Ang mga ospital ay lugar-gamutan, hindi kulungan!

Ilang beses na ba ta­yong nakakarinig at nakakapanood ng mga istorya na hindi pinapalabas ng ospital ang mga pasyente dahil hindi nila mabayaran ang kanilang hospital bills. Maging ang mga labi ng mga namatay ay hindi maiuwi ng mga kamag-anak dahil sa kakulangan ng perang pambayad sa ospital.

The post Ang mga ospital ay lugar-gamutan, hindi kulungan! appeared first on Abante News Online.

ang mga ospital ay lugar gamutan hindi kulungan - Ang mga ospital ay lugar-gamutan, hindi kulungan!
Abante Risa Hontiveros Usapang Kalusugan at Kababaihan 1 - Ang mga ospital ay lugar-gamutan, hindi kulungan!

Ilang beses na ba ta­yong nakakarinig at nakakapanood ng mga istorya na hindi pinapalabas ng ospital ang mga pasyente dahil hindi nila mabayaran ang kanilang hospital bills. Maging ang mga labi ng mga namatay ay hindi maiuwi ng mga kamag-anak dahil sa kakulangan ng perang pambayad sa ospital.

Ang mga ospital ay lugar-gamutan, hindi kulungan. Ito dapat ang lugar upang lunasan ang mga sakit ng pasyente at hindi upang labagin ang kanilang mga karapatang pantao sa pagkukulong sa kanila dahil sa hindi agad nila mabayaran ang mga bills sa pagamutan.
Naiintindihan naman natin na kailangan ng mga ospital ng pondo upang magpatuloy sa kanilang gawain pero ang dapat nilang prayoridad ay ang kalusugan ng mga tao.
Dahil na rin sa napakaraming reklamo mula sa ating mga kababayan, isa sa mga priority bills ko ngayong 18th Congress ay ang Senate Bill 166 o ang ‘Mas pinalakas na Anti-Hospital Detention Law’. Ito ang mag-aam­yenda sa kasalukuyang batas at magbibigay ng ngipin upang maprotektahan ang ating mga kababayan.
Sa ilalim ng batas na ito, ang mga hospital administrators ay puwedeng makulong hanggang 6 na taon at mapagmulta ng P1 milyon sa pagpapakulong sa mga buhay at patay na pasyente. Ang mga ospital, klinik at mga administrador nito ay puwedeng matanggalan ng mga lisensya sa paulit-ulit na mga kaso ng paglabag.
Sa oras na maging ganap na batas na ito, magkakaroon ng anti-hospital detention fund ang gobyerno para magamit ng mga indigent na mga pasyente. Tandaan natin na ang estadong pinansyal ng isang tao ay hindi maaaring maging hadlang upang makamit niya ang kanyang karapatan para sa kalusugan.
Ang nasabing pondo ay magpapalaya sa mga mahihirap nating mga kababayan mula sa mabigat na pasanin at gastusin ng pagpapaospital. Kapag mayroon ng anti-hospital detention fund, wala ng tao o mahal natin sa buhay ang makukulong dahil hindi nila mabayaran ang kanilang mga hospital bills.
Ang mga mahihirap na walang kapasidad na magbayad ng kanilang hospital bill ay puwedeng makakuha ng promissory note mula sa Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS) o Philippine Health Insu­rance Corporation (PhilHealth) na ipiprisinta sa mga ospital. Gayundin, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay magbibigay ng guarantee letter para sa mga indigent na mga pasyente.
Ang panukalang ito ay kapartner ng ating una ng naipasang batas, ang Anti-Hospital Deposit Law. Ang mga batas na ito ay naglalayon na tulungan ang mga kababayan nating mahihirap at iangat ang antas ng serbisyong pang­kalusugan sa bansa.
Naniniwala ako na puwedeng balansehin ang pagkakaroon ng negosyo at ang pagbibigay ng maayos na serbisyong pangkalusugan para sa ating mga kababayan. Ang pera na inutang ay maaaring maibalik subalit ang kalusugan at buhay ng pasyente ay kailanman hindi na mapapalitan. Sa panukalang ito, itutulay natin kung anuman ang merong gaps sa kasalukuyang batas upang hindi na nahihirapan ang ating mga mamamayan.

The post Ang mga ospital ay lugar-gamutan, hindi kulungan! appeared first on Abante News Online.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *