Ang pagbuhay muli kay ‘Kamatayan’

Parang zombie itong parusang kamata­yan o death penalty, na kahit ilang beses nang pinatay pero ilang beses ding nabubuhay.

ang pagbuhay muli kay kamatayan - Ang pagbuhay muli kay ‘Kamatayan’
Abante Rey Marfil Spy on the job - Ang pagbuhay muli kay ‘Kamatayan’

SPY ON THE JOB
Rey Marfil

Parang zombie itong parusang kamata­yan o death penalty, na kahit ilang beses nang pinatay pero ilang beses ding nabubuhay.

Sa katatapos nga na State of the Nation Address ni President Mayor Digong Duterte, muli na naman siyang dumiga na dapat ibalik na ng Kongreso ang parusang kamatayan na inilibing ng Kongreso noong 2006 sa panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo.

Pero bago nito, nasa mahigit 30 bilanggo ang isinama sa hukay ng death penalty noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Isa sa mga tumatak na bilanggo na pinatawan ng parusang kamatayan noong panahon ni Marcos ay ang kilabot na Chinese drug lord na si Lim Seng.

Mantakin mong i-firing squad si Lim Seng sa Fort Bonifacio noong Enero 1973 para maging babala raw sa mga nagkakalat ng droga sa bansa. Subalit pinatay din ang parusang kamatayan nang mawala sa puwesto si Marcos at pumalit ang pamumuno ni dating Pangulong Cory Aquino.

Pero mantakin niyo, 46 taon pagkaraan na i-firing squad si Lim Seng, hanggang ngayon ay sakit pa rin ng ulo ng bansa ang droga. Kaya nais ni President Mayor Digong na muling ibalik ang parusang kamatayan. Sabi ng ka nyang tagapagsalita na si Atty. Salvador Panelo, kung ang Pangulo raw ang masusunod, gusto niyang literal na bitayin [o bigtihin] ang mga mapaparusahan ng kamatayan. Kasi, lubid lang daw ang kailangang gastusin.

Bago kasi inilibing ang death penalty noong 2006, lethal injection ang paraan ng ‘pagbitay’ para raw kahit papaano eh ‘makatao’ at hindi barbariko ang paraan ng pagpatay sa bilanggo. Pero bago nito, ginamit din noon sa parusang kamatayan ang silya elektrika.

Nang matapos ang termino ni Tita Cory, muling binuhay ng Kongreso ang parusang kamatayan noong 1993 sa ilalim ng termino naman ni dating Pangulong Fidel Ramos. Pasok sa parusang bitay ang mga nagkasala ng murder, rape, bigtime drug trafficking, kidnapping for ransom, parricide, infanticide, plunder, kidnapping at iba pa.

Pero walang nabi­tay sa termino ni Ramos. Nang pumalit na sa kanya sa Palasyo si dating Pa­ngulong Joseph Estrada, ayun, may nasampolan na pitong bilanggo. Ang unang pinatulog nang walang gisingan, si Leo Echagaray, na hinatulan ng kamatayan sa kasong rape sa kanyang anak-anakan. Ang pampito at huling nabitay sa panahon ni Estrada, si Alex Bartolome, na may kasong paulit-ulit na paghalay naman sa kanyang anak.

Aba’y kung hindi siguro napatalsik sa puwesto si Erap, malamang na nadagdagan pa ang nabi­tay dahil 56 na bilanggo ang nasa death row nang panahong iyon na pinagtibay na ng Korte Suprema ang hatol. Pero nang pumalit nga si Arroyo kay Erap, ayun, ibinalik ng Kongreso sa libingan ang parusang kamatayan.

Sabi ng isa nating kurimaw, kung umiiral ang parusang kamatayan ngayon at kasama ang rape with murder, napakarami ang tiyak na mabibitay lalo pa’t kasama pa diyan ang isyu ng droga. At ma­lamang na kandidato doon ang lalaking nang-rape at pumatay sa isang taong gulang na sanggol kamakailan sa Makati.

Birong hirit naman ng isa nating kurimaw, bakit pa raw ibabalik ang parusang kamatayan kung puwede namang ‘manlaban’ ang suspek habang inaaresto, o kahit nasa presinto, o kaya ay nasa police mobile?

Pero sa totoo lang, naniniwala si President Mayor Digong, mga opis­yal ng pulisya at ilang opisyal sa gobyerno na ‘deterrent’ na makatutulong ang pagbabalik ng death penalty para mabawasan ang krimen. Bagay na kinokontra naman ng mga human rights groups, na ang gusto ay mabilisin at palakasin ang justice system sa bansa.

May mga nagsasabi rin kasi na ‘anti-poor’ ang death penalty dahil mga mahihirap na walang pambayad ng mahusay na abogado ang kadalasang nakakasuhan. Papaano nga naman kung ang mabitay mo eh isang taong wala naman palang kasalanan? Hindi nga naman puwede ang sorry dahil ‘di mo na maibabalik ang buhay.

Pero anuman ang mangyari, magandang simulan na ang debate sa panukalang ibalik ang parusang kamatayan para mabigyan din ng gabay ang mga tao kung dapat buhayin muli si ‘Kamatayan’. Kayo mga tsong, pabor o tutol ba kayo? Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *