#LabanLeni

Noong nakaraang Sabado, pinagkuwentuhan natin ang Community Learning Hub na programang nakalaan para sa mga mag-aaral mula sa pinakamahihirap na komunidad. Patuloy ang pagbubukas natin sa iba’t ibang lugar, at walang tigil ang pag-iikot hindi lang ng mga kasamahan namin sa Tanggapan, kung hindi pati mismo si VP Leni Robredo. Maliban sa mga ito, marami pang ibang proyektong kinakailangang bisitahin at kamustahin para masiguradong patuloy itong nakatutulong sa ating mga kababayan.

The post #LabanLeni first appeared on Abante.

labanleni - #LabanLeni
Barry Gutierrez Usapang Barrykada 16 6 - #LabanLeni

Noong nakaraang Sabado, pinagkuwentuhan natin ang Community Learning Hub na programang nakalaan para sa mga mag-aaral mula sa pinakamahihirap na komunidad. Patuloy ang pagbubukas natin sa iba’t ibang lugar, at walang tigil ang pag-iikot hindi lang ng mga kasamahan namin sa Tanggapan, kung hindi pati mismo si VP Leni Robredo. Maliban sa mga ito, marami pang ibang proyektong kinakailangang bisitahin at kamustahin para masiguradong patuloy itong nakatutulong sa ating mga kababayan.

Kaya naman hindi nakapagtatakang maging laman ng balita ngayong linggo ang pag-home quarantine ni VP Leni at ilang mga staff. Kinailangan itong gawin habang naghihintay ng swab test results matapos nilang makasalamuha ang isang pasyenteng COVID-positive. Tila isa itong bagay na mahirap iwasan lalo pa’t napakaraming trabahong kailangang pagtuunan ng pansin dahil napakarami nating mga kababayang nangangailangan ng tulong. Lalo ngayon na halos magwa-walong buwan na tayong nakikipagsapalaran sa pandemya, wala tayong panahong magmabagal pagdating sa pag-abot ng ayuda sa kapwa.

Dito ako lalong humanga kay VP Leni. Napakalaki ng panganib na nakaabang sa tuwing bibista sa mga komunidad, o iyong araw-araw na pakikipagpulong sa iba’t ibang mga partners. Pero nang magsimula tayo sa laban ng pandemya noong Marso, ni minsan hindi namin nakitaan ng pag-aalinlangan ang ating Bise Presidente. Araw-araw, kahit walang pahinga, patuloy niyang pinag-aaralan, patuloy siyang nakikipag-usap para siguraduhing maiaabot ang mga kailangang tulong ng nasa pinakamalalayo, pinakamaliliit, at pinakamahihirap na bayan.

Nitong linggo ng home quarantine ni VP Leni, asa bahay man, tuloy ang mga turnover at mga mahahalagang pulong sa mga programang para sa kabataan, sa ating Bayanihan Mart, livelihood programs at iba pa. Hindi ininda ang pangamba: Patuloy lang ang trabaho. Walang “down time” kumbaga, dahil wala ring “down time” ang pandemya.

Matapos ang ilang araw, lumabas ang resulta ng negative sa swab test ni VP Leni at ang mga staff. Agad-agad, diretso ang ating Bise Presidente sa mga kababaihan ng Angat Buhay: Workshop for Aspiring Women Entrepreneurs na parang walang nangyari.

Linggu-linggo nagkukuwentuhan tayo ng mga mahahalagang isyu sa ating bayan, at kung paano magiging parte ng solusyon ang Tanggapan, sa pamumuno ni VP Leni, at mga partners nito. Hindi natin madalas napapansin ang pambihirang panganib na kinakaharap nila sa araw-araw na paglabas ng bahay at pagpunta sa opisina, pakikisalimuha sa iba’t ibang mga kinatawan ng pampubliko at pribadong sektor, at pagbisita sa mga komunidad na nangangailangan. Hindi natin kita ang peligro, pero nandiyan ito.

Ngunit sa kabila ng banta ng COVID19 sa kanilang mga kalusugan, nanaig pa rin ang lakas ng loob, pag-asa, at pagmamahal sa bayan. Ganyan ang lider na kailangan natin hindi lang sa panahon ng pandemya, kung hindi sa bawat segundong may Pilipino pa ring naghihirap at namamatay sa gutom.

Kaya kung ang hashtag na #LabanLeni man ay nagsimula noon pang eleksyon at may ibang bitbit na mensahe, nadagdagan ito ng ibig sabihin para sa akin. Ngayong pandemya, nakita ko kung gaano siya katapang sa harap ng mabigat na pagsubok. At ngayong pandemya ko rin uli nadama ang nag-uumapaw na pagmamalaki sa isang lider na tulad ni VP Leni, na patuloy at walang pag-aalinlangang inuuna ang bayan bago ang kanyang sarili.

The post #LabanLeni first appeared on Abante.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *