Gubát (na hindi gúbat) at mga kabundukan sa Sorsogon

Noong 14-16 Hunyo 2019, nakapaglakbay ako sa Lalawigan ng Sorsogon sa unang pagkakataon.

The post Gubát (na hindi gúbat) at mga kabundukan sa Sorsogon appeared first on Abante News Online.

gubat na hindi gubat at mga kabundukan sa sorsogon - Gubát (na hindi gúbat) at mga kabundukan sa Sorsogon
Abante Xiao Chua Xiao Time - Gubát (na hindi gúbat) at mga kabundukan sa Sorsogon

Noong 14-16 Hunyo 2019, nakapaglakbay ako sa Lalawigan ng Sorsogon sa unang pagkakataon. Nagpunta kami sa Bacon sa Lungsod ng Sorsogon at sa bayan ng Barcelona (na tinalakay natin noong nakaraang linggo), at nadaanan din namin ang mga bayan ng Juban na kakikitaan ng mga lumang bahay mula pa sa panahon ng mga Espanyol ngunit napakapaganda ng pagkakapreserba; at ang bayan ng Gubat, bayan ng bayaning martir sa panahon ng diktadura at doktor sa mga barrio, Dr. Johnny Escandor. Ang salitang ‘gubát’ ay hindi nangangahulugan na lugar na maraming puno kundi sinasabi na nasa ikalawang pantig ang diin na isang lumang termino sa pagsalakay na ginagawa sa bayang ito noon ng mga taga Timog (guinobat o dinigma).

Kasama si Prop. Van Ybiernas, dinala kami ni Dr. Rene Escalante, Tagapangulo ng National Historical Commission at tubong Sorsogon din, sa Bulusan Lake, sa paanan ng Bulusan Volcano National Park, na isa sa pinaka-aktibong bulkan sa Pilipinas, ika-apat sa Bulkang Mayon, Bulkang Taal at Bulkang Kanlaon. May mga nagsasabing ang tanawin mula sa parke ng lawa at ng bulkan ay m­aituturing na ‘Switzerland of the Orient’ kahit na wala namang mga niyebe at punong pino. Hindi ko maipahayag sa salita at hindi mabigyang katuwiran ng mga larawan ang kabuuang ganda ng aktuwal na tanawin, ngunit may natatago ring mga karanasang ang mga kabundukang ito. Sapagkat dito at sa iba pang kabundukan ng Sorsogon nagkuta ang mga gerilya na pinangunahan ni Salvador Escudero noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at kumilos na tila mga malalayang mamamayan sa kabila ng pananakop ng mga Hapones sa Pilipinas noong Dekada 1940.

Ang mga kabundukan sa Pilipinas ay hindi lamang kanlungan ng mga likas na yaman kundi sisidlan ng mga kasaysayan ng pakikibaka. Bago pa dumating ang mga Espanyol, ang mga ninuno natin ay humahanap ng mga lugar na malapit sa bayan na mataas upang doon tumungo sa panahon ng kalamidad o pagsalakay. Tinawag itong mga ‘ilihan’.

Sa panahon ni Andres Bonifacio, ginaya niya ang konsepto ng mga ilihan at pumili ng mga lugar kung saan magiging lunsaran at atrasan ng mga pag-atake sa panahon ng Himagsikang 1896. Nakilala ito bilang istratehiyang ‘real’ na ‘kampo’ sa wikang Espanyol. Naging paborito ng mga nagsasagawa ng digmaang gerilya mula sa panahon ng Hapones hanggang sa panahon ng New People’s Army dahil kabisado ng mga Pilipino ang kabundukan at hindi sila basta-basta naaabot ng mga dayuhan. Gayundin, ang kabisadong pakikidigma ng mga dayuhan ay ang kumbensyunal na pakikidigma o ang pagtatayo ng mga trintsera ngunit kailangan itong gastusan at nakasalalay sa dami ng tao. Subalit ang pangungubat na gerilya, hindi magastos sapagkat ginagamit ang natural na mga katangian ng kabundukan sa pakikidigma at kayang isagawa ng iilang tao lamang.

Ang gúbat ay kanlugan ng pangngubát para sa kalayaan at kaginhawaan.

The post Gubát (na hindi gúbat) at mga kabundukan sa Sorsogon appeared first on Abante News Online.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *