinagsisikapan nating gawan ng paraan sa ating mga pagpupunyagi sa inyong Senado, partikular sa larangan ng edukasyon at ng labor.

Ngayong 2021, paiigtingin pa po natin ang mga programang ating nasimulan kasama na ang para sa mga OFW.

Pag-iibayuhin po natin ang pagpapatupad ng isinulong at naisabatas nating Social Welfare Attaché Law na mangangalaga sa dangal at karapatang pantao ng ating mga OFWs.

Patuloy po nating isusulong ang pinag-aaralang panukalang OFW department na ngayon ay certified urgent na ng pangulo.

Kasabay po ito ng patuloy na pagbuo ng mga Memorandum of Agreement sa pagitan ng Pilipinas at ng mga OFW receiving countries nang sa gayon ay mabawasan man lamang kung hindi man tuluyang mawala na ang pang-aabuso sa pagkatao at karapatan ng ating mga kababayan.

Muli, isang maligaya at masaganag bagong taon 2021 ng mabubuting simulaing ating ipinagpapatuloy lalo’t higit para sa mga manggagawang Pilipino.

The post Magandang simula at pagpapatuloy para sa manggagawang Pilipino first appeared on Abante.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *