Halaga ng Party-List Sa Demokrasya

Muli pong binubuhay ngayon ang Cha-Cha para amyendahan ang ating Konstitusyon, partikular na ang pagtatanggal sa party list system.

The post Halaga ng Party-List Sa Demokrasya first appeared on Abante.

halaga ng party list sa demokrasya - Halaga ng Party-List Sa Demokrasya
EDITORIAL LOGO MR TRABAHO Joel Villanueva 1 - Halaga ng Party-List Sa Demokrasya

Muli pong binubuhay ngayon ang Cha-Cha para amyendahan ang ating Konstitusyon, partikular na ang pagtatanggal sa party list system.

Kapag natuloy po ang Cha-Cha, maaapektuhan ang malinaw na probisyon sa ating Saligang Batas ng 1987 na dapat ay may mga kinatawan mula sa mga party list na binubuo ng dalawampung porsyento (20%) ng lahat ng mga miyembro ng mababang kapulungan ng Kongreso.

Binigyang daan po ng Republic Act No. 7941 ang kauna-unahang halalan para sa mga party list noong taong 1998 kung saan 123 mga party list ang lumahok.

Dahil po sa party list system, nabigyan ng pagkakataon ang sektor ng mga manggagawa, magsasaka, mahirap na taga-lungsod, mga katutubong pamayanang pangkalinangan, mga kababaihan, at kabataan na magkaroon ng direktang partisipasyon sa pag-ukit ng mga batas.

Ito po’y mahalagang esensya ng demokrasya kung saan nabibigyan ng pantay na boses ang mga dukha at mga sektor ng ating lipunan na hindi makapaggiit ng kanilang mga interes dahil maliit ang kanilang bilang o tila halos wala silang kakayanang makagawa ng mga hakbang para isulong ang kanilang mga adhikain.

Isa na po rito ang ating party list CIBAC (Citizens’ Battle Against Corruption) na unang nagkaroon ng representasyon sa Kongreso noong 12th Congress, taong 2002.

Hindi po mapasusubalian ang track record ng CIBAC sa nagdaang halos dalawang dekada ng paglilingkod sa ating mga kababayang naghahangad na mabigyang solusyon ang katiwalian hindi lang sa gobyerno kundi sa lahat ng sulok ng ating lipunan.

Isa po sa mahahalagang batas na isinulong ng ating party list CIBAC ang Republic Act No. 9485 o ang Anti-Red Tape Act of 2007.

Malaki po ang nagawa ng batas na ito upang mas mapabilis at gawing mas episyente ang mga frontline service o mga pangunahing transaksiyon sa iba’t ibang opisina at sangay ng gobyerno.

Itinaguyod po ng naturang batas ang paglalagay ng “citizen’s charter” sa lahat ng mga ahensya, kasama na ang mga lokal na pamahalaan, kung saan makikita ang mga hakbang kung paano makakukuha ng serbisyo, ang pangalan ng mga kawaning mag-aasikaso, ang oras na gugugulin, kinakailangang mga dokumento, halaga ng mga babayaran kung mayroon man at maging ang proseso sa pagsumite ng mga hinaing.

Importante po ito para maiwasan ang “red tape” at ang mga di-awtorisadong pamamaraan at mga bayarin na sanhi ng palakasan, padrino, o “fixing” para makakuha ng pabor o mas mapabilis ang anumang transaksyon.

Nakatatak na rin po sa ating kasaysayan kung paanong pinangunahan ng CIBAC Party List ang isang impeachment complaint laban sa pinakamataas na opisyal ng bansa noong Hulyo 2006.

Kung tutuusin nga po, ang mga party list ang nagtutulak ng mga isyung mahalaga sa lipunan na hindi gaanong napagtutuunan ng pansin ng mga mambabatas dahil madalas ay nalilimitahan sila ng mga isyu o problema sa kani-kanilang mga distrito.

Bukod sa korapsyon, ang mga usapin tungkol sa sugal, pornograpiya, pagkasira ng kalikasan, climate change, karapatan ng mga kababaihan, pagsusulong ng interes ng mga katutubo, ay ilan lang po sa mga sensitibong isyu na hindi naman kalimitang pag-uusapan kung wala ang mga party list na matiyagang nagsusulong ng mga ito sa Kongreso.

Malaki rin po ang kontribusyon ng mga party list sa pagbibigay ng direktang tulong sa ating mga kababayang “indigent” o kapos sa buhay sa pamamagitan ng mga scholarship at medical assistance program.

Mula po nang maihalal ang CIBAC sa Kongreso, daan-daang libo na po ang nakinabang sa ating scholarship at medical assistance program.

Hindi na rin po mabilang ang isinagawa nating mga medical at dental mission, gayundin ang mga relief operation sa iba’t ibang panig ng bansa bukod pa sa mga legal assistance na ibinigay natin noon sa ating mga kababayan, lalo na po sa mga OFW, na walang kakayahang kumuha ng abugado.

Bilang dating kinatawan ng CIBAC at ngayon nama’y empleyado n’yo sa Senado, nakita po natin ang mahalagang papel ng mga party list sa pagsusulong ng mga batas at pag-aangat ng antas ng demokrasya sa bansa.

Sa halip na tanggalin ay mas marapat po sigurong pag-aralan kung paanong mas mapalalakas at mapabubuti ang party list system at muling tingnan ang naging kontribusyon ng mga party list noon at hanggang ngayon bilang isa sa mga sandigan ng demokrasya sa bansa.

The post Halaga ng Party-List Sa Demokrasya first appeared on Abante.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *