Ang disgrasyang nagmula sa pakikinig sa wala namang alam

Nakakagalit ang balita nitong nakaraang linggo na ang sakit na polio, na tuluyan nang nawala sa Pilipinas labing siyam na taon nang nakaraan, ay muling nakabalik at nagkaroon muli ng biktima. Ang polio ay sakit na 1955 pa lamang ay naiiwasan na sa pamamagitan ng pagbabakuna. Mula 1988, ayon sa Global Polio Eradication Initiative, nabawasan na ng 99% ang mga kaso ng polio sa buong mundo.

ang disgrasyang nagmula sa pakikinig sa wala namang alam - Ang disgrasyang nagmula sa pakikinig sa wala namang alam
Barry Gutierrez Usapang Barrykada 3 - Ang disgrasyang nagmula sa pakikinig sa wala namang alam

Nakakagalit ang balita nitong nakaraang linggo na ang sakit na polio, na tuluyan nang nawala sa Pilipinas labing siyam na taon nang nakaraan, ay muling nakabalik at nagkaroon muli ng biktima. Ang polio ay sakit na 1955 pa lamang ay naiiwasan na sa pamamagitan ng pagbabakuna. Mula 1988, ayon sa Global Polio Eradication Initiative, nabawasan na ng 99% ang mga kaso ng polio sa buong mundo.

Sa madaling salita, walang dahilan kung bakit ang isang sakit na mahigit anim na dekada nang may bakuna, at halos mabura na sa buong mundo, ay muling makakabalik sa ating bansa na taong 2000 pa lamang, ay natagurian nang ‘polio-free’.

Ang pagbalik ng polio ay isa lang sa ilang epidemic ng mga preven­table diseases, o sakit na meron namang bakuna, na pumutok sa ating bansa nang magsimula ang taon. Ayon sa Department of Health (DOH), nagkaroon na tayo ng epidemic ng tigdas (measles) noong Pebrero, at epidemic ng dengue nitong Agosto.

Malaking bahagi ng dahilan ay ang pagbaba ng numero ng mga Pilipino na ipinapabakuna ang kanilang mga anak. Ayon sa isang pag-aaral ng London School of Hygiene and Tropical Medicine, ang porsi­yento ng mga Pilipino na naniniwala na ang pagbabakuna ay ligtas, mahalaga, at epektibo ay bumagsak sa halos 100% noong 2015 sa 60-80% nitong nakaraang 2018. Ibig sabihin, nawala ang tiwala ng maraming mga Pilipino sa kahalagahan ng pagbabakuna.

Marami nang nagsikap ipaliwanag ang pangyayaring ito sa pamamagitan ng pagturo sa naging kampanya ng ilang opisyal ng pamahalaan, pangunahin na si Chief Public Attorney Persida Acosta, na nagsikap palabasin, kahit kulang na kulang ang pag-aaral at ebidensiya, na nakakapinsala ang Dengvaxia, isang uri ng bakuna laban sa dengue. Anila, ang paulit-ulit na pananalita ni Acosta na ‘nakamamatay’ ang Dengvaxia ang isang malinaw na dahilan sa paghina ng tiwala ng marami ‘di lang sa natu­rang gamot, kundi sa iba pang uri ng bakuna.

Nailalarawan lang ng malungkot na pangyayaring ito na ang ires­ponsableng pananalita ng mga opisyal, lalo na kung wala namang akmang kaalaman o ginawang pag-aaral, ay maaaring magkaroon ng mabigat na epekto sa kapakanan ng mga ordinaryong Pilipino.

Sa kasalukuyan, nagsisikap ang DOH na mu­ling mapataas ang dami ng mga Pilipinong nagpapabakuna sa pamamagitan ng muling pagbabalik ng tiwala sa pagiging ligtas at epektibo nito.

Bahagi rin nito ang patuloy na pagpapaalala sa ating mga kababayan, na sa isyu ng kalusugan, mas mabuting ilagay ang tiwala sa mga doktor at propesyunal na manggagamot na nagsagawa ng masusing pag-aaral, kaysa sa mga nagmamarunong na wala namang hawak na kahit anong kaalaman o ebidensiya.

Umaasa tayo na magiging matagumpay ang kasalukuyang pagkilos ng DOH, para maiwasan na ang pagputok ng iba pang epidemic sa ating bansa. Lahat tayo ay sumuporta sana sa kampanyang ito, lalo na sa pagbigay payo sa ating mga kakilala na ang doktor ang pakinggan, hindi ang pumapapel na wala namang alam.

Masyadong mahalaga ang buhay ng ating mga anak para ipagkatiwala sa wala namang sapat na kakayahan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *