‘Wag palayain si Sanchez – Duterte

MISMONG si Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos kina Justice Secretary Menardo Guevarra at Bureau of Correction (BuCor) chief Nicanor Faeldon na huwag palayain ng New Bilibid Prison (NBP) si convicted rapist-murderer Antonio Sanchez.

wag palayain si sanchez duterte - ‘Wag palayain si Sanchez – Duterte
duterte 64 - ‘Wag palayain si Sanchez – Duterte

MISMONG si Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos kina Justice Secretary Menardo Guevarra at Bureau of Correction (BuCor) chief Nicanor Faeldon na huwag palayain ng New Bilibid Prison (NBP) si convicted rapist-murderer Antonio Sanchez.

“Noong malaman ni Pangulong Duterte ‘yang balitang ‘yan, ipinarating n’ya po kay BuCor chief Nick Faeldon at Secretary Guevarra na huwag i-release upon the order of the higher authority,” pahayag ni Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go sa panayam sa Unang Balita sa GMA7 kahapon.

“So sino pa ba ang higher authori­ty. Not higher authorities, higher authority, so ibig sabihin ang Pangulo,” sabi pa ng dating Special Assistant to the President.

Ayon sa senador, galit diumano si Pangulong Duterte nang malaman nitong lalabas na ng kulungan si Sanchez dahil napapababa ang sentensiya nito bunga ng kanyang ‘good conduct’ sa loob ng piitan.

“Galit po ang Pangulo, kaya nasabi kong galit ang Pangulo dahil gusto niyang humupa ang isyung ‘yan. Hindi maintindihan ng tao anong explanation pa ‘yan, ayaw ni Pangulo dahil heinous crime nga ‘yan,” sabi ni Go.

Bilang abogado, naniniwala umano si Pangulong Duterte na hindi kasama si Sanchez sa RA 10592 dahil ang kanyang nagawa ay heinous crime o karumal-dumal na krimen.

“Abogado po ang pangulo, pinag-aaralan niya ang batas, excluded po siya dun sa RA 10592, dun sa Section 1 excluded ang lahat ng heinous crime,” anang senador.

Sabi ni Go, Miyerkoles pa lang nang gabi, ay nakarating na ang mensahe ni Pangulong Duterte na nag-aatas na huwag palayain si Sanchez sa kanyang piitan sa NBP.

Si Sanchez ay nakulong dahil sa paggahasa at pagpatay sa UP student na si Eileen Sarmenta, at pagpatay sa boyfriend nito na si Allan Gomez noong Hunyo 1993.

Matapos ang higit 25 taon pagkakulong, unang sinabi ni Guevarra na maaaring mapalaya si Sanchez alinsunod sa RA 10592 subalit matapos umangal ang taumbayan ay kumambyo ang DOJ chief dahil hindi umano kuwalipikado sa Good Conduct Time Allowance ang dating alkalde.

Nilinaw naman kahapon ni Guevarra na wala pa siyang natatanggap na direktiba mula sa Pangulo tulad ng sinasabi ni Sen. Go. Ang tanging nakara­ting sa departamento ay ang request ng Malacañang na i-hold ang proseso sa posibleng paglaya ni Sanchez.

“The request that I received from Malacañang was to hold processing of mayor Sanchez’s case until all factual and legal issues have been fully threshed out,” ayon sa kalihim (Dindo Matining/Lorraine Gamo)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *