Latay ni super typhoon Rolly

Nakalulungkot ang mga dumarating na balita mula sa Bicol ilang araw matapos itong daanan ng bagyong Rolly.

The post Latay ni super typhoon Rolly first appeared on Abante.

latay ni super typhoon rolly - Latay ni super typhoon Rolly
Senator Ralph Recto Usapang Barako 17 3 - Latay ni super typhoon Rolly

Nakalulungkot ang mga dumarating na balita mula sa Bicol ilang araw matapos itong daanan ng bagyong Rolly.

Huli at mabagal ang dating ng balita sa atin dahil pinutol ni Rolly ang kuryente at linya ng komunikasyon sa Bicol Region.

Sa paunang impormasyon mula sa pamahalaan at local government sa Bicol, malaking pinsala ang tinamo ng Bicol Region sa imprastraktura, agrikultura at mga kabahayan.

Malawak pa rin ang lugar doon na lubog sa baha, at iyong mga lugar na lumitaw na sa baha ay nakabaon naman sa putik at lahar.

Naging maagap ang lokal na opisyal sa Bicol kaya’t naisagawa nang maaga ang pag-evacuate sa mga residenteng nakatira sa peligrong lugar. Dahil dyan, kaunti lang ang naiulat na namatay sa kabila ng malakas na hagupit ng bagyong umabot sa Signal No. 5.

May ulat na ilan sa mga eskwelahang ginamit na evacuation center ay tinanggalan rin ng bubong at inilubog sa baha ng bagyo.

Iniulat ng Department of Agriculture na P1.75 bilyon ang inisyal na pagtataya nila sa danyos na ginawa ni Rolly sa pananim sa Bicol. Kung pagsasama-samahin ang danyos sa sektor ng agrikultura mula sa magkakasunod na bagyong Pepito, Quinta at Rolly, aabot ito sa P4.1 bilyon.

Kawawa ang mga magsasaka natin. Hindi pa nakakabangon sa pagkaluging gawa ng pandemya sa kanilang kabuhayan, heto at sunod-sunod na hagupit ang naranasan nila sa mga bagyo.

Ayon sa Department of Public Works and Highways, umabot sa P5.6 bilyon ang pinsalang dinulot ni Rolly sa mga dinaanang lalawigan. Malaking bulto nito o P4.5 bilyon ay pinsala sa Bicol Region.

Hirap pasukin ng mga grupo ng rescue at relief operations ang Catanduanes dahil binarahan ng mga nagbagsakang puno at poste, lahar at baha ang mga kalsada nito. Halos 90% ng mga poste ng kuryente doon ang itinumba sa lakas ng hangin ng bagyo.

Inireklamo ng mga Bikolano ang quarrying na ginagawa sa paligid ng bulkang Mayon kung bakit rumagasa ang putik at bato sa kanilang mga lugar.

Hindi rin nakaligtas kay Rolly ang Quezon, Laguna at Batangas na nangangailangan rin ng tulong. Itong mga lugar na ito rin ang nabiktima ni Quinta.

Alam na natin ang mga problema at kalalabasang resulta nito tuwing may dumarating na kalamidad sa bansa.

Alam natin na tuwing may bagyo, maaapektuhan ang mga nakatira sa coastal areas, creek at ilog sa sandaling lumakas ang hangin at bumuhos ang ulan.

Alam natin na dadalhin ang mga ililikas na residente sa evacuation centers na karamihan ay mga eskwelahan pa rin.

Alam natin na masisira ang mga pananim ng magsasaka.

Nasa atin ang mga datos na ito ng nakaraang kalamidad. Gamitin natin ito upang paghandaan ang mga paparating na kalamidad.

Maaari nating pagsanibin ang karanasan at science upang magawa nating disaster-resilient ang mga probinsya.

Maiiwasan ang disgrasya sa buhay at danyos sa kabuhayan kung ipagbabawal ang pagtira sa mga danger zones tulad ng coastal areas, creek at paanan ng bundok.

Kung palagiang nasasalanta ng bagyo ang mga pananim ng magsasaka, gawin nating abot kamay nila ang crop insurance.

At ang matagal na nating panukala na simulan at palawakin ang pagtatayo ng multi-purpose evacuation center na kayang labanan ang lakas ng super typhoon at nakaangat upang hindi basta abutin ng baha. Multi-purpose dahil kung maganda ang panahon, pwede itong magamit sa mga pagpupulong at paglulunsad ng proyekto ng mga lokal na pamahalaan.

Paboritong daanan ng bagyo ang ating bansa. Hindi natin kayang baguhin iyan, subalit kaya nating paghandaan at i-menos ang pinsala sa pamamagitan ng maagang pagpaplano at pagsasagawa ng mga proyektong nakalaan upang gawing disaster-resilient ang Pilipinas.

The post Latay ni super typhoon Rolly first appeared on Abante.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *