Doktor Para sa Bayan Bill

Naratipikahan na po ng Senado at Kongreso ang panukalang “Doktor Para sa Bayan Bill”. Ibig sabihin, naghihintay na lamang po ito ng pirma ng ating Pangulo para tuluyan na itong maging isang ganap na batas.

The post Doktor Para sa Bayan Bill first appeared on Abante.

doktor para sa bayan bill - Doktor Para sa Bayan Bill
Joel Villanueva Mr. Trabaho 16 4 - Doktor Para sa Bayan Bill

Naratipikahan na po ng Senado at Kongreso ang panukalang “Doktor Para sa Bayan Bill”. Ibig sabihin, naghihintay na lamang po ito ng pirma ng ating Pangulo para tuluyan na itong maging isang ganap na batas.

Nakapaloob po ang panukala sa isinulong nating Senate Bill No. 1520 at sa counterpart bill nito sa mababang kapulungan na House Bill No. 6756, o “An Act Establishing a Medical Scholarship and Return Service Program for Deserving Students and Appropriating Funds Therefor”.

Isang malaking tagumpay po ito para sa ating mga manggagawa sa health sector lalo na po ngayong may pandemya. Matatandaang makailang-beses nang nanawagan ng “time-out” ang ating mga frontliners, sa pangunguna ng mga doktor, dahil halos masagad na ang kapasidad ng ating mga ospital dahil sa COVID-19.

Subalit hindi po ang pandemya ang sanhi ng kakulangan ng ating mga doktor kundi binigyang-diin lamang nito ang matagal na at malubhang problema natin sa shortage o kakulangan ng mga doktor sa bansa.

Sa ngayon, mayroon lamang po tayong 3 doktor sa kada 10,000 populasyon, malayo sa rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) na 10 doktor sa kada 10,000 katao.

Sa pag-aaral po ng UP, anim sa bawat sampung nagkakasakit na Pilipino ang hindi man lang nakakakita ng doktor lalo na po sa ating mga kanayunan. Tila hindi rin po ito nalalayo – at mas mababa pa nga kung tutuusin, sa bilang ng mga kritikal na COVID patients na hindi na nakakarating sa ating mga ospital.

Bakit nga po ba kulang na kulang tayo sa mga doktor? Hindi po dahil wala nang Pilipinong interesado sa medisina kundi dahil napakamahal po talaga ng kursong ito.

Kapag tuluyan na pong nalagdaan ng Pangulo ang “Doktor Para sa Bayan Bill”, matutupad na po natin ang pangarap ng ating mga kabataang maging doktor habang naglilingkod sa ating mga kababayan, dito mismo sa Pilipinas.

Pag-aaralin po ng libre ang mga kabataang gustong mag-medisina sa ating mga State University and Colleges o mga pribadong institusyon. Sasagutin na po ang tuition, libro, mga kagamitan, living allowance, transportation, accommodation, internship fee, medical review fee, at iba pa.

May garantisadong trabaho rin pong naghihintay sa mga iskolar sa ating mga pampublikong ospital o health facility, lalo na po sa mga komunidad na wala pang doktor. Makakakuha po agad ng plantilla position sa Department of Health ang mga bagong graduate at lisensyadong doktor.

Inaatasan din po ng ating panukala ang Commission on Higher Education, katuwang ang DOH, na magbukas ng mga School of Medicine sa mga rehiyon na wala pang ganitong mga programa.

Sa kasalukuyan, mayroon lamang pong walong SUC na nag-oofer ng medisina: University of Northern Philippines, Mariano Marcos State University, Cagayan State University, Bicol University, West Visayas State University, University of the Philippines Manila School of Health Sciences in Leyte, Mindanao State University, at University of the Philippines-Manila.

Kapag naisabatas ang “Doktor Para sa Bayan Bill”, awtomatiko na pong ibibilang ang mga kasalukuyang estudyante sa mga nabanggit na pamantasan sa ating medical scholarship.

Dahil sa ratipikasyon ng bicam report ng “Doktor Para sa Bayan Bill” at harinawa, ang agarang pagpirma rito ng ating Pangulo, binibigyan natin ng mas malaking tiyansa ang susunod na henerasyon ng mga Pilipinong manalo laban sa mga sakit o anumang pandemya.

Napakalapit po sa ating puso ng panukalang batas na ito dahil ang pagsusulong natin dito sa gitna pandemya ay nagbigay ng mas malalim na kahulugan sa pagpanaw ng aking ina na si Sister Dory Villanueva at aking kapatid na si Bocaue Mayor Joni Villanueva-Tugna nitong mga nakaraang buwan lamang.

Kaya nagpapasalamat po tayo sa ating Senate President Tito Sotto, Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Senator Grace Poe at sa lahat ng miyembro ng Senado sa kanilang di-matatawarang suporta sa Senate Bill No. 1520.

Inaasahan po natin na sa pagpirma ng Pangulo sa “Doktor Para sa Bayan Bill”, mapaglalaanan din ito agad ng pondo ng buong Kongreso para sa implementasyon nito sa susunod na taon, 2021.

senatorjoelvillanueva@yahoo.com

The post Doktor Para sa Bayan Bill first appeared on Abante.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *