Bahay Kubo: Mga aral doon ay sari-sari

Ano pa bang aral ang makukuha mula sa popular ng folk song na “Bahay Kubo”?

The post Bahay Kubo: Mga aral doon ay sari-sari first appeared on Abante.

bahay kubo mga aral doon ay sari sari - Bahay Kubo: Mga aral doon ay sari-sari
EDITORIAL LOGO XIAO CHUA Xiao Time - Bahay Kubo: Mga aral doon ay sari-sari

Ano pa bang aral ang makukuha mula sa popular ng folk song na “Bahay Kubo”? Noong isang linggo, ating tinalakay ang binanggit ng antropologong si Stephen Acabado sa aklat na “Bahay Kubo: A Filipino Children’s Song” ukol sa “homogenocence” o ang pagkalat sa daigdig at pagdating sa Pilipinas ng mga halaman mula sa ibang bahagi ng daigdig. Kumbaga ang 19 na mga halaman na ito ay nasa bansa dahil produkto ito ng kasaysayan natin ng kontak sa ibang mga lahi: Ang mga halaman sa Asya dahil sa pakikipagkalakalan natin bago pa man dumating ang nga Espanyol, habang ang mga halaman mula sa Amerika Latin dahil sa Kalakalang Galyon.

Muli namang ipinakilala ng sanaysay ni Kristian Sendon Cordero ng diskruso ni Albert Alejo, SJ ukol sa espasyong Pilipino. Tinanong ni Pareng Bert, “Nasaan ba ang tagapagsalaysay ng bahay kubo?” At tinumbok niya ang konsepto ng loob. Tinatanaw ang mundo mula sa loob kaya mas malawak ang nakikita. Mayaman ang diskurso ng “loob” sa ating kultura.

Ipinakilala rin ni Cordero ang pagbasa Allan Derain na nakatuon naman sa konsepto ng “doon” sa “halaman doon.” Bakit hindi “ang halaman dito”? Nasaang lugar o nasaang panahon ang nagsasalaysay? Hindi kaya alaala na lamang ang lahat? Sino na ang nakatira sa bahay kubo? O baka nagpunta na sila sa kalunsuran? Ayon kay Cordero, dito na papasok ang romantikong nosyon ng buhay probinsya para sa mga nasa modernong mga pamayanan.

Nakapanayam ko ang historyador ng kasaysayang etniko na si Mary Jane Rodriguez-Tatel na ang pagbasa naman ay nakatuon sa konsepto ng pagtatanim ng “sari-sari” ng ating mga ninuno. Sa katutubong prinsipyo na ito, sa buong taon, mas maraming “variety,” mas maraming “species,” napapanatili ang pagiging mataba ng lupa.

Ang katutubong kaalaman na ito ang sinira ng monocropping na dala ng kolonyalismo at pyudalismo ng Kanluran. Ayon sa mga Teduray, nang dahil sa “demand” sa mais, iyon na lamang ang kanilang tinanim, mas naging “heavily dependent” sila sa herbicide, pesticide at fertilizer. Dahil kung buong taon, iyon lamang ang itinanim mo, parang tao din na nauumay ang lupa. Manghihina ito at dahil dito mapipilitan kang lagyan ito ng fertilizer, at dahil dyan, dadami rin ang mga damo. Sa pagdami ng damo, gagamit ka na rin ng herbicide at hindi lang damo ang napatay mo, pati na rin ang mga endemic na halaman.

Dito makikita na ipinapakita ng kantang bahay kubo ang mas “sustainable” na uri ng pagtatanim na mas makakaseguro ng “food security” sa buong taon. Paalala sa atin ni Rodriguez-Tatel, sa panahon ng pandemya, pagmunian natin muli ang aral ng Bahay Kubo na dapat sari-sari talaga ang itinatanim natin upang makatugon tayo sa kasalukuyang krisis.

Hindi pala simpleng kanta ang bahay kubo, maaari itong pagsimulan ng mga usapan sa kung sino na nga ba tayo.

The post Bahay Kubo: Mga aral doon ay sari-sari first appeared on Abante.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *