Broadcaster/Metaphysical Consultant Black lady sa ilog

Mga ka-Misteryo nakarinig na ba kayo ng kuwento ng babaeng humahagulgol at nananaghoy sa ilog?

broadcaster metaphysical consultant black lady sa ilog - Broadcaster/Metaphysical Consultant Black lady sa ilog
misteryo 2 - Broadcaster/Metaphysical Consultant Black lady sa ilog

MISTERYO
Rey T. Sibayan

Mga ka-Misteryo nakarinig na ba kayo ng kuwento ng babaeng humahagulgol at nananaghoy sa ilog?

Ito ang karanasan ni Romeo ng La Union na naka-sanayan nang mangisda at mangahoy sa isang isla sa gitna ng ilog.

Tiyempong kabilugan noon ng buwan nang bumaba sa ilog si Romeo at tulad ng nakagawian dinaanan muna niya ang mga inilagay niyang baklad sakaling may nahuling isda.

Pagkatapos nun ay sinamantala niya ang liwanag ng buwan para mangahoy hanggang sa siya ay pauwi na.

Ilang metro na lamang ang layo ni Romeo para umahon nang may mapansin siya sa gawing kaliwa na anino ng isang babae na nakayuko na tila may hinahanap sa tubig.

Likas na sa probinsiyanong si Romeo na matulungin at nagdesisyon siyang lapitan ang babae. Malayo pa lang ay gusto niyang kausa-pin ang babae.

“Manang, ano po ang nangyari at may hinahanap po ba kayo?” Tanong ni Romeo.
Sa halip na sumagot ay biglang humagulgol ang babae na hindi pa rin makita ang mukha kahit malapit na siya.

Inisip ni Romeo na dahil nakayuko ang babae kaya nahihirapan siyang makita ang mukha lalu na at hindi naman tumatama sa mukha ang liwanag ng buwan.

Biglang nanaghoy ang babae na tila namatayan sabay hagulgol kung kaya’t natigilan si Romeo at bigla siyang kinabahan, nangilabot at nagduda na kung ang babae ba ay tao o di man kaya ay multo.

Nagtatalo ang kanyang isipan kung kaya’t lumihis siya sa paglakad para iwasan na ang babae at naramdaman niyang para siyang niyayakap ng malamig na hangin.

Minabuti niyang wag nang lapitan ang babae baka maiskandalo pa siya at pilit pa rin niyang iniiisip na tao ang babaeng humahagulgol at nananaghoy nang sumandaling iyon.

Habang padaan na siya sa tapat ng babae ay mas malakas na hagulgol at panaghoy ang kanyang narinig: “Hu hu hu. Bakit mo kami iniwan…bakit?” Tila nililipad ng hangin ang boses ng babae.

Naaninag ni Romeo na ang babae ay nakabelong itim at lumakas ang hinala niyang black lady ang nakikita niya ng sumandaling iyon.

Binilisan niya ang paglalakad at hindi na niya inalintana ang bigat ng buhat-buhat na mga kahoy na panggatong sa kanyang balikat. Sa di kalayuan ay narinig niya ang isang aso na unuungol at tila may nakitang multo nang biglang umalulong.

Bumilis ang pagtibok ng kanyang puso sa nararamdaman na niyang takot ng oras na yun ngunit nilakasan pa rin niya ang kanyang loob.

Nakalayo siya sa babae nang maisip niya itong lingunin at laking gulat niya wala na ang babae.

Naikuwento niya sa tatay niya ang kanyang nakitang black lady at noon lang niya malaman na may bata palang nalunod sa lugar at ang kanyang ina ay nagpakamatay naman sa pagkalunod nang hindi makaya ang nangyari sa anak.

Sadyang may mga kaluluwa na hindi matahimik lalu na ang mga nagpakamatay dahil puno sila ng hinanakit at galit. Kaya’t ang suhestyun ko ay mag-alay ng dasal sa mga lugar na merong ganitong pagmumulto at pabasbasan sa pari o sinumang sinanay sa ganitong gawain.

Para sa inyong mga kuwentong kababalaghan, mag-email sa misteryophilnet@gmail.com at bisitahin ang website ng Abante at www.reytsibayan.com.
“Kapag may Misteryo, Alamin ang Totoo!”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *