Ang muling pagbabalik ng operasyon ng lotto

Marami ang nabig­la nang ianunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasara ng lahat ng umiiral na numbers game sa bansa kabilang na ang lotto na nag-aakyat ng napakalaking pondo sa ating kaban.

ang muling pagbabalik ng operasyon ng lotto - Ang muling pagbabalik ng operasyon ng lotto
Abante Vice Gov. Jolo Revillla Todo Balita ni Idol - Ang muling pagbabalik ng operasyon ng lotto

Marami ang nabig­la nang ianunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasara ng lahat ng umiiral na numbers game sa bansa kabilang na ang lotto na nag-aakyat ng napakalaking pondo sa ating kaban.

Hindi natin minamasama ang naging desisyon ng Pangulo dahil kung titingnan natin ang motibo niya ay nais lamang niyang sugpuin ang korapsyon na umano’y umiiral sa loob ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Sa naging desisyon ng Pangulo, tila ang nakawan sa Small Town Lottery (STL) ang talagang lantaran o garapalan ang korapsyon dahil sa hindi tahasang pagre-remit ng tamang kubransa o kita nito sa loob ng isang araw.

Hindi na kailangan ng maraming imbestigasyon hinggil dito dahil sa may mga bayan na lantaran ang operas­yon ng ligal at iligal na STL sa buong bansa at ang kita sa ligal na STL ay siyang isinusumite sa gobyerno at ang iligal na STL ay napupunta sa bangka o gambling lord.

At tama ang naging desisyon ng Pangulo na wakasan na ito dahil patuloy lamang sa pag­yaman ang mga gambling operator sa halip na napupunta sa ating kaban ang kita ng STL.

Kahapon ay marami ang natuwa sa anunsiyo ng Palasyo na muli nang payagan ang ope­rasyon ng lotto dahil nakita naman ng Pa­ngulo na wala itong halong kalokohan dahil sa computerized na ito.

Bawat ticket na binabayaran ng P24.00 ng isang mananaya ay maliwanag na napupunta sa pamahalaan ang P4.00 at kitang-kita na mula tatlo hanggang limang milyong piso depende pa sa laki ng jackpot ang idinadagdag sa premyo araw-araw hanggang sa tamaan.

Ganito kalaki ang ipi­namimigay na prem­yo sa masuwerteng tatama sa jackpot at inaalisan ito ng bente porsiyento sa kabuuan ng jackpot na muli ay napupunta sa gobyerno.

Ito ang hinahabol ng ating mga kababayan na regular na tumataya sa lotto, alam naman nilang napakahirap tumama at ‘di ba may kasa­bihan nga na mas malaki pa ang tsansa ng isang tao na tamaan ng kidlat kesa tumama sa Lotto?

Pero hindi mahalaga sa mananaya kung hindi sila tumama kinabukasan dahil higit na mahalaga sa kanila na bago sila matulog ay nangangarap sila na paggising nila ay super yaman na sila.

Kung ang mga lasenggo ay bumibili ng alak para makatulog, ang mga masigasig at maraming pangarap sa buhay ay tumataya sa lotto dahil sa pag-asang ‘baka sakaling’ isang araw ay sila naman ang suwertehin.

Sa halagang P24.00 ay nakatulog sila nang mahimbing, nakabuo ng maraming pa­ngarap at nakatulong pa sa pamahalaan nang walang masamang epek­to sa kalusugan—may tsamba pang yumaman.

Kahapon nang ianunsiyo ng Palasyo na papayagang muli ang operasyon ng lotto, marami ang sumaya, hindi lang ang mga humihingi ng tulong sa PCSO kung hindi pati ang mga taong despe­rado at nag-iisip ng masama na huwag nang ituloy, dahil may pag-asa pa naman silang nakikita, kahit tsamba.
Ano sa tingin n’yo?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *