Ibalik ang pampublikong kalye sa mga tao!

Tiyak na naranasan na ninyo na habang naglalakad kayo sa kalye ay wala kayong madaanan na bangketa dahil okupado ng kung ano-anong istruktura, kalimitan ay mga tindahan at maya’t maya ay muntikan ka­yong mahagip ng motorsiklo at ibang sasakyan.

ibalik ang pampublikong kalye sa mga tao - Ibalik ang pampublikong kalye sa mga tao!
Mediaman martin andanar - Ibalik ang pampublikong kalye sa mga tao!

MEDIAMAN
Sec. Martin Andanar

Tiyak na naranasan na ninyo na habang naglalakad kayo sa kalye ay wala kayong madaanan na bangketa dahil okupado ng kung ano-anong istruktura, kalimitan ay mga tindahan at maya’t maya ay muntikan ka­yong mahagip ng motorsiklo at ibang sasakyan.

Kung nagmamaneho naman kayo, magugulat na lang kayo na pagpasok ninyo sa isang kalye lalo na kung hindi ninyo kabisado ay may nakatayong kung ano sa gitna mismo nito, o kaya ay ginawang parking space ng mga tagaroon kaya pahirapan ang makalusot.

Ang sitwasyong ito ay binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang SONA noong Hulyo 22. At dahil napundi na siya, deklara ng Pangulo: “Reclaim all public roads that are being used for private ends!”

Inatasan niya si DILG Secretary Eduardo Año na tiyakin na maisasagawa ito—at kung may papalag na mayor o governor—suspindihin!

Binanggit ng Pangulo sa SONA na nasa P3.5 bilyon ang nawawala sa ating ekonomiya dahil sa tindi ng trapik sa Metro Manila.

Mahalaga ang mga kalyeng ito para sa ri­ding public. Pero dahil karamihan nga sa mga ito ay ginawa nang parking lot, basketball court, peryahan, etc., at naging kaharian na ng mga vendor, hindi napapakinabangan. Eh, sino kaya ang nakikinabang?

Malaking bagay rin ito para gumaan ang daloy ng trapiko habang tinatapos ang Skyway projects.

At dahil si Pangulong Duterte na mismo ang nag-utos, sumunod agad ang Metro Manila mayors. Hulyo 25 ay nakipagdayalogo sila sa DILG at MMDA at nangakong lilinisin ang mga kalyeng ginagamit sa pribadong paraan sa loob ng 60 araw.

Maglalabas ng memorandum ang DILG na magiging basehan kung paano susundin ang utos ni Pangulong Duterte. Sinabihan din ang mga mayor na gumawa ng imbentaryo para matukoy ang mga mga bangketa at kalye na okupado ng mga vendor at may mga iligal na istruktura, at rebisahin ang kanilang mga ordinansa para ang mga ganitong obstruction ay maipagbawal lalo na kung rush hour. Ang imbentaryo ay dapat na isumite sa DILG.

Ang pagmamando sa trapiko ay mananatiling nasa poder ng MMDA at suporta lang ang DILG.

Para sa MMDA, dapat unahing linisin ang national roads at Mabuhay lanes bago ang side streets. Bawal na rin ang mag-park sa kalye, at gawin na lang paradahan ang mga bakanteng espasyo para sa mga motoristang walang garahe.

Hanggang Setyembre ang deadline ng DILG sa mga mayor. Naku, tamang-tama po ito dahil naghihintay na si Jose Mari Chan. Sa tindi ng trapik ‘pag malapit na ang Pasko, ‘sus ko po… kung ‘di ito inaksyunan ng Pa­ngulo ay baka araw-araw na may carmageddon pagsapit ng ‘ber’ months.

At kaya naman talagang gawin. Kung si Manila Ma­yor Isko ay nagawa, bakit hindi rin ang ibang mayor? May ilan lang talagang LGU na kailangan pang sabunin ng Pangulo bago tumayo sa kanilang upuan.

Samantala, gusto kong i-congratulate si Executive Secretary Salvador Medialdea. Nakatanggap kasi ng ‘record-high’ net satisfaction rating ang Duterte Cabinet batay sa inilabas na survey ng Social Weather Stations noong Hulyo 23.

Ang second quarter 2019 SWS survey na isinagawa mula Hunyo 22-26 ay nagpapakita na ang satisfaction rating ng gabinete ay tumaas mula sa ‘good’ patungong ‘very good’. Kung noong Marso 2019 ay nasa +44 ang rating, naitala ito sa new record-high na +51 nitong Hunyo 2019.

Ayon sa SWS, ang dagdag na pitong puntos sa overall net satisfaction rating ng gabinete ay dahil gumanda ang kanilang performance sa halos lahat ng bahagi ng bansa na makikita sa mga numerong ito: 12 points sa Mindanao, 11 points sa Metro Manila, 5 points sa Visayas, at 4 points sa Ba­lance Luzon.

Tumaas ito sa good to very good sa Mindanao, na mula +38 noong Marso ay naging +50 noong Hunyo.

Naging moderate to good sa Metro Manila, na mula +25 noong Marso ay na­ging +36 noong Hunyo.

Nanatiling very good sa Visayas na mula sa +50 noong Marso ay naging +55 pagsapit ng Hunyo.

Sa Balance Luzon ay nanatili ring very good. Tumaas mula +51 noong Marso at naging +55 noong Hunyo.

Mataas din ang rating ng gabinete na good to very good sa mga rural area; +46 noong Marso na na­ging +58 pagsapit ng Hunyo.

Nanatili namang good sa urban areas na bahag­yang tumaas mula +42 noong Marso na naging +43 noong Hunyo.

Nangyari ang ‘record-high’ net satisfaction rating na ito ng gabinete sa ilalim ng liderato at pagtitimon ng ating napakahusay na executive secretary. Boss Bingbong, ibang klase ka talagang mamuno sa iyong mga kasamahan, at kuhang-kuha mo ang sipag at energy na requirement ng ating Pangulo para sa mga katuwang niya sa pag­lilingkod sa ating mga kapwa Pilipino. Alam kong mas gaganda pa ang mga numerong iyan dahil buong gabinete talaga ang kumikilos at nagtatrabaho para masabayan ang napakataas na rating ng ating Pangulo. Working President, working Cabinet.

Mga ka-Abante, may part 2 ang ‘Trending sa 2022’. Dumarami ang presidentiables, at ibabahagi ko iyan sa inyo sa susunod.

Have a great week ahead!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *