Balikatan

Mahalagang sangkap ng mabisang pagpapahayag ang mga tayutay, o sa I­ngles, figures of speech. Nagiging mas mabisa, idagdag pa na mas makulay, ang pahayag kung hindi lamang literal ang pagpapaabot ng mensahe.

balikatan - Balikatan
Abante Joselito Delos Reyes Talas Salitaan 1 - Balikatan

Mahalagang sangkap ng mabisang pagpapahayag ang mga tayutay, o sa I­ngles, figures of speech. Nagiging mas mabisa, idagdag pa na mas makulay, ang pahayag kung hindi lamang literal ang pagpapaabot ng mensahe.

Dumaraan ang kahit sinong nakatuntong sa high school at kolehiyo sa mga leksyon ng tayutay. Ang totoo, kung bakit ito ang paksa ko ay dahil sa aking mataos (naks, mataos, ang lalim, Buwan ng Wika kasi) na pag-unawa sa kakayahan ng mga ganitong uri ng pahayag. Na ang totoo, balidasyon lamang ng teorya ang makukuha sa paaralan dahil, hindi man natin pansin, gumagamit na tayo ng tayutay sa pangkaraniwan nating pakikipag-usap at pakikipagtalastasan.

Ganito ang nangyari sa akin noon. Pakiramdam ko, pangkaraniwan lang ang paggamit ng pahayag na may tatutay pala. Halos araw-araw, gaumagamit kami ng aking pamilya ng mga tayutay. Oo, kahit kinagagalitan ako ng aking magulang, puno pa rin tayutay.

Nalaman ko na lang na makulay ito at hindi pangkaraniwan noong nasa kolehiyo. Napaka-dali sa akin ang umisip ng halimbawa kapag tinatanog ng propesor, o kapag kailangang sumulat ng sanaysay o tula. Natural sa akin. Dahil lagi ko rin namang ginagamit.

Madali ang pagtutulad o simile at pagwawangis o metaphor. Pangkaraniwan itong ginagamit sa usapan. Halimbawa ng pagtutulad: Para kang kuneho sa taas ng iyong pagtalon. Halimbawa ng pagwawangis: Ikaw ang payaso o clown ng klase dahil lagi mo kami napapatawa.

Walang katapusan ang halimbawang maibibigay natin sa pagwawangis at pagtutulad. Pero ang higit na kinagigiliwan ko ay ang isang tayutay na bihirang mapag-usapan. Ito ay ang sy-necdoche o ang pagpapalit-saklaw.

Madali lang ito. Isang bahagi para katawanin ang kabuuan. Halimbawa, hindi ko na gustong makita kahit ang anino mo sa lugar na ito. Na ang ibig sabihin talaga, hindi na gustong makita ang may-ari ng anino. Hindi lang basta ang anino.

Kaya ito ang ating pamagat, ‘Balikatan’. Mahalagang bahagi ng katawan natin, sa patayutay na paraan, ang balikat. Sa Ingles, pupwede mong sabihin sa paraang synecdoche, na shoulder to lean on ka. Ibig sabihin, kaibigan kang maasahan. Pupwedeng gamitin ang balikat mo bilang sandigan sa mga pagkakataong kailangang umiyak o magpahinga.

Ginagamit naman natin ang salitang ‘balikatan’ bilang pagtutuungan. Hindi lamang ito balikat, buong katawan ng tao ang ipauubaya para tumulong. Pero dahil bantad sa pagbubuhat ng bahay kung may bayanihan ang balikat, tinatawag na balikatan ang anumang pagtutulong-tulungan.

Ganito rin ang ibig sabihin halos ng salitang ‘babalikatin’. Isang malaking gawain na babalikatin lang ng iisa o iilan.

Sa mitolohiya, nasa baikat ni Atlas ang mundo. Binabalikat niya ang napakabigat na bagay na sa tuwing gagalaw siya dahil nangangawit o nangangalay, lumi-lindol.

May isang socio-civic organization na Kabalikat ang pangalan. Ang ganda lang pakinggan dahil hindi man nila literal na pinapasan sa balikat ang kanilang kapwa, malinaw namang ang ibig sabihin ng kabalikat ay m­aasahang balikat sa anumang pagbubuhat o pagtulong sa kapwa.

***
Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa aking Facebook account: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *