Limitadong face-to-face isinusulong para sa mga komplikadong aralin

Kung unti-unti na nating binubuksan ang mga negosyo habang may pandemya, dapat na ding pahintulutan na magkaroon ng limitadong face-to-face classes ang mga mag-aaral.

The post Limitadong face-to-face isinusulong para sa mga komplikadong aralin first appeared on Abante.

limitadong face to face isinusulong para sa mga komplikadong aralin - Limitadong face-to-face isinusulong para sa mga komplikadong aralin
EDITORIAL LOGO win sa edukasyon Win Gatchalian 1 - Limitadong face-to-face isinusulong para sa mga komplikadong aralin

Kung unti-unti na nating binubuksan ang mga negosyo habang may pandemya, dapat na ding pahintulutan na magkaroon ng limitadong face-to-face classes ang mga mag-aaral.

Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, isinusulong ng inyong lingkod ang pagkakaroon ng ‘purok workshops’ sa mga tinatawag na ‘low-risk areas’ o mga lugar na wala o kakaunti ang kaso ng COVID-19.

Kapag sinabi nating ‘purok workshops’ ay tutungo ang mga ‘roving teachers’ o learning support aides sa mga purok upang magturo sa isang maliit na grupo ng mga mag-aaral na hindi lalagpas sa sampu. Ngunit syempre ay kailangan pa ring panatilihin ang health protocols tulad ng social distancing, pagsusuot ng mask at palagiang paghuhugas ng kamay o paggamit ng alcohol.

Itong modelo ng ating panukala ay tinatawag na ‘learning pods’ na naging popular sa Estados Unidos kung saan tinitipon ang isang maliit na grupo ng mga mag-aaral para magkaroon ng physical social interaction ang mga bata at mahikayat silang mag-aral sa kabila ng pandemya. Binuo ang learning pods dahil maraming mga magulang na nagsasabing nahihirapang mag-adjust ang kanilang mga anak sa distance learning.

Hindi kaila na malaki pa ring hamon ngayon ang internet connection sa pagpapatupad ng distance learning kahit sa mga lugar kung saan dapat sana ay maayos o malakas ang signal ng internet, halimbawa sa mga siyudad. Ngunit kahit na maaaring gumamit ang mga mag-aaral ng self-learning modules ay may mga komplikadong subject na kinakailangan ang pisikal na paggabay ng kanilang guro.

Kung susuriin ang mapa ng COVID-19 tracker ng University of the Philippines noong Nobyembre 7, hindi lalagpas sa 500 na munisipalidad ang walang aktibong kaso ng COVID-19.

Dahil sa ganitong estado, pinaniniwalaan na sa mga lugar na wala namang kaso ng COVID-19 ay malaki ang maitutulong ng mga purok workshops upang magabayan nang husto ng mga guro ang kanilang mga mag-aaral.

Sa kabila ng malaking hamong kinakaharap ng sektor ng edukasyon sa bansa lalo na’t marami pa rin sa atin ang naninibago sa sistemang ito, mahalaga na makahanap tayo ng mga epektibong paraan para mas mahikayat natin ang mga bata na mag-aral habang pinag-iingat ang lahat laban sa pandemya.

The post Limitadong face-to-face isinusulong para sa mga komplikadong aralin first appeared on Abante.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *