Bitay? Kailangan pa ba ng batas?

Sa pahayag sa SONA ni Pangulong Duterte, mukhang matutuluyan na ang pagbabalik ng bitay bilang parusa sa mga mahahatulan ng kamatayan.

bitay kailangan pa ba ng batas - Bitay? Kailangan pa ba ng batas?
Abante Noel Cabangon Dito sa Kanto - Bitay? Kailangan pa ba ng batas?

Sa pahayag sa SONA ni Pangulong Duterte, mukhang matutuluyan na ang pagbabalik ng bitay bilang parusa sa mga mahahatulan ng kamatayan.

Kung sino man at alin man sa mga kasong hahatulan ang magdurusa nito ay titiyakin pa sa Kongreso at isasabatas pa ito.

Ngunit sa kabilang banda ng hatol ng kamatayang ito, ay tila hindi kailangan ng batas para lang ipataw ang kaparusahan, dahil ngayon pa lang na walang batas ay marami nang ‘nahahatulan ng kamatayan’. At karamihan sa mga nahatulan ay mga mahihirap.

Ayon sa mga sumusuportang alyado ng Pa­ngulo, ito raw ay makabubuti at makababawas sa paggawa ng krimen. Lalo na raw ang mga tulak ng droga. Isa na sa mga alyado ay si Senador Pacquiao. At ang dating hepe ng PNP na ngayo’y senador na, Bato dela Rosa, ay tila nanggagalaiti sa pagtutulak nito.

Kamakailan lang ay kay raming pinatay sa probinsya ng Negros Oriental. Labintatlong buhay ang binawian ng pamamaslang, kasama na ang human rights lawyer na si Anthony Trinidad.

Sinisisi sa armadong grupo ng kaliwa ngunit itinatanggi naman ito. ‘Di nga natin talaga malaman kung sino ang nasa likod ng mga krimen na ito dahil tila wala naman masusing imbestigasyon ang ginagawa. Pula na nga ang lupa ng Negros, pero wala pa ring linaw.

Kung kaya mapapaisip ka na kahit wala pa ang batas ng bitay ay nahatulan na nga ng bitay ang mga pinaslang. Maging ang mga biktima ng extrajudicial killings, maging walang malay na bata ay nadadamay.

Kailangan pa nga ba ng batas para pagpataw ng bitay? Sa araw-araw na may bumubulagta sa lansangan o kaya sa loob ng bahay dahil sa kung sinong nakasakay sa motor, kailangan pa ba ng batas na ito?

Sa panahon ngayon na tila walang saysay ang batas, at ‘di man ito nai-invoke para man lang dinggin o maipagtanggol ng inaakusahan ang kanyang karapatan, kailangan pa ba? At kailangan pa bang ipasa ang bitay at bitayin sa harap ng publiko ng firing squad na tila imi­numungkahi ng senador o kaya bigtiin sa harap ng publiko na tila imi­numungkahi ng Pa­ngulo, para hindi tularan at habang pinapatay ay pinapatay din ang dignidad ng may sala hanggang sa huli niyang hininga?

At tila natutuwa pa ang madla sa mga ganitong mungkahi. Naaalala ko ang buhay ni Kristo noong siya’y hinahatulan ng publiko ng kamata­yan. Si Kristo na walang kasalanan, mahirap, walang makapagtanggol sa kanya kundi ang sarili ay ipinako sa krus, hiniya sa publiko, pinatay ang dignidad. Ito rin ang Diyos na sinasamba ng mga senador na nagsusulong nito. Ito rin ang Diyos na nagsasabing, “huwag kang papatay ng kapwa.”

Baka nga hindi na kailangan ang batas na bitay. Sayang lang ang panahon at pera para ito ay pagtalunan pa sa Kongreso, at nangyayari na nga.
Hay, Pilipinas.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *