Kuwinsentenaryo: Pagdiriwang ng sinaunang kultura

Isang taon na ang nakalilipas, Disyembre 21, 2018, nang i­lunsad ang pagdiriwang ng ika-500 taon (kuwinsentenaryo) ng tagum­pay ni Lapu-Lapu at ng Mactan na gaganapin sa Abril 27, 2021 sa National Historical Commission of the Philippines. Naging katuwang sa paglulunsad ang national costume ni Miss Universe 2018 Catriona Elisa Magnayon Gray na nagpapakita ng disenyo ng mga tattoo ng ating mga ninunong mandirigma o mangangayaw mula sa dokumentong 1593 na Boxer Codex.

kuwinsentenaryo pagdiriwang ng sinaunang kultura - Kuwinsentenaryo: Pagdiriwang ng sinaunang kultura
Xiao Chua Xiao Time 6 - Kuwinsentenaryo: Pagdiriwang ng sinaunang kultura

Isang taon na ang nakalilipas, Disyembre 21, 2018, nang i­lunsad ang pagdiriwang ng ika-500 taon (kuwinsentenaryo) ng tagum­pay ni Lapu-Lapu at ng Mactan na gaganapin sa Abril 27, 2021 sa National Historical Commission of the Philippines. Naging katuwang sa paglulunsad ang national costume ni Miss Universe 2018 Catriona Elisa Magnayon Gray na nagpapakita ng disenyo ng mga tattoo ng ating mga ninunong mandirigma o mangangayaw mula sa dokumentong 1593 na Boxer Codex.

Sa Disyembre 14, 2019, Sabado, magaganap naman ang 500-day countdown patungo sa paggunita natin ng kuwinsentenaryo. Sa ganap na 6:00 PM, sabay-sabay na iilawan ang iba’t ibang mga monumento, plaza at mga pampublikong gusali sa buong Pilipinas.

Matapos nito, sabay-sabay na pag-awit ng ‘Bagani’, opisyal na awit ng Kuwinsentenaryo na isinulat ni Roel Rostata at inayos at pinrodyus ni Jungee Marcelo. Ang awitin ay napili sa Philpop Bootcamps 2019 na pinangunahan mismo ni National Artist Ryan Cayabyab.

Matapos nito, tatlong lokasyon ang magkakaroon ng bonggang palabas. Ang Malacañang ang mangunguna sa pinakamagarbo at pinakasentral na prog­rama sa Hoops Dome, Lungsod ng Lapu-Lapu. Pinamagatang ‘Manga­yaw: Libutin ang Mundo ng Ating mga Ninuno’ sa panulat ni Floy Quintos at sa direksyon ni Lutgardo Labad, ipakikita sa musika, sayaw at sa pagpapahayag sa Wikang Filipino at iba’t ibang wika sa Kabisa­yaan ang ating kultura sa paglalayag, pakikipagkalakalan, pakikidigma, kultura at pananampalataya na naabutan nina Magellan. Ipakikilala ang ilang konseptong matagal nang pinag-uusapan ng mga histor­yador ng Pantayong Pananaw: Pangayaw (pakikidigmang pandagat), dungan (willpower), sandugo, pagdumala at mga babaylan, anito at nuno.

Sa Davao City Hall Grounds naman gaganapin ang isang kasabay na programa na pinamagatang ‘Mindanao: Unconquered’ sa panulat ni Vida Mia Valverde at sa direksyon ni Emi Englis/Harold Quibete. Ipapakita ang kalinangan ng mga mamamayan na hindi nasakop ng mga Espanyol. Magpopokus ito sa labing-isang etnikong grupo na nasa Davao at ipagdiriwang din sa ‘kanduri’ o ang pagsasalo-salo ng mga katutubo, Muslim at Kristiyano.

Sa National Museum of Natural History sa Maynila na pangungunahan naman ng Pamahalaang Panlungsod ng Maynila, magaganap ang palabas na ‘Sinong Bayani’ sa panulat ni Froilan Medina at direksyon ni Maribel Legarda. Isasalaysay dito ang paglalakbay ng isang estudyanteng nagngangalang Diego upang tuklasin ang kadakilaan ng kultura ng ating mga ninuno, at makikilala niya rin ang mga bayaning sina Lapu-Lapu at Rizal na ipakikilala naman sa kanya ang iba pang mga bayaning nakipaglaban para sa ating kalayaan.

Matapos ang Kasaysayan ng Lahi noong 1974, at ang Parada para sa Pambansang Sentenaryo ng Kala­yaan noong 1998, ito na marahil ang pinakama­laking pagkukuwento ng ating kasaysayan sa pamamagitan ng mga palabas sa paggabay ng mga historyador na sina Drs. Vic Villan, Earl Jude Cleope, Rolando Borrinaga at Jobers Bersales. Kapana-panabik! #PH500 #VictoryAndHumanity

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *