Ano ang susunod na kabanata?

Sa harap ng krisis, maraming bagay ang ating natututunan sa iba’t ibang larangan ng ating mga buhay.

ano ang susunod na kabanata - Ano ang susunod na kabanata?
Edwin Santiago Talaga Ba 5 750x430 1 - Ano ang susunod na kabanata?

Sa harap ng krisis, maraming bagay ang ating natututunan sa iba’t ibang larangan ng ating mga buhay. Sa pang-personal na antas, ang nakararami ay namulat sa kahalagahan ng kalusugan. Bagama’t alam ito ng halos lahat, iba na at higit na malalim ang kahulugan nito lalong-lalo na sa mga taong nagkasakit ng COVID-19 at sa kanilang mga kapamilya. Nabago din ang kinasanayan ng marami na pag-ubo at pag-bahing nang walang pakundangan sa harap ng ibang tao. Para sa mga taong may pagkakataon, naging aral din ang kahalagahan ng pag-iipon ng pera para sa mga panahong ito ay lubos na kailangan. Para sa mga establisyimento, naging malaking aral din ang krisis na ito para magkaroon ng mga plano hinggil sa pagpapatuloy ng kanilang mga operasyon.

Matagal nang napag-uusapan ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng edukasyon kapag mayroong mga pagtigil ng pagpasok sa mga paaralan. Isang malaking bahagi ng problema para maisakatuparan ito ay ang pangangailangan ng mura, mabilis at naabot na internet.

Bagama’t ang mga bangko ay sanay na sa mga transaksyong online, dapat maging bukas sila sa iba pang mga kapamaraanan. Halimbawa, ang ING, isang banyagang bangko sa Pilipinas, ay huwaran ng komportable at madaling pagbabangko anumang panahon. Sila ay tumatanggap ng depositong cheke sa pamamagitan ng larawan.

Ngayon, nagkaroon na rin ng malawakang pagsubok sa tinatawag na “work from home” o WFH. Bagama’t mayroon ng batas na nagpapahintulot nito, ito ay hindi sapilitan. Magandang talakayin ngayon at magkaroon ng isang patakaran na mas matimbang kaysa sa batas ngayon. Sa aking palagay, higit na magiging tulong ang ganitong klase ng mga kaayusan sa pagtatrabaho lalo na pagkatapos ng pandemic. Makakabawas na sa panganib ng magkahawaan ng mga sakit, makakatulong pa ito sa pagbabawas ng trapiko at marami pang ibang bagay.

Sa pananaw ko, ang ginagawang pamamahagi ng ayuda ay may taglay na napakalaking peligro na mawala sa katiwalian o maligaw ng destinasyon dahil sa pamumulitika. Ngayon natin dapat makita ang kahalagahan ng national ID system, na ipinapatupad ng ibang bansa kagaya ng Singapore. Ang pagkakaroon ng ganitong sistema ay higit na magpapadali ng mga transaksyong pangmalawakan. Totoong maaring abusuhin ito para magamit sa hindi nararapat. Nguni’t ganuon din naman ang maraming bagay na ginagawa natin. Hindi dapat mapigilan ang pagsulong ng mga makabagong sistema dahil lamang sa isang pangamba. Ang kailangan ay pag-ibayuhin ang seguridad ng sistema at tiwala ng taong-bayan.

Hindi natin nilalahat, ngunit sana nagkaroon ng sapat at tunay na pagmamalasakit at responsibilidad ang mga opisyal ng pamahalaan, hindi lamang sa pamimigay ng mga bigas, sardinas at instant noodles. Nakadismayang makita na hindi alam ng ating pamahalaan ang kanilang magiging susunod na mga hakbang at desisyon. Lubos na nakakagalit ang kawalan ng mga planong para sa anumang maaring mangyari at ang tila hula-hula na pagkilos nila. Totoo na bago sa ating lahat ang COVID-19, pero dapat nating tandaan na ang COVID-19 ang bago, ang pagkakaroon ng epidemic o pandemic ay hindi at dapat may mga plano na nakaumang na.

Ano ang susunod na kabanata?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *