Villar, mga magsasaka nagsabong sa rice law

Umaray ang mga magsasaka sa bagsak na presyo ng palay mula nang ipairal ang rice tariffication law ni Senador Cynthia Villar.

villar mga magsasaka nagsabong sa rice law - Villar, mga magsasaka nagsabong sa rice law
villar 6 - Villar, mga magsasaka nagsabong sa rice law

Umaray ang mga magsasaka sa bagsak na presyo ng palay mula nang ipairal ang rice tariffication law ni Senador Cynthia Villar.

Ito ang hinaing ng mga magsasaka sa pagdinig ng Senate committee on agriculture and food hinggil sa implementasyon ng rice tariffication law.

Sinabi ng ilang magsasaka at farmer-rights advocates sa pagdinig na bumagsak sa P7 hanggang P8 ang kada kilo na palay na mas mababa sa production cost nito na P12 kada kilo.

Ayon kay Romeo Royandoyan, ng Centro Saka, nagulat sila sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nagsabing P17 ang kada kilo ng palay na malayo aniya sa katotohanan.

“Pwede po ba yung PSA, magreview kayo ulit dahil naiiba ‘yung monitoring ng mga farmers namin sa ground. Ang report until last night, nagugulat sila, bakit ang Nueva Ecija, bakit otso lang yung palay?” sabi ni Royandoyan.

“Before the batas, ang presyo ng palay is P20. Noong napasa ang batas, bakit naging dose, otso, nueve?” dadag pa nito.

Hindi naman matanggap ni Villar ang rebelasyon ng mga magsasaka.

Kung totoo man ito, makabubuting ilista nila ang mga lugar kung saan binebenta ang palay ng P7 hanggang P8 bawat kilo upang sa gayon ay makasaklolo ang National Food Authority.

Nauna nang sinabi ni Villar na fake news lamang ang balitang bagsak ang presyo ng palay dahil sa iniakda niyang batas.

Siningil naman ni Senador Francis Pangilinan si Agriculture Secretary William Dar dahil sinabi umano nito sa naunang pagdinig na dodoble ang kita ng mga rice farmer sa pagpapatupad ng nasabing batas.

Sinabi naman ni dating Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano, dapat irespeto ng mga opisyal ng gobyerno ang karanasan ng mga magsasaka na siyang mas nakaalam na tunay na presyo ng kanilang inaani.

“Kahit pa bali-baliktarin natin kung aktwal at konkretong naranasan ng ating magsasaka — sa Nueva Ecija, hindi po iyon pagmamalabis. Kasi hindi po pwedeng magmalabis ang aktwal na karanasan ng mga magsasaka,” sabi ni Mariano. (Dindo Matining)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *