Hit and run sa karagatan

Sa mga nakaraang linggo, walang tigil ang usapan tungkol sa paglubog ng F/B Gem-Ver, isang barkong dala ng 22 mangingisda mula sa bayan ng San Jose, Negros Occidental.

The post Hit and run sa karagatan appeared first on Abante News Online.

hit and run sa karagatan - Hit and run sa karagatan
BARRY GUTIERREZ - Hit and run sa karagatan

Sa mga nakaraang linggo, walang tigil ang usapan tungkol sa paglubog ng F/B Gem-Ver, isang barkong dala ng 22 mangingisda mula sa bayan ng San Jose, Negros Occidental.

Hatinggabi ng Hunyo 9, habang naka-angkla ang Gem-Ver malapit sa may Recto Bank, binangga ito ng Yuemaobinyu 42212, isang barkong Tsino. Matapos ang pagbangga, umalis agad ang Yuemaobinyu 42212, at iniwan ang 22 mangingisda na sakay ng Gem-Ver na lumulutang sa dagat.

Pagkatapos ng mahigit isang oras, may nakitang malayong ilaw ang mga mangingisda, at pinapunta ng kanilang kapitan, si Junel Insigne, ang dalawa niyang kasama patungo dito. Sa kabutihang palad, natuklasan nila na ito’y galing sa isang barkong Vietnamese, at sila’y agad tinulungan. Kundi dahil sa barkong ito, malamang hindi na nailigtas ang mga taga-Gem-Ver.

Walang tumatanggi sa katotohanan ng mga detalyeng ito. Mismong Embahada ng Tsina ay naglabas ng pahayag na nagsasabing binangga ng isang barko nila ang Gem-Ver — sila pa mismo ang nagbigay ng pangalan ng nasabing barko, ang Yuemaobinyu 42212 — at iniwan nito ang mga Pilipinong mangingisda na nadisgrasya dahil sa banggaang ito.

Kaya’t talagang nakapagtataka kung bakit napakahaba pa ng diskusyon tungkol sa “ano ba talaga ang nangyari?” Sa pang-araw-araw na buhay, ang pagbangga sa Gem-Ver ay maaa­ring ihalintulad sa pagbangga ng isang umaarangkadang trak sa isang nakaparadang kotse, na, matapos ang banggaan, tinakbuhan ng trak ang kanyang mga napinsala. Ang tawag natin diyan, ‘hit and run’.

Malinaw na ito ang ginawa ng barkong Tsina sa Gem-Ver.

Hindi katakataka na merong inaalok na paliwanag ang Tsina sa kanilang naging pahayag. Una, binangga raw ng Yuemaobinyu 42212 ang Gem-Ver dahil bahagi ito sa isang ‘grupo ng barko’ na ‘ginigipit’ ang barkong Tsina. Pangalawa, hindi raw sila tumulong sa mga napinsalang mangingisda dahil natatakot sila sa mga ‘barkong nanggigipit’.

Tingnan natin nang mas mabuti ang dalawang pahayag na iyan. Una, ang kuwentong ‘ginigipit’ sila ng isang grupo ng mga barko ay hindi suportado ng anumang testimonya o ebidensiya. Ayon sa datos mula sa satellite imaging, walang ibang barko na malapit sa Gem-Ver at Yuemaobinyu 42212 sa oras ng banggaan. Walang ‘grupo ng barko’ na malapit sa barkong Tsina.

Suportado rin ang datos na ito ng pahayag ng mga nasa barkong Vietna­mese at ng mismong mga Pilipinong mangingisda ng Gem-Ver. Wala silang nakitang ibang mga barko sa lugar noong nangyari ang banggaan.

Dahil dito, malinaw na wala ring dahilan kung bakit hindi tinulungan ng Yuemaobinyu 42212 ang mga napinsala nitong mangingisda. Sa ilalim ng batas ng Pilipinas pati na rin sa international law, may obligasyon ang bawat barko na magbigay ng tulong sa mga napinsala sa dagat. Mabigat na tungkulin ito, dahil buhay ang nakasalalay dito. Sa kasong ito, kundi lang sa kabutihang palad na may malapit na barkong Vietnamese, malamang natuluyan na sa disgras­ya ang 22 Pilipinong ma­ngingisda na iniwan ng Yuemaobinyu 42212.

At huwag pa natin kalimutan, bukod sa ating mga kababayan ang napinsala, nangyari pa ito sa loob mismo ng ating sariling karagatan. Dagat kung saan walang karapatan mangisda ang barkong Tsina. Pumasok na nga nang walang pahintulot sa ating bakuran, pininsala pa at halos mapatay ang ating kababayan, at may lakas pa ng loob na ang nadisgrasyang Pilipino ang sisihin? Ibang klase rin.

Klaro ang kuwento, klaro kung kanino ang kasalanan. Ang tanong, bakit hanggang ngayon, halos isang buwan na matapos ang pangyayari, wala pa ring maayos na hakbang na ginagawa ang gobyerno para ipag­laban ang ating mga kababayang mangingisda? Bakit sa halip na tapang at malasakit ang ipinapamalas, tila’y palusot at paliwanag, para pa sa Tsina, ang laging nagiging bukambibig?

Ang mas mahalagang tanong: Makikita pa ba nating titindig ang ating gobyerno para sa ating interes? Na ang gobyerno ng Pilipinas ay kikilos para sa Pilipino sa usaping ito? Abangan at subaybayan.

The post Hit and run sa karagatan appeared first on Abante News Online.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *