Ano kaya ang habilin ni Danding kay RSA?

Sa pagpanaw ni Danding (Eduardo Cojuangco) ng San Miguel Corporation, malamang nakatuon na ngayon mga tropapips ang buong atensiyon sa kaniyang most trusted man at nagpapatakbo ng lahat ng kanilang negosyo—si RSA o Ramon S. Ang.

ano kaya ang habilin ni danding kay rsa - Ano kaya ang habilin ni Danding kay RSA?
Abante Rey Marfil Spy on the job 1 - Ano kaya ang habilin ni Danding kay RSA?

Sa pagpanaw ni Danding (Eduardo Cojuangco) ng San Miguel Corporation, malamang nakatuon na ngayon mga tropapips ang buong atensiyon sa kaniyang most trusted man at nagpapatakbo ng lahat ng kanilang negosyo—si RSA o Ramon S. Ang.

Dahil sa matagal na karamdaman, pumanaw sa edad na 85-anyos si Danding, na siyang nagtatag ng isa sa mga pinakamatibay na partido politikal ngayon sa bansa na Nationalist Peoples Coalition. Ito mga tropapips ang naging partido niya nang tumakbong Pangulo noong 1992. Iyon nga lang, nasilat siya ni dating Pangulong Fidel Ramos, at pumangatlo sa botohan kasunod ng pumangalawang si Miriam Defensor-Santiago, na wala na rin.

Sabi ng isa nating kabaro na nakasamang nag-cover noong panahon ng kampanya ni Danding, inakala niyang mananalo sa dikit na laban ang binansagang “Boss” dahil sa init ng pagtanggap sa kaniya ng mga tao. Kandidato niya noon bilang bise president si Joseph “Erap” Estrada, at kasama pa nila sa pangangampanya si Da King Fernando Poe Jr., na wala na rin.

Nanalo si Erap na bise presidente pero nabigo nga si Danding. Hinala ng kabaro natin, maaaring nakaapekto sa kandidatura ni Danding ang pagkakadikit sa kaniya bilang “crony” ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. Malakas pa kasi noon ang “yellow fever” dahil ang nakaupong pangulo noon ay si Tita Cory Aquino (na wala na rin), at ang kaniyang manok sa pagka-presidente ay si Tabako (Ramos). Ang isa pang kandidato noon na wala rin ay si dating Speaker Ramon Mitra.

Pero hindi man nanalo sa eleksyon, life goes on ika nga kay Boss Danding. Ipinagpatuloy niya ang kaniyang partido at sinuportahan ang mga kandidato nito para manalo tulad sa Senado. Kaya naman nananatiling may impluwensiya si Danding pagdating sa halalan o politika. Kasabay nito, pinalago pa nila lalo ang SMC—siyempre kasama niya si RSA.

At mula nang ipaubaya ni Danding kay RSA ang SMC, lalo pang lumago ang negosyo dahil mula sa mga produktong alak at pagkain, pinasok na rin nila ang power generation, infrastructure, petroleum, mining, mass transit, airport at iba pa.

Ngayon na may pandemya, aba’y isa o kung hindi man una sa mga kompanyang naglalabas ng pera ang SMC para mamumudmod ng tulong, hindi lang sa gobyerno kung hindi maging sa mga nagigipit na mga tao at mga frontliner. Sangkaterbang PPEs, galong-galong alcohol, mga pagkain ang idinodonate ng SMC. Pati ang ilang magsasaka eh natulungan din ni RSA.

Noong umiiral ang enhanced community quarantine at matindi na ang epekto ng lockdown sa mga negosyo, marami ang napa-lodi kay RSA dahil sa sinabi niyang mas mahalaga ang buhay ng tao kaysa kita o pera. Simple ang kaniyang katwiran, kikitain pa ang pera pero ang buhay, hindi na.

Hindi kataka-taka mga tropapips kung mahalaga kay RSA ang buhay dahil sa nangyaring trahediya sa kanilang pamilya nang pumanaw ang kaniyang anak. Sadyang masaklap ang katotohanan mga tropapips na hindi mabibili ng pera ang buhay.

At dahil nga sa haba at matagumpay na pinagsamahan nina Danding at RSA, malamang na mapapatanong ang mga taong nakakaalam ng kanilang naging tandem—mayroon kayang payo o habilin si Danding sa taong kaniyang lubos na pinagkakatiwalaan?

Baka sa negosyo eh hindi na masyado dahil nakita naman ni Danding kung gaano kahusay sa pagnenegosyo si RSA. Pero ang tanong ay kung napag-uusapan din kaya nila ang pulitika at hinaharap ng bansa. Napag-uusapan kaya nila na ang kailangan ng bansa para makabangon ang ekonomiya dahil sa pandemya ng COVID eh isang negosyante? Gawin kaya ni RSA sa 2022 ang ginawa ni Danding noong 1992? ‘Yan ang ating aabangan. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *