Hindi dapat iasa lang sa gobyerno ang dengue

Hindi kaila sa lahat na halos alarmado na ang iba’t ibang lalawigan sa buong bansa dahil sa dami na ng namamatay dahil sa dengue at kung ano-ano na nga ang naiisip ng pamahalaan para iresolba ang problemang ito.

hindi dapat iasa lang sa gobyerno ang dengue - Hindi dapat iasa lang sa gobyerno ang dengue
Abante Strike Revilla Strike sa Trabaho - Hindi dapat iasa lang sa gobyerno ang dengue

Hindi kaila sa lahat na halos alarmado na ang iba’t ibang lalawigan sa buong bansa dahil sa dami na ng namamatay dahil sa dengue at kung ano-ano na nga ang naiisip ng pamahalaan para iresolba ang problemang ito.

Maging ang napakakontrobersiyal na Dengvaxia na hindi pa nareresolba ang usapin dahil sa inaakusahang naging sanhi ng kamatayan ng maraming bata na naturukan nito ay muling nabuhay ang suhestiyon na muling gamitin.

Ibig sabihin humantong na tayo sa sitwasyon na kailangan na talaga nating tugunan ang problemang ito na hindi lang lumalala kung hindi nagiging katatakutan na sa marami lalo na ang mga nakakagat ng lamok.

Sa amin sa Cavite ay isinailalim na rin sa state of cala­mity ang buong lalawigan dahil sa umabot na sa 4,225 ang naitalang kaso ng dengue at 22 na ang namamatay at posibleng dumami pa kung hindi maaagapan sa lalong madaling panahon.

Ang Cavite na pinamamahayan ng mahigit sa 3.6 milyong katao ang may pinakamataas na kaso ng dengue sa buong Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) na lubhang kailangan na ng matinding atensiyon.

Katunayan, literal na umaapaw na hanggang hallways ng General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital sa Trece Martires City ang may 15 hanggang 20 pasyente na isinusugod araw-araw dahil sa dengue.

At ang masaklap pa, taun-taon itong nangyayari at tila paulit-ulit lang ang sitwasyon dahil hindi naman natututo ang mga tao kung paano ito ireresolba at palaging iniaasa sa gobyerno ang lahat.

Sa totoo lang, nagkukumahog na ang pamahalaan kung paano tutugunan ang problemang ito kaya nga nagdeklara na ng outbreak hindi lamang para mapadali ang paglalabas ng pondo kung hindi para mapabilis ang pagbibigay ng solusyon.

Kasalukuyan na ngang sinusuyod ng mga maykapangyarihan ang mga lugar upang matukoy kung alin sa mga ito ang pinamumugaran ng mga lamok na sanhi ng pagkalat ng dengue at kanila itong sinisira o nililinis.

Kaso palagi tayong ganito, ang gobyerno ang natataranta kung paano wawasakin o lilinisin ang kolonya ng mga lamok para mapigilan ang pagdami pa ng biktima ng dengue.

Madalas pa nga ay nasisisi pa ang pamahalaan kapag hindi agad naagapan ang pagdami ng kaso ng dengue lalo pa ng kung tumataas na ang bilang ng mga namamatay.

Pero ang katotohanan, marami lang kasi sa mga kababayan natin ang pabaya, balahura sa kapaligiran at walang pakialam kung pamahayan man ng lamok ang mga nakaimbak na tubig gayung alam naman nilang delikado ito.

Naiisip lang ng ilan sa ating mga kababayan na maglinis kapag may nagkakasakit na, kaya sana lang gawin nating pag-araw-araw ang kalinisan para hindi na tayo humantong sa trahedya at magsisi sa huli.

Alam na naman nating lahat kung paano sugpuin ang pagdami ng lamok pero binabalewala natin, kaya pakiusap lang, ang simpleng regular na paglilinis sa inyong kapaligiran ay isang napakalaking tulong na para hindi na maulit ang trahedya ng dengue.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *