Lehitimong kaso o pamumulitika?

Ilang linggo na ring nasa balita ang reklamo para sa sedisyon na isinampa ng PNP-CIDG sa 35 na tao – kasama ang mga kawani ng Simbahan, mga abogado mula sa FLAG at IBP, mga miyembro ng oposisyon, at ilang pampublikong opisyal, kasama na si VP Leni Robredo.

lehitimong kaso o pamumulitika - Lehitimong kaso o pamumulitika?
Barry - Lehitimong kaso o pamumulitika?

Ilang linggo na ring nasa balita ang reklamo para sa sedisyon na isinampa ng PNP-CIDG sa 35 na tao – kasama ang mga kawani ng Simbahan, mga abogado mula sa FLAG at IBP, mga miyembro ng oposisyon, at ilang pampublikong opisyal, kasama na si VP Leni Robredo.

Noong Huwebes ng umaga, sumama ako sa lead counsel ni VP Leni, ang batikang abogado at propesor ng batas na si Atty. Marlon Manuel, para maghain sa DOJ ng isang Motion to Produce Evidence. Layon ng motion na ito na utusan ng DOJ ang PNP-CIDG na ilabas na ang lahat ng kanilang pinagmamalaking ‘ebidensiya’ ukol sa reklamong kanilang sinampa. Ginawa ito dahil liban sa sinumpaang salaysay ni Peter Joemel Advincula, alyas ‘Bikoy’, walang ibang ebidensiya na isinumite ang PNP-CIDG kasabay ng kanilang reklamo sa DOJ.

Malinaw na malinaw na ayon sa Rule 112, Section 3(b) ng Rules of Court, may karapatan ang respondent sa isang preliminary investigation na pag-aralan at makakuha ng kopya ng ebidensiya na ginagamit na batayan sa reklamo laban sa kanya. Sa kasong ito, sa kabila ng kanilang sinasabing nagsagawa sila ng ‘imbestigasyon’ at may hawak pa silang ibang ‘ebidensiya’, walang ipinakita ang PNP-CIDG kundi ang testimonya ng kanilang kaisa-isang testigo na si Advincula.

Dalawa lang ang posibleng paliwanag dito: Una, sadyang hindi ipinapakita ng PNP-CIDG ang kabuuan ng ebidensiyang hawak nila, labag ito sa Rules of Court. Paliwanag nga ni Atty. Manuel noong Huwebes, “hindi puwedeng ‘installment’ ang ebidensiya.” Ang pangalawang posibilidad naman ay higit na mas simple pa: Wala talagang ibang ebidensiyang hawak ang PNP-CIDG, at ang buong reklamong ito ay nakabatay lang sa kathang-isip ni Advincula.

Anuman ang totoong dahilan, klaro na kailangang magpaliwanag ng PNP-CIDG dito. Pinanghahawakan namin ang pangako ni DOJ Secretary Me­nardo Guevarra na titiyakin niyang magiging maayos at patas ang proseso ng preliminary investigation. At mala­king bahagi ng patas na laban ay ang pagsunod sa patakaran na ang buong ebidensiya, ang buong kuwento ay kailangang ihain ng PNP-CIDG.

At sa kasalukuyan, totoo namang napa­kagulo na ng kuwento na ibinebenta ni Advincula at ng PNP-CIDG.

May dalawa nang magkaibang salaysay ang sinumpaan nitong si Advincula, na ma­daming kontradiksyon at pagsasalungat sa isa’t isa. Ang una ay ang salaysay na ginawa niya habang nasa kamay siya ng PNP-CIDG, tawagin natin itong ‘Albayalde affidavit’.

Ang pangalawa ay ang sinampa sa DOJ, na inamin na ng OSG na bahagi sila sa paggawa, tawagin natin itong ‘Calida affidavit’. At noong isang araw lang, nagsalita ang tumatayong abogado ni Advincula, si Larry Gadon, na meron pa silang balak gumawa ng isa pang ‘supplemental affidavit’, tawagin natin itong ‘Gadon affidavit’.

Ano ba talaga ang totoong kuwento, nasa “Albayalde affidavit,” “Calida affidavit,” o “Gadon affidavit?” Nakakahilo na sa dami ng iba-ibang kuwento nitong si Bikoy.

May isang malinaw na prinsipyo sa batas: ang isang testigo na nagsinungaling sa isang bagay ay malamang nagsinungaling din sa iba. Kung ang paiba-ibang kuwento lamang ni Bikoy ang tanging batayan ng PNP-CIDG sa reklamong ito, talagang marupok ang kanilang kaso.

Pero baka naman kasi hindi matibay at legal na kaso ang nais abutin ng buong prosesong ito kundi pulitikal na paninira na naman kay VP Leni.

Mula sa bibig na mismo ni G. Gadon nanggaling na nakikita niyang impeachment ang kahihinatnan nitong lahat. Baka nga yan ang maitim na balak na nasa likod ng lahat ng ito.
Subaybayan at bantayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *