105th anniversary ng INC; estudyante target ng pesteng lamok

Bago ang lahat, isang mainit na pagbati sa lahat ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo sa pagsapit ng inyong ika-105 anibersaryo. Kaisang diwa ninyo kami ni Vilma at ang buo naming pamilya sa pagpapalaganap ng inyong magandang layunin.

105th anniversary ng inc estudyante target ng pesteng lamok - 105th anniversary ng INC; estudyante target ng pesteng lamok
Abante Sen Ralph Recto Usapang Barako - 105th anniversary ng INC; estudyante target ng pesteng lamok

Bago ang lahat, isang mainit na pagbati sa lahat ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo sa pagsapit ng inyong ika-105 anibersaryo. Kaisang diwa ninyo kami ni Vilma at ang buo naming pamilya sa pagpapalaganap ng inyong magandang layunin.

***

Sa dinami-rami ng mga Pilipinong nagka-dengue sa bansa, pinakamalaking bilang ng mga nakagat at nabiktima ng lamok na ito ay pawang mga estudyante.

Matamis ba ang dugo ng mga estudyante kaya’t sila ang napipiling kagatin ng pesteng lamok na nagkakalat ng nakamamatay na dengue virus?

Hindi naman siguro. Pero bakit marami sa mga nagka-dengue ay pawang mga estudyante o may school ID?

Isa-isahin natin ang posibleng dahilan.

Ang lamok na Aedes aegypti na nagkakalat ng dengue virus ay aktibo at nangangagat lamang sa araw, partikular ilang oras pagsikat ng araw at ilang oras bago lumubog ang araw. Sa mga oras na iyan, nasa eskuwelahan ang mga estudyante, nag-aaral, nakaupo at easy target ng mga lamok.

Marami pa ring eskuwelahan ang nakikitaan ng mga lumang gulong ng sasakyan na ginagamit pandagan sa mga bubong ng paaralan upang huwag liparin ng malakas na hangin. Ang loob ng lumang gulong ay nag-iimbak ng mga tubig ulan na siyang pinangingitlugan ng lamok.

Laganap pa rin ang mga eskuwelahang may quadrangle o playground na lubog sa tubig ulan sa panahon ng tag-ulan. Itong tubig ulan na stagnant o hindi nagagambala o nakakalawkaw ang paboritong breeding ground ng aedes aegypti.Diyan sila nangingitlog at nagpaparami ng kapwa lamok na may taglay na dengue virus.

Bihira sa ating mga pampublikong eskuwelahan ang may screen ang mga pintuan at bintana na haharang sa lamok, langaw at iba pang insekto na gustong pumasok sa loob ng silid paaralan.

Ito ang mga dahilan kung bakit sa lahat ng sektor na tinatamaan ng dengue, ang mga estud­yante ang pinakamala­king bilang ng nagiging biktima.

Mula Enero hanggang Hunyo ng taong kasalukuyan, sa ulat ng Department of Health, umakyat na sa 98,179 ang bilang ng estud­yanteng tinamaan ng dengue. Mas mataas ito kumpara noong Enero-Hunyo ng nakaraang taon na 53,475.

Kahit tuloy ang fumigation o pausok sa mga sulok ng bakuran na posibleng pamugaran ng lamok, hindi ito sapat upang pigilin ang pagtaas ng insidente ng dengue sa bansa.

At habang hindi pa naiimbento ang gamot o kemikal na tuluyang pupuksa sa pesteng Aedes aegypti, magtulong-tulong tayo sa abot ng ating makakaya upang hindi na dumami, kundi man malipol, ang lamok na may dalang dengue virus.

Tanggalin at itaob ang lahat ng mga bagay kung saan naiipon ang tubig. Magsuot ng mga damit na magsisilbing proteksyon sa ating mga balat laban sa kagat ng lamok. Maglagay ng lotion na iniiwasan ng lamok ang amoy.

Sa parte ng gobyerno, itulak pa ang information campaign para mas maraming Pilipino pa ang makaalam sa dapat gawin upang makaiwas sa dengue.

Sa parte naman ng Department of Education, sana’y gawing standard na sa bawat classroom ang pagkakabit ng screen sa lahat ng bintana at pinto.

Tanging kahandaan at kaalaman ang ating magiging panlaban sa dengue na pumuputakte sa ating mga anak na nasa eskuwelahan.

Kung mahigpit ang gwardya ng mga paaralan sa pagpapatupad ng ‘No ID, No Entry’ sa mga estudyante, dapat ay ipatupad din nila ang ganong polisiya sa mga lamok. No ID, No Entry kay Aedes aegypti. Kung may sipsip na estud­yante, bawal naman ang sipsip na lamok sa eskuwelahan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *