Yellow lane sagasa sa masa

Araw ng Lunes, Agosto 5 ng kasalukyang taon nang gumimbal sa mga motorista, lalo na sa mga pasahero ng bus na tumatahak sa kahabaan ng EDSA, ang wala halos galawan sa daloy ng trapiko partikular sa itinalagang linya o yellow lane para sa mga pampasaherong bus.

yellow lane sagasa sa masa - Yellow lane sagasa sa masa
ABANTE Edsa - Yellow lane sagasa sa masa

Ni Armida Rico

Araw ng Lunes, Agosto 5 ng kasalukyang taon nang gumimbal sa mga motorista, lalo na sa mga pasahero ng bus na tumatahak sa kahabaan ng EDSA, ang wala halos galawan sa daloy ng trapiko partikular sa itinalagang linya o yellow lane para sa mga pampasaherong bus.

Nagtuloy-tuloy pa ang napakasikip na daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA sa mga sumunod pang araw, pati na ang idinulot nitong perhuwisyo sa mga mananakay na tumatangkilik sa pampasaherong bus na naging dahilan upang mahuli sa trabaho ang mga manggagawa habang nagpasiya namang lumiban na lamang sa kanilang paaralan ang mga estudyante dahil natengga sila ng matagal sa trapiko.
Nagmistulang isang malaking parking area ng mga bus (City Bus at Provincial Bus) ang dalawang linya ng EDSA na inilaan sa kanila ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil hindi halos umusad ang daloy ng trapiko.
Ang ilan sa kanila ay napilitan na lamang maglakad kahit pa nga bumubuhos ang napakalakas na ulan sa pagnanais lamang na makapasok sa kanilang trabaho at sa paaralan naman ang mga estudyante.

Implementasyon ng yellow lane
Taong 1990 nang simulan ni dating Transportation Secretary Oscar Orbos ang implementasyon ng yellow lane policy kung saan dalawa sa limang linya ng EDSA ang inilaan sa mga pampasaherong bus. May mga panahon na mahigpit itong pinatutupad pero marami ding pagkakataon na naging maluwag ang MMDA sa implementasyon nito.

Sa ginanap na pulong balitaan ng MMDA, inamin ni Gene-ral Manager Jojo Garcia na ang mahigpit nilang pagpapatupad sa yellow lane policy simula noong Agosto 5 ang dahilan kaya’t nag-usad pagong ang napakaraming bus na nagsiksikan sa linyang inilaan sa kanila.

Ayon naman kay Col. Edison ‘Bong’ Nebrija, MMDA EDSA Traffic Manager, na naging maluwag naman ang daloy ng trapiko sa tatlo pang linya na nakalaan sa mga pribadong motorista kaya’t umani ito ng negatibong reaksiyon sa mga naperhuwisyong pasahero ng mga bus.

Aniya, inakusahan nila ang MMDA na “anti-poor” dahil p­awang mga pribadong sasakyan na pawang may magandang estado ng katayuan sa buhay ang pinagkalooban ng tatlong linya sa EDSA habang silang mga may kakayahan lamang suma-kay ng pampublikong sasakyan sa pagpasok sa trabaho o paaralan ang naperhuwisyo at nagdusa sa masikip na daloy ng trapiko.

Tanong tuloy ng marami kung may katotohanan ba na kaya inaprobahan ng Metro Manila Council (MMC) na siyang “policy making body” ng MMDA ang yellow lane policy ay upang pagbigyan ang mga may-ari ng pribadong sasakyan na halos karamihan ay kanilang kaibigan o ka-alyado sa pulitika?

Ang MMC ay binubuo ng mga alkalde sa Metro Manila na siyang hinihingan ng permiso ng MMDA sa kanilang mga ilalatag na panuntunan at alituntunin na may kinalaman sa pagsasaa-yos ng daloy ng trapiko sa buong Kamaynilaan.
Ang mahigpit na implementasyon ng yellow lane policy ay nataon naman sa dry run ng ban sa provincial bus sa EDSA, sa kabila ng ipinalabas na injunction ni Quezon City Regional Trial Court (RTC) Judge Caridad Walse-Lutero ng Branch 223 na may petsang Hulyo 31, 2019. Base ito sa inihaing petisyon ng Nagkakaisang Samahan ng Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas Inc. at ng 16 pang bus o­perator.

Tulad ng inaasahan ay iilan lamang sa mga malalaking bus operator ang tumupad sa usapan na bo-luntaryong makibahagi sa dry run na naging dahilan upang higit pang nagdusa ang mga pasahero ng bus na hindi makausad sa napakahabang pila sa inilaan sa kanilang linya lalo na’t mahigpit ang pagbabantay ng mga traffic enforcer sa mga lalabas ng yellow lane.

Sinabi ni Nebrija na higit na napatunayan ang pangangailangan na pagbawalan ang mga provincial bus sa pagtahak sa EDSA nitong mga nakaraang araw dahil sa haba ng kanilang pila sa yellow lane na itinalaga para sa kanila.

Aniya, kung maipatutupad lamang ang pagbabawal sa mga provincial bus na tahakin ang may 23.8 kilometrong haba ng EDSA, kalahati ng mga tumatahak ditong bus ay mababawasan at tiyak na luluwag ng husto ang daloy ng mga bus sa itinalaga sa kanilang linya.

Itinanggi rin niya ang ilang akusasyon na ang paglalagay ng yellow lane ng ahensiya ay upang paboran ang mga pribadong sasakyan na tumatahak sa EDSA.

“May mga matitigas ang ulong tsuper ng bus na lumalagpas sa itinalagang yellow lane habang marami ring pasahero ang nag-aabang sa mismong lansangan sa halip na sa bangketa at sa wastong sakayan at babaan” ani ni Nebrija.

“I do not want to single out any kind of transport pero the thing is, the bottom line dito is kailangang lahat tayo may di-siplina,” ani pa ng opisyal.

Pribadong motorista
Sa panayam naman ng Abante kay Boyet Guillermo, 64-an-yos, negosyante, isang pribadong motorista, pabor aniya siya sa implementasyon ng provincial bus ban sa paniwalang makakatulong ito sa pagluluwag ng daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA.

Aniya, hindi lamang ang mga bus na lalabag sa yellow lane policy ang dapat pagtuunan ng pansin ng MMDA kundi ang mga colorum na bus at iba pang uri ng pampublikong s­asakyan na walang kaukulang prangkisa subalit tumatahak sa EDSA.

Malaking tulong din aniya kung ipatutupad ng ahensiya ang High Occupancy Vehicle Lane kung saan ipagbabawal na isa lamang ang sakay ng pribadong sasakyan na tumatahak sa EDSA.

Mga commuter

Marami naman sa mga commuter ang pumalag sa mahigpit na implementasyon ng yellow lane. “2 lanes for public transportation??? Di makatao and obviously serve the privilege people,” komento ng commuter na nagpatagong pangalan.

“Hindi kasi nagcocommute ang nakaisip niyan. Mga de-kotse with wang-wang and police escort ang gumagawa ng policies. Hindi alam kung gaano kahirap maging commuter sa Metro Manila.” sundot naman ng isa pa.

Nirekomenda naman ng isang Carlson Lleno na imbes na two lane ay gawing three lane ang nakalaan para sa mga city at provincial bus. May mga nagsabi naman na kung maayos lamang ang MRT-3 tulad ng MTR sa Hong Kong, kaunti na lamang ang sasakay ng bus dahil magtetren na lamang ang mga pasahero.

Bus driver

Sa panig naman ng bus driver na si Lito Guerrero, 53-anyos, driver ng city bus, taga-Quezon City, hiling din niya na gawing tatlong linya ang ilaan sa mga pampublikong bus at ibigay sa pribadong motorista ang dalawang linya dahil maliliit lamang naman ang kanilang gamit na sasakyan.

Bukod dito, hindi naman sila lamang ang nakakagamit sa yellow lane kundi nakakapasok din dito ang mga pribadong motorista lalo na bago dumating sa mga choke point kung saan sila liliko.

Panawagan niya sa pamahalaan na bigyang halaga ang kanilang ipinagkakaloob na serbisyo sa mga mananakay sa halip na paboran at pagsilbihan ang mga mayayamang gumagamit ng pribadong sasakyan.

“Pinaluwag ba yung kalsada para mga mayayaman na naka kotse at sila lang puwedeng dumaan tapos ang mga mahihirap bawal gumamit ng kalsada na pang mayaman?” himutok pa ni Guerrero.

“Dapat naman pantay-pantay ang gawin nila para sa mga mahihirap o sa aming mga naghahanap buhay” dagdag pa ng bus driver.

Senate investigation

Nakatakda naman imbestigahan ng Senate committee on public services ngayong Martes, Agosto 13, ang problema ng matinding trapiko sa EDSA. Itinulak ito ni Senador Grace Poe, chair ng komite, matapos batikusin ang MMDA na tila ginagawang eksperimento ang mga commuter sa problema ng trapiko sa EDSA.

“Matinding kalbaryo na naman ang nararanasan ng ating mga kababayang dumadaan sa EDSA. Maniningil tayo ng paliwanag at hindi natin palalagpasin ang kailangang managot sa kaguluhang ito,” diin ni Poe.”Bakit ginagawa tayong parang science project, puro eksperimento, habang taumbayan naman ang nagdurusa?”

Nanindigan naman si Nebrija na hindi sila nag-eeksperimento dahil walang koneksyon ang provincial bus ban sa paghihigpit sa yellow lane policy.

Tiniyak din nitong ipagpapatuloy nila ang polisiyang ito kung saan plano na rin ng MMDA na lagyan ng permanenteng bakod at baller ang EDSA upang matiyak na mananatili na sa tamang linya ang mga motorista.

Idinagdag pa ni Nebrija, na tanging nakikita lamang ng mga bumabatikos sa kanila ang mga lugar na kung saan nagkakabuhol buhol ang traffic sa area ng Kamuning, Cubao, Santolan, Shaw Bloulevard, Guadalupe at sa Ayala.

“Pero yun ibang area sa Edsa ay wala kang makikitang trapik at napakaluwag ng EDSA, kasi yun mga nabanggit na lugar ay dito karamihan na nagbaba at nagsasakay ng mga pasahero” pahayag pa ng opisyal.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *