Kahalagahan ng regular na pagkatuto ng mga guro

Ang mahusay na pagtuturo ng guro ay nakadepende sa pinakamabisang paraan para maibahagi ang kaalaman at impormasyon sa kanyang mga mag-aaral.

kahalagahan ng regular na pagkatuto ng mga guro - Kahalagahan ng regular na pagkatuto ng mga guro
Abante Win Gatchalian Win sa Edukasyon - Kahalagahan ng regular na pagkatuto ng mga guro

Ang mahusay na pagtuturo ng guro ay nakadepende sa pinakamabisang paraan para maibahagi ang kaalaman at impormasyon sa kanyang mga mag-aaral.

Ito ay isang kasanayan na kinakailangan ng tuloy-tuloy na paghahasa, paglinang at pangangalaga. At upang madiskubre pa lalo ng mga teachers ang kanilang potensyal,dapat silang mabigyan ng oportunidad na makita at gamitin ito.

Sa mga nangyaya­ring magandang pagbabago sa sistema ng edukasyon sa bansa ngayon, mahalaga na maging upda­ted ang ating mga tea­chers sa mga makabago at mas mabisang pamamaraan ng pagtuturo upang mas maipasa nila ito sa kanilang mga estudyante.

Dapat ay tugma at nakikisabay ang paglinang ng kanilang kaalaman at ang napapanahong pa­ngangailangan ng ating kabataan, lipunan at bansa, tulad halimbawa ng science at techno­logy. Sa madaling salita, kailangang magtuloy-tuloy ang edukasyon ng ating mga guro.

Sa ngayon, wala pa po tayong anumang libreng prog­rama para sa patuloy na pagkatuto ng ating mga guro sa bansa. Ang nangyayari kasi, nagi­ging kanya-kanya na lamang ng diskarte kung nais nilang lumawak, lumalim at maging updated ang kanilang kasanayan at edukasyon para sa mas epektibong paraan ng pagtuturo para sa mga estudyante.

Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, isa sa ating ipinaglalaban ay ang Senate Bill No. 367 o ang The Continuing Education for Teachers Act. Dito, itataguyod ang mandatory continuing education para sa mga ele­mentary at high school teachers ng pribado at pampublikong paaralan na makatutulong sa pagpapabuti at pagpapayaman ng kanilang kasanayan sa pagtuturo.

Sakop ng nasabing panukala ang hindi bababa sa 24 oras kada taon o walong oras kada linggo na pagdalo ng mga guro sa mga mandatory continuing education activities kung saan saklaw nito ang mga paksang professional education, general education at teaching methods sa kanilang specialization.

Kapag naisabatas, pangungunahan ng Department of Education (DepEd) ang pagsasagawa ng isang Executive Committee na magiging responsable sa implementasyon ng nasabing programa. P100 mil­yon ang ilalaan na budget para sa paunang implementasyon nito na magmumula sa pondo ng DepEd kada taon.

Sa kabila ng mga pagsubok na kanilang kahaharapin, umaasa tayong unti-unti silang napapakinggan at nagagawan ng paraan ng gobyerno na matugunan ang kanilang mga pa­ngangailangan sa pagpapabuti ng kanilang propesyon. Hindi lamang ito makakatulong sa kanilang kapakanan, kundi may epekto rin ito sa edukasyon at kinabukasan ng mga mag-aaral.

Naniniwala tayo na ngayong taon, mapapa­lakas ang tuloy-tuloy na pagkatuto ng ating mga guro sa pamamagitan ng pagsasabatas ng The Continuing Education for Teachers Act.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *